Lakay Simon

May-ari ng tinutuluyan nilang apartment si Lakay Simon. Kumakatok siya sa kanilang kuwarto at nag-aalok ng tagay tuwing gabi. Tulad ng isang sundalong umuwi galing ng digmaan at bigo sa pagibig, walang damit na pang-itaas na pumapasok sa kuwarto, may hawak na hinebra at may nakaipit na Champion sa daliri.

Ritwal na marahil para sa kaniya ang mag-alok ng tagay. “Para sa demonyo,” alok ni Lakay Simon sa kanila, kita ang nabubulok na ngipin habang nakangiti.

Minsan, naiwang mag-isa sa kuwarto si Alfredo. Wala pa ang kaniyang mga kasama sa bahay. Nauna siyang umuwi matapos makapagpaalam sa mga kaibigan na may tatapusing proyekto para sa subject nilang Film Appreciation. Nagkayayaan kasing mag-inuman sa may Kalaw.

Tulad ng dati, hindi marunong kumatok si Lakay Simon. “Lakay,” entrada  niya. “Ub-ubraem?” Simula noong malaman niyang taga-ilocos din si Alfredo, lagi na niyang tinatawag na Lakay. Hindi pa man siya nakakasagot, iniabot na niya kay Alfredo ang hawak na baso. “Heto, Lakay, para ti sairo.”  Tinanggap niya ang alok na tagay. Inilapag ni Alfredo ang baso sa sahig matapos tumagay. Nagpatuloy sa kaniyang ginagawa.

Bakit ba kahit na anong sanay mo sa alak e, mapait pa rin?

Umupo siya sa gilid ng kama, nakaharap kay Alfredo. Napansin Alfredo na nakabukas ang zipper ng pantalon ni Lakay Simon, walang damit pang-itaas.

“Kukwam dagita?”

Nakatingin si Lakay Simon sa mga librong nakasalansan sa gilid ng kama.

“Wen, Lakay.”

“Mahilig ka palang magbasa ng libro.”

“Pampalipas lang po ng oras.”

May kung anong bagabag ang dumapo sa kamay ni Alfredo, nanginginig ang kaniyang mga daliri habang nagtitipa sa keyboard. Nawawala ang momentum.

Hinihintay niyang magsalita muli si Lakay Simon ngunit nananatili siyang nakayuko. Kakatapos na naman siguro nitong kumantot, bulong ni Alfredo sa kaniyang sarili. “Lakay, lasing na yata kayo!” Sigaw niya. Isang sagad-sa-butong putanginamo! ang naging tugon ni Lakay Simon sa kaniya.

Pinagmasdan niya si Lakay Simon. Para siyang si Palito na lango, lasing sa nasawing pag-ibig. Minsan-minsan lang niya nakakasama sa inuman si Lakay Simon. Madalas kasi, si Lakay ang laging nagyaya at doon sila sa baba sa sala nag-ja-jamming kasama ang ibang borders ng apartment (mga seaman ang karamihang nakakuha ng kuwarto ng apartment). Pag ganun kasi, tumatanggi na siya. Hindi kasi nakikipag-inuman si Alfredo sa mga hindi niya kakilala. Dito lamang sa kuwarto nila nakakasamang makainuman si Lakay Simon.

Maraming kuwento si Lakay Simon tungkol sa kaniyang sarili. Kuwento na hindi nila alam kung totoo, o gawa-gawa lamang. Madalas kasi masyadong madaldal ang putang-inang matanda. Sabi ng mga seaman, dati raw sundalo si Lakay Simon. Nasira ang buhay nang makipag-hiwalay ang kaniyang asawa at sumama sa ibang lalake. Naburyong ang putang-ina. Sa kuwento ni Lakay Simon, may dalawa siyang anak, kinuha ng asawa nang makipag-hiwalay sa kaniya. Nagtrabaho sa Kuwait, napilitang umuwi si Lakay Simon nang magsimula ang Gulf War. Hinanap niya ang kaniyang pamilya hanggang sa may makapagsabi sa kaniyang nasa Isabela ang mga ito. Ayon sa kaniya, wala siyang balak na patayin ang kaniyang asawa, ang tanging nais lamang niya ay makuha ang mga anak.

Heto minsan ang ayaw ni Alfredo sa inuman: mga kuwento ng buhay habang nalalasing. Mga alaala ng natumbang bote ng alak at isinukang sisig sa inodoro. Pag-usapan na lamang natin si Pepsi Paloma huwag lamang ang ating mga poot, pait, at lahat ng mga putang-inang sakit at galit na nadarama. Sabi nila, nakikilala mo raw ang isang tao kapag lasing na siya. Ngunit para kay Alfredo, nakakatakot makilala ang isang tao. Dahil maaari ka niyang patayin at mahalin.

At maaari mo siyang mahalin, at patayin.

Ilang sandali pa, tumayo na si Lakay Simon. Nag-iwan ng grabedad sa kamang kaniyang inupuan. Saka kinuha ang basong nakalapag sa sahig, at nagsalin ng alak. Straight ang paglagok. Para puwang sa papel ang nakauwang na pinto nang lumabas si Lakay Simon.

Binura ni Alfredo ang lahat ng natapos sa MS word. Saka nagsindi ng sigarilyo.

Madaling araw na nang bumaba si Alfredo para umihi. Sa malamlam na liwanag mula sa kalye, dalawang katawan ang nanggigigil sa isa’t isa habang nakaupo sa sala. Aninag ni Alfredo ang anino ng isang dalaga, nakaluhod sa harap ng nakaupong si Lakay Simon. Umuungol si Lakay Simon, mistulang demonyong bali ang pakpak, at nalalasing sa magdamag na pag-ibig.

Di maitago ng dilim ang ungol ng nagdadalamhating karnal.

Maria Juana Kronika

Nightswimming sa hardin ng nasusunog na halaman, sa gitna naroroon ang imahinaryong mesa, at sa ibabaw nito nagsasayaw ang mga diwatang walang pekpek.

Ganito ang tama ng jutes kay Alfredo Himanglaw. Good trip para sa kaniya iyon. Basta. Nakailang beses pa lang naman siyang nakagamit. Ang una, nang umuwi siya ng maaga at di pumasok sa klase at nadatnan niya sina Nolan Francisco at Allen Marasigan na nag-ju-jutes sa boarding house na tinutuluyan nila. Sinubukan niya. Ayos. Para siyang nagdyakol sa unang pagkakataon. Pag-ibig sa Unang Hitit. Wagas!

Nasa bahay sila ngayon ni Nolan sa Bulacan. Naghuhugas, matapos nilang tiklopin ang kalsada ng Kalaw, mabingi ang Videoke ni Aling Maring sa awit nina Sting, David Bowie, Michael Learns to Rock, at Die Flippers. Kakatapos lamang ng kanilang Midterm Exam.

“Taena, dude, ang sama ng lasa ng papel, wala na bang ibang pambilot diyan,” ani Rowelle Ernesto kay Nolan.

“Gago, teka lang,” sigaw ni Nolan, “Heto nga at naghahanap, di naman kasi puwedeng pambilot ang sa yosi.”  Naghahalungkat mula sa mga libro, papel, mga dvd na nakasalansan sa ilalim ng kanilang estante.

“Kung wala, yung pahina ng bibliya ang gamitin mo,” hirit ni Alfredo, nagsisintas ng kaniyang sapatos, nakaupo sa tabi ni Rowell.

“Huwag baka tamaan tayo ng kidlat,” saway ni Ruiz Estrella. Hawak ang libro ni JD Salinger, sinusulatan ang gilid ng pahina.

Pumasok si Nolan Francisco sa loob ng kaniyang kuwarto. “Dude, palitan ko ang music ha,” sabi ni Alfredo kay Nolan. “Bakit ba puro emo ang nasa playlist mo ngayon?”

“O bakit ayaw mo na sa emo, naka-move-on ka na ba kay J.?” Hirit ni Rowell.

“Gago, cliche kaya ang mag-move-on!” Pagtatanggi ni Alfredo sa biro ng kaibigan. Putang-inang titi na ‘to, bulong ni Alfredo sa sarili, akala mo di umiyak ng dahil sa babae! Humitit muna ng yosi bago pinindut ang play sa media player. Tumagay si Billy Bragg sa kanta niyang The Marching Song of the Covert Battalions.

“Dude, meron ka palang Billy Brag.” Parang android si Alfredo habang sinabayan ng sayaw ang kanta.

“Taena mo, sa akin kaya galing ang Billy Bragg mo,” hirit ni Nolan pagkalabas ng kuwarto. “O heto, pumilas ka ng pambilot mo,” iniabot niya kay Rowell ang Bibliya.

“Ibigay mo kay Alfredo,” tanggi ni Rowell, “Tutal siya naman ang may ideya niyan.”

“Hindi nga ako marunong,” hirit ni Alfredo. “Ikaw na Nolan, nabibitin tayo e.”

Walang nagawa si Nolan. Kinuha ang bibliya, binuklat-buklat ang pahina.

“Dude, yung Revelation ang pilasin mo, baka mas masarap ang tama.”

“Etong Genesis na lang kaya!”

“O kanino na ba ang tagay?” Tanong ni Ruiz.

“Ibigay mo ‘yan sa demonyo,” ani Rowell.

Matapos pilasin ang fly leaf, tinupi sa gitna, pinilas, hinati ulit sa gitna, at pinilas muli, saka ibinudbud ng maayos ang pinong tuyong dahon ng jutes. Metikuloso magbilot si Nolan, sanay na talaga, napansin ni Alfredo.

“O, yan! Ikaw na mauna, Fredo!” Sabi ni Nolan sa kaibigan.

“Let there be Light…” Hirit ni Alfredo. Humitit ng Malalim. Inuubong ibinigay Nolan ang jutes. “Ang pait talaga ng lasa.”

“Gago, huwag mong ubusin. Malamang, God’s wrath yang nilalasahan mo. Kung ano-ano kasi naiisip mo e,” sabi ni Rowell.

“Sayang hindi na sumama si Allen dito. Masarap pa namang kasama yun pag basag na sa jutes. Lalong nagiging korni ang mga joks,” sabi ni Ruiz.

“Wala na yun, nagkumot na sa siyota niya,” hirit ni Rowell. Ibinigay kay Ruiz ang jutes matapos humitit sabay tungga sa baso ng alak.

“Wala ka bang The Wall. Hanggang ngayon hindi ko pa tapos panoorin ‘yun,” tanong ni Alfredo kay Nolan.

“Mas masarap yun panooring mag-isa tapos basag ka sa jutes,” hirit ni Ruiz.

“Heto na lang, mas maganda,” sabi ni Nolan, binuksan ang folder na may pangalang rushmore_ soundtrack_250kbps. Winasak ng pagtutugtog ng Ohh La La ang kung ano mang inhibsiyon ang lumulutang sa diwa ng magkakaibigan.

“Putangina! Lupet, Rushmore ‘yan di ba?” ani ni Ruiz.

“Bakit di ko maalala ‘yan.” sabi ni Alfredo.

“Lagi ka namang walang naaalala. Break-up song mo ‘yan kay J., di ba?” Pagbibiro ni Rowell kay Alfredo.

“O hirit pa!,” sagot ni Alfredo. “Pagkatapos nito puntahan natin si Julia sa Alabang. Hanggang anong oras ba trabaho niya dun?”

“Okay ang trip mo a!”

“Magbasag din tayo sa Alabang, puta! Sayang kung di natin ipapatikim ngayong gabi ang God’s Wrath.”

“Gago, sa Cubao na lang tayo magpunta!”

“May babae tayong kasama, di puwede.”

“Iwan na natin ‘yan! Kaya naman niyang umuwi mag-isa!”

“Mga bwiset kayo, anong oras na o?”

“Pagpag na lang ang maabutan natin dun!”

“Meron akong alam dun,” sabi ni Rowell. “Napuntahan na namin ni Nolan yun.”

“Saan ‘yun? Di ko alam ‘yun, gago! Baka di ako ang kasama mo nun. Tumagay ka na nga lang, nagkakaregla na yang bote!”

Pinasa ni Nolan ang jutes kay Alfredo matapos humitit. Tumayo ito at nagpaalam upang kumuha ng yelo. Tumayo rin si Rowel, iihi. Ibinigay ni Alfredo kay Ruiz ang jutes para sa huling hitit