Batibat

Naroon ka at narito. Ikaw na tumatawid, tinatawid niya ang iyong panagimpan. Ikaw na bumabalik ngunit di nakakaalis. Pinagmamasdan ka at ikaw ay nagmamasid. Sandali ito ng pagsuway sa payo ng iyong ina: huwag matutulog nang di natutunawan. Dumarating siya na walang anino at tahimik na bubugawin ang kawan ng mga ibon sa ‘yong panaginip. Makikilala mo siya sa sulok, sa pagitan, sa patong-patong na lunan: alimuom sa kamusmusan, angép na ikinuyom ng libog, natuyong tutubing karayom na nakaipit sa pahina ng tula. Tiyak ang duda. May alinlangan, maging sa panaginip. Narinig mo na ang kaniyang pangalan mula sa pananakot ng iyong ina, at ang karugtong ng salaysay: sinusundan mo ang alulong ng asong itim na di mapakali sa nakasabit na panti sa kawad ng kuryente. Ito ang kaniyang mundo, nahuhulog ka, nalulunod, naglalakad ng paurong. Igalaw ang hinlalaki sa paa. Hinahabol mo ang tutubing karayom na tila nakawalang lobo sa iyong daliri. Narito ka, nakadungaw sa bintana at hinihintay ang paparating na tren habang sa ibabaw ng kama ay nakayakap na kumot sa iyong katipan ang nagdadalamhating karnal. Naroroon ka, naglalakad ngunit di nakakaalis. Isa-isa mong nilalagay ang iyong mga laruan sa taguan na walang mga paa, walang kamay, walang ulo. Narito ka, pababa ng hagdanan, hinahabol ang tinig at nagsasabing: mahal kita, saktan mo ako. Hayun! ang puting lobo, nakasabit sa matandang puno ng kapok. Matapos mong punasan ang pawis sa noo, maririnig sa ilalim ng ‘yong kama ang panaghoy: nagdadalamhati sa sariling panaginip ang Batibat.

___________
*Bangungot

ver. 2.0
5 Enero 2014

Advertisements

Wakas

Nang umagang iyon sa labas ng pagawaan ng sirang telebisyon, sa palabas nag-aabang ang lahat sa pagdating ng Manghuhukom, walang nakakita sa dalisay na ngiti ng estranghero. Nginangatngat ng daga ang natutuklap niyang kuko sa paa, habang dinidilaan ng asong itim ang nagnanaknak na sugat sa tuhod. Nagtatampisaw ang kaniyang isipan at doon sa naiibang panahon naunang nagtago sa katawan ng estranghero ang mga bituwin, planeta, kometa, bulalakaw, araw, hangin, ulap, bato, alikabok, at tubig. Nang bumagsak ang liwanag mula sa kalawakan, tanging ang estranghero ang nakarinig sa awit ng simboryo. Unti-unting nagugunaw ang lahat sa apoy, habang ang estranghero ay nalulunod sa paglulunoy sa Ilog Beata.

Erostika 2

Giniginaw ang lungsod habang kinukumutan ka ng aking paghaharaya. Dito

ano ang itinatangi ng ating katawan? Marahil, nais mong sabihin hugasan mo ang aking katawan. Hagkan ako at hayaang malapnos ang aking kaluluwa sa mga lihim ng ating buntunghininga. Ngunit ano ang apoy kung hindi nito masusunog ang ating damdamin. At ano ang damdamin kung hahayaan nating maging abo sa buong magdamag.

Hanggang saan tayo dadalhin ng ating katawan? Dito

Habang mayumi ang halik mo sa halik ko, napupuyat ang lungsod sa kaniyang paglalayag. Sa labas, ang lungsod ay hindi mapakali. Naglalayag sa ibabaw ng di-matahimik na alon ng gabi. Habang dito

naghahabulan sa silakbo ng ating hininga. Walang katapusan. Walang kapaguran. Laging naghahanap ng landas ang init ang ating katawan. Naghihimagsik ang mga halik ko sa halik mo. Naglalakbay ang mga halik mo sa halik ko. Waring gustong kumawala, may iisang landas na nilalakaran. Ang aking mga kamay sa iyong katawan ay naghahanap ng laya. Ang iyong mga kamay sa aking katawan ay sumasayaw ng paglaya. Nais mong sabihin, hugasan mo ang aking katawan. Nais kong sabihin, hayaan mong hagkan ko hindi lamang ang iyong katawan. Nais mong itanong, ano ang ibinubulong ng aking luha? Nais kong sagutin, nasa akin ang nawawalang kawangis na iyong luha. Ano at hindi natin masabi ang tanging namumutawi sa ating mga labi? Sapat na ba ang aking mga halik na umaangkin sa iyong dibdib? Sapat na bang tanggapin ng iyong utong ang aking dila? Sapat na bang tanggapin mo ang aking kapusukan upang mamutawi ang ibinubulong ng luha? Sapat na bang maging malaya ang aking mga labi sa iyong puson upang maangkin ang labi ng dilim? Ano ang itinatangi ng iyong dilim? Pagsuko o kapusukan o pagluha? Dito

habang unti-unti ay pumapasok ako sa iyong dilim, ang lungsod ay giniginaw na bangkay na naghahanap ng  sariling libingan. Nais mong sabihin, hayaan akong maging pira-piraso. Mapunit ang dilim sa iyong kapusukan. Nais kong sabihin, hayaan akong makipagniig sa dilim. Angkinin at sumuko ang aking katawan sa dilim.

Nais kong sabihin, hayaan mong ibigin kita

mahulog ang aking katawan, kahit maging hubad ang lahat at inaagnas na bangkay ang lungsod.

Hindi lamang dito. Huwag lamang manatili sa ganito ang ating damdamin dito.

Pangláw

Ikaw ang dahilan kumbakit kailangan kong tahakin ang landas na iniwan ko na. Ikaw na pinangakuan ko ng walang hanggan. Ako na nagako sa iyo ng walang hanggan.

Narito ka sa aking silid. Tulad ng iyong nakagawian ay hahalungkatin ang aking mga libro. Guguluhin ang payapang uniberso  sa aking silid. Habang nakatitig sa iyo, sasabihin kong wala kang pinagkaiba sa mga babae ni Tony Leung sa mga pelikula ni Wong Kar Wai.

Magiging orasan ng pagtatagpo sa ibang panahon ang nakasindi kong yosi. Magtatagpo tayo sa tren. Sa loob ng tren na hanggahan ng lahat ng damdamin, naisulat man o naibigkas.

Sa aking silid, kukumbinsihin mo akong hindi nagtalik sina Tony Leung at Maggie Cheung sa In The Mood For Love.

“Ano ba sa Filipino ang Nostagia?” Tanong mo.

“Pagsakay sa tren,” wika ko.

Parang pelikula. Tulad sa mga paborito nating pelikula.

Bakit ba lahat halos ng eksena ng paghihiwalay sa pelikula ay nangyayari sa istasyon ng tren? Sa pagsakay sa tren. Anong mayroon sa tren at kailangang doon magtagpo at maghiwalay? Bakit sa tren tayo nagtapo at doon naghiwalay?  Bakit kailangan sa tren magtapo sina Ethan Hawke at Julie Delpy o bakit sa istasyon ng tren magpapaalam ang magkasintahan sa My Sassy Girl o bakit kailangag sumakay si Tony Leung sa tren para makabalik siya sa 2046?

Hindi ka naniniwalang si Tony Leung lamang ang nakabalik sa 2046. Paano si Black Widow, katwiran mo. Hindi ba niya minahal si Tony Leung? Mali. Sila ang mga minamahal. Tanging ang nagmamahal lamang gaya ni Tony Leung ang may karapatang makabalik sa 2046. Masisira ang kuwento kapag tinanggap ni Faye Wong ang hamon ng alaala. Walang kuwento sa kanilang kuwento kapag parehong bumalik ang minamahal at nagmamahal sa 2046. Anong mangyayari kapag parehong nagsulat ng nobela sina Ethan Hawke at Julie Delpy sa Before Sunset? Nasaan ang kontradiksyon sa mga kuwentong pag-ibig kapag hinanap ni Maggie Cheung si Tony Leung sa 2046?

Magtatalo tayo hanggang umaga. Magtatalo tayo hanggang sa muli nating pagtatagpo dito sa loob ng mumurahing kapihan, malapit sa istasyon ng tren kung saan ka nakipaghiwalay sa akin. Kumusta ka na? Mukha yatang hindi ka na sanay uminom ng kape at hindi na rin ako sanay na magyosi. Kumbakit kailangan natin ng kuwento para masabing nagmahal tayo. Nagmahal dahil nawala. May umalis. May naghintay.

Sino ba sa atin ang nagpaalam? Sino ang umalis? Sino ang naghihintay?

Saka mo ilalabas ang dala mong libro. At itatanong mo sa akin kung ano nga ba sa Filipino ang nostalgia. Muli, magiging orasan ng pagtatagpo natin sa ibang panahon ang nakasindi kong yosi. Ang hindi ko na maubos na yosi. Narito tayo sa aking silid. Muli mong itatanong habang nagbabasa ng libro: Ano ba sa Filipino ang nostalgia?

Pangláw, mahal. Pangláw.

13 Enero 2011

Ver. 2