Ilog Bántaoy

Tahimik na umaagos ang ilog sa kawalang katiyakan. Dapithapon, makulimlim ang langit, gumagapang ang kilawét sa saligwáy. “Kailan ang luwas mo?” Pabulong na tanong ng dalaga sa kaniya. Nakaupo sila malapit sa pampang.  Hindi agad nakasagot ang binata. Tinitimbang ang nais sabihin. Kumuha siya ng maliit na bato at ipinukol sa gitna ng katahimikan. Pitik ng lumbay ang naging tugon ng kilapsaw. “Mamayang gabi,” maikling tugon ng binata sa kasintahan. “Baka malunod ka sa lungsod. Wala nang sasagip sa iyo.” Nakatingin sa malayo ang dalaga. Sa dako roon, may umaawit na págaw. Kay lalim ng puwang ang sumilay sa labi ng binata. Bigla’y namimintig ang kaniyang paa sa pagkakaupo. Paano nga ba niya maiiwan ang ilog Bántaoy? Bata pa sila naging tagpuan na nila ang karayán. Dito sila nagpapalipas tuwing dapithapon, nagpapahinga tuwing inuutusan sila ng kanilang mga magulang sa pagpapastol ng alagang kambing o tuwing pinapaliguan nila ang alagang kalabaw. Kahit noong magsimula na silang pumasok ng hayskul hanggang ngayong magtatapos na sila at maghihiwalay dahil sa napiling sariling kurso. “Susulatan kita agad pagdating ko ng Maynila. Hindi ko kabisado ang eksaktong address ng tutuluyan ko sa San Marcelino.” “Hindi ka ba kina Tiyo Lino mo maninirahan?” “Haan met,” sagot ng binata. “Masyado raw malayo ang Cavite. Mas mabuti raw na malapit sa unibersidad para kahit papaano mabawasan ang pag-aalala ni Nanang.” “Siguradong marami kang makikilala pagdating mo roon.” “Puwede ka pa namang humabol, ibagam ken nanang mo. Mabuti ikaw nakapasa ka sa UPCAT. Di ba sabi ng titser natin, marami namang pambabaeng dormitoryo roon.” “Di na. Malapit na ring matapos ang buwan ng Mayo. Isa pa, Walang makakasama sina ading at tatang sa pagsasaka. Sayang met daytoy daga no haan nga mamulaan.” “Hayaan mo kada isang buwan, iipunin ko ang padalang pera sa akin nina Tatang. Bibilhan kita ng cassette tape ng Eheads.” Ngumiti ang dalaga. Inayos ang magulong buhok. Pinagmasdan ng binata ang batok ng kasintahan. Naninimdim ang kayumanggi nitong kulay. Naaalala niya ang araw na sinagip siya ng kasintahan. Hindi siya marunong lumangoy. Marunong lamang lumutang. Ninais niyang tawirin ang kabilang pampang noon. Bata at maraming gustong patunayan sa sarili. Para sa kanila, lalo na sa matatanda, ang marating ang kabilang pampang ay nangangahulugan ng pagiging matapang. Ngunit pagdating sa gitna, kinulang siya ng hininga, at unti-unting kinakain ng tubig-tabang. Naiintindihan ngayon ng binata, sa kanilang dalawa, mas matibay ang kaniyang kasintahan. Batid niyang hinding-hindi niya matututuhang lumangoy lalo at sa malawak na karayán.  Binitiwan ng langit ang namumuong luha sa gitna ng init ng araw. Waring nalalaglag mula sa alapaap ang unang lumbay ng kaniyang kabataan, sinasalo ng karayán, nagiging munting kilapsaw… “Puwede ko bang hawakan ang ‘yong kamay?” Tanong binata sa kasintahan. At tinanggap ng kasintahan ang matagal nang hiling sa kaniya ng binata. Ito ang unang pagkakataong nagkadikit ang kanilang katawan. Sa pagkakalapat ng kanilang mga palad, apoy at hindi tubig-tabang ang yumayakap sa tiyak na sandali, sa bawat sandaling sinasalubong sila ng kawalang katiyakan.

___________

1. Karayán – ilog; 2. Kilapsáw- maliit na along pabilog na likha ng isang bagay na bumagsak o lumitaw sa tubig; 3. Kilawet – maikling kidlat; 4. Págaw – isang uri ng ilahas na kalapati. 5. Saligwáy – malayong tingin.