Awit kay Naoko

Awit kay Naoko
Ni Mikael Rabara Gallego

Nakatuping gilid ng pahina ng nobela ang iyong alaala.
Bilang tanda. Tulad nang hiling mo sa ‘yong mangingibig:
Tandaang ako ay nabuhay. At akong mambabasa
Ang nagwika, at naiwan sa parang, sa iyong pagbibitiw
Ng huling awit ng buhay. Naiwan sa kasukdulan—
Bali ang leeg na nakasabit sa puno ng tandang pananong:
Bakit naunang nagluksa ang pag-ibig bago ang paglisan?

_________________
Batay sa Norwegian Wood (1987) ni Haruki Murakami.

1Q84 o Pag-ibig sa mundong dalawa ang buwan

Luneta park. Maghahatinggabi. Kasama ko si J. Galing pareho sa trabaho, nagobertaym, nakaupo kami sa damuhan, nakasandal sa puno, tanaw namin ang makisig na katawan ni Lapu-Lapu. Tahimik na ilog ang daloy ng mga taong naglalakad. Paroo’t  parito. May sari-sariling tinutungo, sari-sariling patutunguhan, mga estudyanteng ayaw pang umuwi, pamilyang walang sariling tirahan, mga tindero, guwardiya, mga pulubi, pusang gala, at mga kaluluwang naghahanap ng pahingahan. Sa harapan namin ay ang magkasintahang naglalambingan. Sa dako roon, sa munomento ni Lapu-lapu ay mga kumpol ng mga kabataang nagkakasiyahan, may mga nakaupo sa bench, mga nag-iisa, mga magkasintahan, pulubing dala ang sariling tahanan na nakabalot sa plastik. Sa harap ng National Museum, naririnig ko ang mga sigaw ng mga kabataang nag-eensayo ng sayaw o  naghahanda para sa isang pagtatanghal. Narinig ko ang awit ng Dashboard Confessional. Hinagilap ko sa alaala ang pamagat ng kanta, hinanap ng aking tenga ang tinig ni Chris Carrabba mula sa mga taong nagsisidaraan, tumigil sa isang lalakeng nakaupo sa may bench malapit sa harapan namin. Hindi ko pa rin maalala ang pamagat ng kanta. Dashboard…sabi ko sa aking kasintahan. Ngumiti kami pareho. Perfect. Napaka-absurd. Saktong-sakto sa pagbabasa, naisip ko.

Hindi gaanong malamig ang gabi, tila ihip sa flute ang yumayakap na hangin, at bumubulong ang mga dahon, tila melodiya ng kanta ni Louis Armstrong. Nagtatago ang mga bituwin. Nalalambungan ng makapal na ulap ang imahen ng buwan. Ang solitaryong buwan.

Hawak namin pareho ang aming sariling kopya. Huling apat na kabanata ng 1Q84. Nasa damuhan ang aming mga kape. Tahimik na naisuko ang pagiging obhetibo sa kapangyarihan ng grabedad. Nagsindi ako ng yosi. Pinakawalan ko sa hangin ang kulay asul na usok.

Humarap sa akin si J. Hinalikan ako sa labi. Masuyo. Nagliwaliw ang aking diwa, hinagkan ng aking katawan ang hulagway tulad nang panahong nakikinig ako ng Duke Ellington habang nagbabasa sa aking kuwarto, tinatanggap ang naiibang sensibilidad, humihinga nang may laya, maligaya.

1Q84

Taong 1984 ngunit hindi 1984. Parang sa 1984 ni George Orwell ngunit salungat sa 1984 ni George Orwell.  Dahil sa mundo ni Haruki Murakami, si George Orwell ay si Groucho Marx na may alagang nagsasalitang pusa.

Lahat ay fairy tale. Isang mahabang fairy tale.

Sa kalagitnaan ng aming pagbabasa, tumingala ako sa langit. Medyo maliwanag na ang langit ngayon. Punit na mga ulap. Nakamulagat ang buwan. Nakatitig sa amin ni J. Nagbabantay marahil. Pinagmamasdan kami.  Sa akin nakatapat ang buwan, sabi ni J.  Sa akin kaya, angal ko.

1Q84

Ang librong isinulat para sa atin, biro ko kay J.

Paraho kaming nasa Town of Cats. Itinadhanang maligaw. Maging lagalag. Laging narito ang lungsod para kumalinga sa tulad namin, ang gabi, ang lansangan, ang tahimik na gabi. Nakatarak ang lumbay sa aming dibdib na isang balaraw, mainit na metal. Wala kaming magagawa kundi dalhin ito. Iyon lamang ang tanging paraan para kami huminga, maglakad nang nakayuko ngunit nakayukom ang mga palad, mabuhay. Hindi kami malungkotin. Pero alam namin ang kahulugan ng kalungkutan. Hindi man namin kabisado. Ngunit naroroon ang unawa. Dahil narito ang talinghaga bilang pangangailangan. Ganito lamang kita maaaring mahalin, sabi ko kay J. Mahalin mo ako sa paraang alam mo, sabi ni J. Walang dapat hingin.

Kinakabahan na ako dito, sabi ko. Magkahawak-kamay. Nasa huling tatlong kabanata na kami. Paano kung mamatay sina Tengo at Aomame? Mahuli sila, habang nakatingin sa langit, pinagmamasdan ang dalawang buwan, magkahawak-kamay.  Hindi ko pa rin maintindihan kung ano talaga ang mga Little People, kuwento ko kay J habang ipinagpapatuloy namin ang pagbabasa. Sumagi sa isip ko, ang ending kaya ng 1Q84, nasa telepono pa rin ang bida, may kausap?

Huling kabanata na ng 1Q84. Nakaupo na kami sa bench, pinaalis kami ni Manong Gard, bawal na kasi ang umupo sa damuhan pag alas dose ng gabi. Saglit kaming nagpahinga sa pagbabasa. Nagsindi ulit ako ng yosi. Ang ganda ng katawan ni Lapu-lapu, komentaryo ni J. Mula sa kinauupuan namin, kitang-kita ang pagka-macho ng bayani. Parang model lang ng Axe. Hindi kaya si Tengo ang nakikita niya at di si Lapu-lapu? Napag-usapan namin ang mga babaeng karakter ni Murakami. Lalo na sina Naoko at Midori at Sumire. Napaka-eccentric talaga ang mga babae sa mundo ni Murakami. Samantalang ang mga bidang lalake, malinis, athletic, magagaling magluto, nakikinig ng Jazz, mahilig magbasa, ngunit passive sa buhay. Walang rebelyon sa katawan. Maaaring naiintindihan lang nila kung paano mabuhay, sabi ko kay J. Pero ang mga babaeng bida, punong-puno ng drive sa buhay. Bakit kaya?

Until it was nothing more than a gray paper moon, hanging in the sky,  sabi sa huling talata ng 1Q84. Sa mundo ng 1Q84, may dalawang buwan, ano ang imposible? Isang repleksyon ang lahat, nababaluktot ang realidad. O ang realidad ay nasa pagtingin ng indibidwal?

Magkahawak-kamay, pinagmamasdan namin ang buwan. Parang ibon na nasa aming ulunan. Umaawit marahil ng Sinfonietta. Ang buwan, kabisado niya ang pag-iisa. Ang kahulugan ng pag-iisa. Nauunawaan niya ang katahimikan, ang gabi, nauunawaan niya ang lunggati ng lungsod. Sa piling ni J, dama ko na puwedeng ibahagi ang pag-iisa, humihinga.

Naalala ko ang sinabi ni Rio Alma. Naalala ko. Habang nagbibiruan kaming mga makatang LIRa ng kung ano ang magandang pick-up line. Biglang sumabat si Rio Alma sa usapan. Sabi niya: Dalawang araw lang kita kailangan araw-araw.  Ang simple. Ngunit naroon ang talinghaga. Talinghaga bilang pangangailangan.

Pagkaraan ng Nobela

Sa magkaibang panahon, umiibig ang binata sa dalagang nabubuhay lamang sa imahinasyon ng awtor.

Isa siyang haponesa at may malungkuting panagimpan.

Ang binatang umiibig ay laging sumasakay sa tren, sa bus, sa jeep papunta sa mundo ng babaeng Haponesa.

Para sa binata, nadadalaw niya ang babaeng Haponesa sa pagbabasa ng nobela. Naniniwala siyang nasa nobela ang wagas na pag-ibig.

Nagsisimula ang nobela sa kanta ng Beatles.

Anong mayroon sa kanta ng Beatles at lalo niyang naaalala ang babaeng Haponesa? Iniisip niya bilang isang katipan, may mahabang buhok, mapupungay na mga mata sa kabila ng pagiging sinngkit nito, at nagmamay-ari ng pinakamagandang batok sa balat ng lupa, marahil kamukha ng paborito niyang Anime, si Erika sa Daimos, laging nakangiti sa kaniya, tumatawa sa kaniyang mga kuwento, umiiyak kasama siya sa bawat salaysay na ibinabahagi niya rito. Naglalaro sila sa parang, nanghuhuli ng paruparu, tutubi, at hinahabol ang mga maya.

Sa gitna ng nobela, tumigil sa pagbabasa ang binatang umiibig. Hindi niya nakayanan ang kalungkutan ng babaeng Haponesa na inilalarawan ng awtor sa nobela.

Kasinungalingan: kailanman hindi nalaman ng binatang umiibig ang tunay na nangyari sa babaeng Haponesa.

Ang totoo: Sa nobela, nagpakamatay ang babaeng Haponesa. Mayroon lamang siyang isang hiling.

Para sa babaeng Haponesa, ang ibitin ang sarili sa puno ang pinakamagandang paraan ng pagpapatiwakal.

Kasinungalingan: Ang binatang umiibig ay nasa isip lamang ng binatang nagsusulat ngayon pagkatapos niyang mabasa ang nobela.

Ang totoo: Naiintindihan ng binatang nakatapos ng nobela ang huling hiling ng babaeng Haponesa:

Tandaan mo, ako ay nabuhay.

Heto marahil ang parikala ng buhay: Para sa binatang umiibig, ang babaeng Haponesa ay buhay at iniibig niya ito na walang kapalit. Nasa imahinasyon ng binatang umiibig ang pagiging inmortal ng pag-ibig.

Ngunit para sa binatang nakatapos ng nobela, kamatayan ang nagkakasal sa wagas na pag-ibig.

Ang pangalan ng babaeng Haponesa ay Naoko.

Si Haruki Murakami ang awtor.