Batibat

Naroon ka at narito. Ikaw na tumatawid, tinatawid niya ang iyong panagimpan. Ikaw na bumabalik ngunit di nakakaalis. Pinagmamasdan ka at ikaw ay nagmamasid. Sandali ito ng pagsuway sa payo ng iyong ina: huwag matutulog nang di natutunawan. Dumarating siya na walang anino at tahimik na bubugawin ang kawan ng mga ibon sa ‘yong panaginip. Makikilala mo siya sa sulok, sa pagitan, sa patong-patong na lunan: alimuom sa kamusmusan, angép na ikinuyom ng libog, natuyong tutubing karayom na nakaipit sa pahina ng tula. Tiyak ang duda. May alinlangan, maging sa panaginip. Narinig mo na ang kaniyang pangalan mula sa pananakot ng iyong ina, at ang karugtong ng salaysay: sinusundan mo ang alulong ng asong itim na di mapakali sa nakasabit na panti sa kawad ng kuryente. Ito ang kaniyang mundo, nahuhulog ka, nalulunod, naglalakad ng paurong. Igalaw ang hinlalaki sa paa. Hinahabol mo ang tutubing karayom na tila nakawalang lobo sa iyong daliri. Narito ka, nakadungaw sa bintana at hinihintay ang paparating na tren habang sa ibabaw ng kama ay nakayakap na kumot sa iyong katipan ang nagdadalamhating karnal. Naroroon ka, naglalakad ngunit di nakakaalis. Isa-isa mong nilalagay ang iyong mga laruan sa taguan na walang mga paa, walang kamay, walang ulo. Narito ka, pababa ng hagdanan, hinahabol ang tinig at nagsasabing: mahal kita, saktan mo ako. Hayun! ang puting lobo, nakasabit sa matandang puno ng kapok. Matapos mong punasan ang pawis sa noo, maririnig sa ilalim ng ‘yong kama ang panaghoy: nagdadalamhati sa sariling panaginip ang Batibat.

___________
*Bangungot

ver. 2.0
5 Enero 2014

Advertisements

Ang Batang Nakipaglalo ta Pulan Lobo

Ang Batang Nakipaglalo ta Pulan Lobo

(Hango sa The Red Baloon  (1956) )

Ni Mikael Rabara Gallego

(Kay Sylvere Borromeo

At sa mga gabing kailangan nating matulog sa Luneta)

 

Gutto kong lumipad. Gutto ko ng pulan lobo. Ayaw ko ng voltet payb. Di ko gutto ti aslo boy. Ayaw ko ng etpada ni Dat Beder. Takot ako e.

Gutto ko ng pulan lobo. Tatakay kami ng yip-yip, tatatbo sa tiyapo, edta, tatawid ta abenida, tatain ng ice lim. Hinawakan ko ng mahigpit ang pulan lobo, Tumakayt  kami ng kabalyong patpat, tapos tatbo kami ng tatbo, tatatbo gang makalating sa Plance. Kahit ta Pluto, pupunta tami basta may libleng toton tendi.

‘Tang alaw, nang papatok ako ng itkul, nakita ko ang pulan lobo, nakatabit ta potte. Tabi ko, wow, anlaki-anlaking bayabat. Pagkakuha ko ta pulan lobo, naging malaking mooon. Pulan pulan moooon. Talap ng piling e. May kalalo na ako, bagong taibigan, katama sa pamamatyal, dadalhin ko ta skul, mag-aalal taming dalawa. Mag-aalal akong mabuti para sa taibigan kong pulan lobo.

Tinutundan ako ng pulan lobo. Tahit tan ako magpunta. Palang may taliling itip, kahit di nagtatalita. Naglalo kami ng tagu-taguan, tumbang pleso, pantintelo. Syemple, si pulan lobo ang laging taya! Hinahabol namin ang mga tlen, nakitilong kami ta mga taong may payong pag umuulan. Lokong pulan lobo, nang may makitang buthaw na lobo, iniwan ako. Hinabol ang tekti-tekting buthaw na lobo. Sinundan ko nga.

Pero malami nagkakagutto sa pulan lobo. Kahit itim na ato gustong kagatin. Lalo na si Tig-ong. Dinukot nila itang araw ang pulan lobo at dinala sa isang lote. Tiniladol nila ng tiniladol. Hinanap ko ang pulan lobo. Di ako makakatulog pag nawala ta akin ang pulan lobo. Nang makita ko, tinawag ko ang pulan lobo, tumatbo kami ng ng tumatbo. Hinabol kami ng tabigan ni Tig-ong.

Angang makalating kami sa Luneta. Doon, tiniladol nila ng tiniladol ulit. Binato ng binato.  Ang taklap naman ng mundo, tigaw ako ng tigaw. Pelo di nakinig tina Tig-Ong. Angang mapagod ang pulan lobo, umimpit nang umimpit, lumiit nang lumiit. Tapot tinapakan ni Tig-Ong. Ayun, patay!

Naiwan akong mag-ita sa tabi ng pulan lobo. Tapos, biglang andaming dumating na lobo. May malalaki. May malilit. Pala silang mga bitwen na tumatapit sa akin. Tuwan-tuwa ako. Itinali ko ang mga lobo ta aking mga tamay angang lumipad ako. Antalap ng piling na nililipad ka ng malaming lobo. Kaya nagplamis ako sa taibigan kong pulan lobo.

Paglaki ko, tatawa ako ng ispeytip. Pupunta tami ta bulan.

 

(Noong isang linggo habang nasa lamay ng kaibigan naming si Norman, nagkita ulit kami ni Syl, at di maiwasang mapagkuwentuhan ang nakaraan, ang buhay estudyante, ang pagtulog sa Luneta, ang librong nabasa, ang paboritong pelikula. Hanggang mabanggit niya ang Red Baloon, kung paanong hanggang ngayon ay di parin sumasablay na antigin ang aming mga gurang na isip. Isa lang ang ibig sabihin nito, kailangang bumalik sa West of Ayala, di ba kuya Alvin? Hehe)

Sa Perokaril*

Sinubukan kong paslangin ka.
Humiga ako sa riles. Hinintay
ang pagdating ng tren.

Malalasog ang aking katawan, walang duda.
Hindi mo na ako makikilala.
Hindi na kita maaalala.

Malamig. Masakit sa katawan ang humiga
sa kama na bakal at mga bato. Nakipag-diskurso
ako sa hangin, ulap, langit

liwanag. Nang mapagod, pumikit ako.
Susubukan kong paslangin ka.
Marami akong naaalala.

Wala akong maalala na binigkas ko
ang aking tula sa mahimbing na pagtulog mo.
Tanda ko, nakatulog ako sa pagbabasa

ng Aves. Magandang pangalan,
sabi ko, sa magiging anak natin. Ngunit
takot ka sa manok, habang ako

sa ‘yong tabi ay tinutubuan ng pakpak.
Isinusulat natin ang ating mga pangarap

sa ating talampakan. Maglakad
nang maglakad. Hindi pa natin

sinusubukang maglakad sa perokaril.
Ang isuko ang sarili sa mga alon, oo;

ngunit sa riles ng tren? Ganito rin ba
ang pakiramdam ng magpaubaya

habang hinihintay ang tren?
Kung narito ka sa aking tabi’t nakahiga

sasabihin ko sa ‘yong nahihirapan akong huminga.
Hindi pa natin napapanood ng sabay ang Breathless.

Sabay tayong humihinga, walang duda.
Nawawalan ng hininga.

Sino ba sa atin ang gustong maglaho?
Duda ko, walang sinuman sa atin
ang gustong mawala. Ngunit

kapag sinagasaan ako ng tren
Susubukan kong magsatubig.
Dahil ayokong isulat sa tubig

ang ating pag-ibig. Mahirap paniwalaan
na namamatay ang makata,
tulad ng mangingibig.

Ganito ba ang pagpapaubaya?
Humiga sa perokaril at maghintay
nang maghintay nang maghintay?

Sinubukan kong alalahanin
ang unang linya sa tula ni Gracio*.
Tungkol sa ibon. Pagtanaw sa dalampasigan.

Agam-agam hawak-kamay sa katipan.
Ganito, ganito, ganito:
Taon ang lilipas at katipan mo

ako’t ikaw ang aking katipan.
Ngunit wala ako sa karagatan.
Narito ako, nakahiga sa riles,

Naghihintay. Sa pagdating ng tren,
Nais kong magising sa ‘yong tabi.

*riles ng tren

*Tinutukoy dito si Jerry B. Gracio, awtor ng Aves.

Muli’t muli, gayunman batid natin ang paisáhe ng pag-ibig

(Salin ng Again and again, however we know the landscape of love, ni Maria Rainer Rilke)

Muli’t muli, gayunman batid natin ang paisáhe ng pag-ibig
At ang hardin ng simbahan sa dako roon, pati ang napipighating ngalan niya
at ang pinangangambahang katahimikan sa abismo na ang lahat ay
nahuhulog: muli’t muli magkapiling tayong naglalakad
sa ilalim ng matandang puno, humihiga tayo muli’t muli
sa piling ng mga bulaklak, magkaharap tayo na nakaharap sa panganorin.

Si Lorca at Ako, isang hatinggabi

 

1

Naghuhunos ang panaginip.
Naglulunoy ang buwan sa nakalalasong tinta.

2

Dinalaw ko ang aking katipan sa siyudad.
Umaalulong sa saligway ang asong itim,
napunit ang mga ulap,
at niyanig ang lupa sa pag-ulan ng itim na apoy.

3
Nais kong itala ang pinakasimpleng imahen ng pag-ibig.
Nagpahaba ako ng buhok.

4
Madalas akong nahuhulog sa masikip na kabaong.
Nakikita kita, irog, umiiyak,
sa harap sumusunod ang mahabang prusisyon.
Upang makalimot, humukay ako ng ilog.

5
Hinahanap ko ang aking libingan
Pagkaraang hiwain ko ang mata ng aking katipan
at nangako ng pag-ibig na walang hanggan.

 

 

Awit sa dulo ng iyong pangalan

Ito ang lunan: naratibo ng pagsuko

ang iyong pilikmatang naiwan
sa pahina ng aking aklat. Narito ka,

itinatanging hininga ng aking hininga.

Apoy sa apoy na nakaipit sa naninilaw na papel.
Pulang hasmin na umuusbong sa pagitan ng parikala at parirala,
maringal na halimuyak sa imahinaryong siyudad.

Sakdal na sanghaya. Narito ka,

aking sinasaklot sa katahimikan, sa espasyo
ng mga titik at talinghaga, sa pumipintig na salaysay
sa nagtatagong hulagway ng persona, walang hanggahan

na aking isinusuko ang sarili sa awit sa dulo ng iyong pangalan.

Wakas

Nang umagang iyon sa labas ng pagawaan ng sirang telebisyon, sa palabas nag-aabang ang lahat sa pagdating ng Manghuhukom, walang nakakita sa dalisay na ngiti ng estranghero. Nginangatngat ng daga ang natutuklap niyang kuko sa paa, habang dinidilaan ng asong itim ang nagnanaknak na sugat sa tuhod. Nagtatampisaw ang kaniyang isipan at doon sa naiibang panahon naunang nagtago sa katawan ng estranghero ang mga bituwin, planeta, kometa, bulalakaw, araw, hangin, ulap, bato, alikabok, at tubig. Nang bumagsak ang liwanag mula sa kalawakan, tanging ang estranghero ang nakarinig sa awit ng simboryo. Unti-unting nagugunaw ang lahat sa apoy, habang ang estranghero ay nalulunod sa paglulunoy sa Ilog Beata.