Awit kay Naoko

Awit kay Naoko
Ni Mikael Rabara Gallego

Nakatuping gilid ng pahina ng nobela ang iyong alaala.
Bilang tanda. Tulad nang hiling mo sa ‘yong mangingibig:
Tandaang ako ay nabuhay. At akong mambabasa
Ang nagwika, at naiwan sa parang, sa iyong pagbibitiw
Ng huling awit ng buhay. Naiwan sa kasukdulan—
Bali ang leeg na nakasabit sa puno ng tandang pananong:
Bakit naunang nagluksa ang pag-ibig bago ang paglisan?

_________________
Batay sa Norwegian Wood (1987) ni Haruki Murakami.

Advertisements

Pagkaraan ng Nobela

Sa magkaibang panahon, umiibig ang binata sa dalagang nabubuhay lamang sa imahinasyon ng awtor.

Isa siyang haponesa at may malungkuting panagimpan.

Ang binatang umiibig ay laging sumasakay sa tren, sa bus, sa jeep papunta sa mundo ng babaeng Haponesa.

Para sa binata, nadadalaw niya ang babaeng Haponesa sa pagbabasa ng nobela. Naniniwala siyang nasa nobela ang wagas na pag-ibig.

Nagsisimula ang nobela sa kanta ng Beatles.

Anong mayroon sa kanta ng Beatles at lalo niyang naaalala ang babaeng Haponesa? Iniisip niya bilang isang katipan, may mahabang buhok, mapupungay na mga mata sa kabila ng pagiging sinngkit nito, at nagmamay-ari ng pinakamagandang batok sa balat ng lupa, marahil kamukha ng paborito niyang Anime, si Erika sa Daimos, laging nakangiti sa kaniya, tumatawa sa kaniyang mga kuwento, umiiyak kasama siya sa bawat salaysay na ibinabahagi niya rito. Naglalaro sila sa parang, nanghuhuli ng paruparu, tutubi, at hinahabol ang mga maya.

Sa gitna ng nobela, tumigil sa pagbabasa ang binatang umiibig. Hindi niya nakayanan ang kalungkutan ng babaeng Haponesa na inilalarawan ng awtor sa nobela.

Kasinungalingan: kailanman hindi nalaman ng binatang umiibig ang tunay na nangyari sa babaeng Haponesa.

Ang totoo: Sa nobela, nagpakamatay ang babaeng Haponesa. Mayroon lamang siyang isang hiling.

Para sa babaeng Haponesa, ang ibitin ang sarili sa puno ang pinakamagandang paraan ng pagpapatiwakal.

Kasinungalingan: Ang binatang umiibig ay nasa isip lamang ng binatang nagsusulat ngayon pagkatapos niyang mabasa ang nobela.

Ang totoo: Naiintindihan ng binatang nakatapos ng nobela ang huling hiling ng babaeng Haponesa:

Tandaan mo, ako ay nabuhay.

Heto marahil ang parikala ng buhay: Para sa binatang umiibig, ang babaeng Haponesa ay buhay at iniibig niya ito na walang kapalit. Nasa imahinasyon ng binatang umiibig ang pagiging inmortal ng pag-ibig.

Ngunit para sa binatang nakatapos ng nobela, kamatayan ang nagkakasal sa wagas na pag-ibig.

Ang pangalan ng babaeng Haponesa ay Naoko.

Si Haruki Murakami ang awtor.