Ang Dalagang Umibig sa Salamangkero

Ang Dalagang Umibig sa Salamangkero

(O kung paano ko inalagaan ang pilikmata mong naiwan sa pahina ng aklat)

Ni Mikael Rabara Gallego

 

       (Kay Hasmin Alviar, dahil kaarawan mo ngayon,

      sa mga pahiwatig at ligalig, bagabag at pag-ibig.)

Makailang ulit ko nang pinaslang ang aking sarili, at dumating ka tulad kung paano ko inaalagaan ang pilikmata ng dalagang nakaipit sa pahina ng aklat.

Nakaupo sa labas si Alfredo Himanglaw ng Bean New World, isang kapihan sa Maginhawa st., Teacher’s Village. Dahil bawal magyosi sa loob, sa sulok sa gawing kaliwa ng main entrance siya umuupo.

Nagbabasa ng bitbit niyang segunda-manong aklat na nabili pa niya sa Booksale sa SM North Edsa. Dito siya naglalagi tuwing hapon pagkatapos ng klase niya sa Malikhaing Pagsulat sa UP.

Paminsan-minsan ay nagsusulat ng ilang tulang kumikiliti at nagmumura sa kaniyang isip. Pero noon ‘yun. Noong di pa niya nakikilala si Tala, ang barista ng Bean New World.

Noon, masaya na siya sa mga oras na nakakatapos siya ng isang tula, o nakakatapos siya ng ilang pahina sa binabasa niyang aklat. Wala naman kasi siyang pakialam sa mundo.

O ayaw niyang makialam pa sa basura ng mundo. Masaya na siya sa paglagok ng kape, sa paghitit ng yosi, sa pakikinig ng mga paborito niyang banda sa dala-dala niyang CD player, o pag-iisip kung paano ginahasa o niligawan ang musa ng kaniyang mga paboritong makata.

Magician ka pala?

Ito ang natatandaang naging turan ni Tala sa kaniya. Pasara na noon ang Bean New World, ang ilang kasamahan niya ay nagliligpit na ng upuan, naglilinis ng mesa at sahig. Umupo sa harap niya si Tala. Inabot na siya ng hatinggabi sa pagbabasa ng The Lover’s Discourse.

“Anong ibig mong sabihing magician?” Nagtatakang tanong ni Alfredo Himanglaw. “Yan, di ba mga magician lamang ang nagbabasa ng ganiyang klaseng libro?”

Isang araw dinalaw niya si Tala sa inuupahan niyang studio-type sa likod lamang ng SM North Edsa. Dahil walang pasok noon si Alfredo Himanglaw sa UP, naisipan niyang dumaan muna kay Tala bago pumasok sa Bean New World ng alas tres ng hapon. Alas singko pa nagbubukas ang kapihan.

Tinanong ni Alfredo Himanglaw kung anong pinagkakaabalahan ni Tala tuwing day-off niya. Wala naman, sagot ng dalaga. Minsan punta tayo sa Luneta, banggit niya. Anong gagawin natin dun? Deyt. Hehe, tawa ng dalaga sabay irap sa kaniya.

Pinagmasdan niya ang silid ng dalaga. Hubad sa kagamitan. Isang sofa bed ang nakapuwesto sa may tapat ng bintana, may isang malit na mesa sa tabi, at sa gawing kaliwa ng pintuan pagpasok ay naroroon ang maliit na bathroom. Walang larawan o mga poster na nakadikit sa mapuputing pader at dingding nito. Parang isang maliit na spaceship na nakatayo sa gitna ng siyudad sa linis at pagkasinop nito.

Babae nga talaga ang nakatira dito, bulong sa sarili ni Alfredo Himanglaw. Ni wala siyang makitang nagkalat na panti o bra. O libro, kahit man lang textbook ng Calculus, na magsasabi sa kaniya na kahit paano ay nagbabasa si Tala.

May libro ka na ba?

Tanong ni Tala kay Alfredo Himanglaw habang inaaabot ang tinimplang ice tea sa kaniya. Tumawa lamang siya. Paano nga ba niya sasagutin si Tala? Na hindi naman talaga siya nagsusulat para mabasa, na kasiyahan lamang niya ang magsulat, na hindi naman siya nagsusulat para gumawa ng libro, bagaman may mga ilang tula siyang nalathala sa ilang antolohiya, chapbook, magazine, pulp magazine, sa mga ezine, sa blog hindi na niya na-update hanggang ngayon.

Ngunit isa lamang ito sa mga di niya masabi kay Tala. Naiiwang pasubali. At pagtitimpi. Pahiwatig. Mga pahiwatig ng mga matang laging naghahanap, at nakatingin sa malayo.

“Kailan mo ba ako gagawan ng tula?” Buwelta ni Tala sa kaniya habang nag-aayos ng buhok, hawak sa kaliwang kamay ang time-card, ilang minuto na lamang bago ang oras ng trabaho ni Tala.

“Bukas, sa pagpikit ko ay magugunaw ang mundo,” hirit ni Alfredo Himanglaw.

“Hmp! Ikaw talaga, puro kalokohan. Ayoko ng malungkot ha. Di tulad nung sinulat mo sa Literary Apprentice.

Nagulat siya. Paano mo nabasa iyon, dagling tanong ni Alfredo Himanglaw. Ako pa, nanonood kaya ako ng CSI, sabi ng dalaga habang papasok sa loob ng kapihan.

“Tae ka, nobya mo ba yung binabanggit mo sa tula mo, may kinalaman sa necrophilia yun, no?”

Ang lakas ng pagkakasabi niya ng syet sa kaniyang isipan. Papaanong nabasa ni Tala na necrophilia ang theme ng isa sa mga tulang nalathala sa Literary Apprentice? Naiwan siyang tulala habang sinusundan niya ng tingin si Tala sa loob ng Bean New World.

At huli na ang lahat. Huli na ang lahat bago maintindihan ni Alfredo Himanglaw na sa pagsilang ng mga tala ay kasabay ang pagkasira ng isang daigdig.

Na posible ngang magunaw ang mundo sa pagpikit lamang.

“Lahat ng magician, sinungaling,” turan ni Tala sa kaniya isang gabi habang nakikinig sila ng The National mula sa kaniyang CD player sa kaniyang silid. Ilang ulit siyang tinatanong ni Tala kung bakit nagtitiyaga siya sa bulok niyang CD player. Bakit di ka bumili ng iPhone? Na sinasagot naman niya ng paulit-ulit sa pagiging sentimental.

Tinitigan niya si Tala, naroon pa rin ang masayahing mukha kahit sa mga pagkakataong nagiging seryoso ang kanilang pag-uusap. May kung anong bagay na biglang dumagan sa kaniyang dibdib, nakaramdam siya ng matinding kirot.

“Di ba ganun naman kayong mga magician, ginagawa niyong karakter ang sinuman, ninanakaw niyo ang kanilang buhay. Parang life in fiction. Ano kayang pakiramdam ng maging musa?”

“Well, daig mo pa si Kristine Hermosa,” pabirong sabi ni Alfredo Himanglaw.

I am death and when I love you, it’s forever.

Ang huling text ni Tala sa kaniya. Madaling araw, naalimpungatan siya sa ring tone ng kaniyang selfon. Alam ni Alfredo Himanglaw na nabasa na niya ang ito, hindi nga lamang niya matandaan kung saan. Sumasabog ang mga pangalan ng kilala niyang mga makata sa kaniyang isipan, ngunit wala siyang makapa sino man sa kanila. Para siyang naghahanap ng anino ng asong itim sa dilim.

May kabanata sa ating buhay na gusto nating mawala. Maglaho. Iyon bang walang iiyak, walang magluluksa.

Maging walking incognito kahit isang araw lang. Pumunta sa isang lugar na walang nakakakilala sa iyo, magpalit ng pangalan.

At kung paniniwalaan ang sinabi ni Tala, humabi ng mahika at maging salamangkero sa ating sugatang daigdig.

“Sigurado ka bang Alfredo Himanglaw ang pangalan mo?” Tanong ni Tala.

Nasa Luneta Park sila, nakaupo sa puno ng akasya, tanaw sa malayo ang malaking rebulto ni Lapu-Lapu. Kumakain ng ice cream si Tala na pinalaman sa tinapay.

Sabado ng hapon, isa ito sa deyt, kung deyt mang matatwag, na madalas pinapangarap ni Alfredo Himanglaw.

“Oo naman. Gusto mo pa yata dalhin ko sa iyo ang birth certificate ko.” Inilapag ni Alfredo Himanglaw ang iniinom na tigdodoseng kape sa damuhan, sabay kuha ng isang stik ng yosi sa bulsa, sinindihan.

“Ang labo kasi. Ngayon lamang ako nakarinig ng taong ang apelyido ay Himanglaw. Malay ko ba kung nagsisinungaling ka na naman, kasi di ba, magician ka nga. Magaling kayong magsinungaling.”

“Ayan na naman ang magi-magician mo. Hindi nga ako makata. Mahilig lang akong magbasa,” pagtatanggol ni Alfredo Himanglaw sa sarili. Hindi niya magawang mainis kay Tala, bagkus natutuwa pa siya rito.

Parang isinilang mula sa titik ng paborito niyang tula si Tala, isang tala na matapos sumabog ang metapora at maging supernova sa pahina ng aklat ay nagsilang ng liwanag, umusbong na tila isang hasmin sa karagatan ng dilim.

At inipit ang talulot sa pahina ng paborito niyang aklat.

Natawa siya sa naisip na imahen. Kung mababasa ng propesor niya sa Malikhaing Pagsulat ay tiyak dadagukan siya. Ang cheesy!

“Sus, showbiz! Dapat next time na magkita tayo, basahan mo ‘ko ng sarili mong tula.”

“Asa ka naman!” At itinaas niya ang kaniyang kamay saka pinaghiwalay ang gitnang daliri at palasingsingan tulad ng ginagawang Vulcan salute ni Spock sa Star Trek.

“Ang yabang mo talaga!” Sabay suntok niya sa braso ni Alfredo Himanglaw. “O, yan tuloy nahulog na yung ice cream!”

“Bakit ikaw?” Seryosong tanong ni Alfredo Himanglaw.

“Anong bakit ikaw?”

“What I mean is, bakit Tala ang pangalan mo? At ano nga ba ang apelyido mo?”

“Mamaya itatanong ko sa mama ko kung ano ang apelyido ko. May angal ka, ha?” Sabay sampal niya sa noo ni Alfredo Himanglaw habang naka-vulcan salute.

May sariling mundo ang persona. Sariling kutis, gaspang ng balat, sariling hininga, haba ng ng buhok, korte ng batok, haba ng pilikmata, tangos ng ilong, lambot ng labi, sariling hulagway.

Ang realidad sa tula ay ang mismong realidad na ginagalawan ng tula. Wala nang iba.

Pero hindi kumbinsido si Tala sa paliwanag ni Alfredo Himanglaw tungkol sa kaniyang poetics. Sa kaniyang paninindigan sa pagtula. Nakaupo sila sa bangketa, sa harap ng Bean New World. Alas tres ng madaling araw.

“Labo niyo talagang mga magician. Nose bleed ako, men!” At pumorma ang mga kamay ni Tala ng Vulcan salute.

Natawa si Alfredo Himanglaw. Nakyu-kyutan lalo siya kay Tala sa mga pagkakataong nagbibitiw siya ng “men”.

“So, hindi ka talaga nagbabasa ng novel?” Tanong ni Tala matapos itapon sa basurahan ang nainom niyang coke zero na binili nila kanina sa Mini Stop.

“Di e! masyadong mahaba kasi,” pabirong turan ni Alfredo Himanglaw. “Kulang ang buhay ko para matapos ang Twilight.”

“Kaya pala sa halos ‘sang taon nating kuwentuhan, pagkape-kape dito sa Bean e isang libro pa lang ang nakikita kong dala-dala mo.”

“Ano ka, kasama ‘to sa pagpapakyut ko sa ‘yo.”

Sinubukan ulit ni Alfredo Himanglaw na tawagan ang numero ni Tala. Cannot be reached pa rin tulad ng dati. Muli niyang binasa ang text ni Tala. Ayaw niyang isipin na may nangyaring masama rito. Ngunit parang dagang kumakain sa kaniyang dibdib ang bagabag.

Umaawit ng tula si Jim Morisson sa loob ng kaniyang silid. Sa silid, tanging ang kaniyang CD player ang nakikinig sa nakatikom na pag-ibig. Magkahawak sila ng kamay ni Tala. Masaya na si Alfredo Himanglaw sa mga ganitong pagkakataon. Kahit walang nagsasalita sa kanila, sapat na sa kaniya ang maramdaman ang init, ang init sa paglalapat lamang ng kanilang palad.

Maging magkatipan ang kanilang mga palad sa kaniyang sugatang daigdig.

Sa Recto, tumitingin siya sa mga sari-saring segunda-manong libro at magazine na nakakalat sa bangketa. Kanina lamang ay nagbenta siya ng kaniyang mga libro sa kaibigan niyang nagtitinda ng segunda-mano sa underpass ng Lagusnilad.

Nagtanong sa kaniya ang matandang tindero ng libro kung anong pamagat ang kaniyang hinahanap. Hindi niya pinansin, patuloy lamang siya sa pagkalkal, nagbabakasakaling may mahanap siyang magandang libro na isinulat ng paborito niyang makata.

Sa pagsisinungaling, pinapaslang ng makata ang kaniyang sarili, ang sabi ng bulong sa kaniyang isip, tila halik sa batok ng katipan.

Para siyang binuhusan ng malamig na tubig sa nabasa, silakbo ng kutob ang nanginginig niyang mga kamay nang dahan-dahan niyang inaalis ang libro mula sa ibaba, mula sa pagkakasalansan at pagkakapatong ng mga mas makakapal na libro.

Kasing kulay at amoy kalawang na ang libro, sa gilid ng mga pahina ay naroon ang palatandaang naging biktima ito ng anay at ipis.

Muli niyang binasa ang pamagat, ang awtor:

 Mnemolohiya

Ang Nasa Pagitan at Pagpaslang

Mga Tula

Ni Anatala del Carmen

At nang binuklat niya sa mga unang pahina ang libro naroon ang di niya inaasahang wakas, kung ano ang nasa pagitan, ang sagot ng kaniyang hinala:

Karapatang-ari © 1961 ni Anatala del Carmen

At sa kaharap na pahina, naroon ang kaniyang pangalan—

 Kay Alfredo Himanglaw

 Sapagkat may nagsisinungaling

18 Mayo 2013

 

Pagkaraan ng The River, ni Bruce Springsteen

Kahit sa panaginip, may alinlangan.
Nangahas kaming batiin ang Kamatayan, nagpatihulog
kami sa tuyot na mukha ng ilog.
Nilangoy ang kay lalim-
lalim na hukay, malawak na bunganga na humigop
sa aming sarili, lunggati’t ligalig.
Paglalakad sa alambre ang aming buhay. Nakihamok sa hinaharap. Ikinasal nang wala sa panahon. Kumain ng bakal, aspalto, at semento. At isang gabi, tumakas kami’t magkasamang tumalon sa malalalim na pagkakahulog.
Sa aliw-iw ng katahimikan
mag-isa na lamang akong nakabalik, bumabalik.
Marahil, ganito ang sumpa ng bawat pagtatangka:
Itinatanggi mismo ng alaala ang salaysay. May pagtataksil
ang nanunuot na lamig sa kalamnan.  Maaaring sarili na mismo
ang nagtataksil. Sapagkat kahit ang sarili
na nakabalik, hindi na buo, gutay-gutay na hulagway.
Isang siklo ang nasa gitna ng ating pagbabalik, ng bawat pagmamasid,
ng muli’t muling paghipo sa malamig na repraksiyon, sa basag-
basag na rabaw na nakalutang sa iba’t ibang dimensiyon,
sa iba-ibang espasyo: nandoroon ako—isang mangingibig;
nandirito ako—giniginaw sa mainit na hininga ng alaala,
basang-basa sa paulit-ulit na pagkakahulog.
Isang lunan ang nagtatakda sa akin, tayo,
mersenaryo na ipinapatapon sa malalawak, lumalawak na
rabaw ng dumadaloy na tuyong ilog upang patuloy na managinip at
paslangin ang ating sarili.

Ikaw Kailanman Na Hindi Daratal

(Salin ng You Who Never Arrived ni Rainer Maria Rilke)

Ikaw kailanman na hindi daratal
sa aking bisig, Imnas, na naparam
mula pa sa simula,
ni hindi ko mawari ang tanging awit
na pupukaw sa iyo. Matagal na akong sumuko
na makilala ka mula sa nagngangalit na alon
ng bawat saglit. Sa walang hanggahang
imahen sa akin— sa malalayo, madamdaming
tanawin, siyudad, tore, at tulay,
at mga aksidenteng bumibighani sa mga daan,
at sa mga pambihirang lupain na minsang
dito ay huminga ang mga bathala—
Papaimbabaw ang lahat sa akin upang makilalang
Ikaw, inmortal na bumibighani sa akin.

Ikaw, Imnas, na tanging nasilayan
lamang sa natatanging tanawin
ay panglaw. Bukas na bintana
ng bahay sa liblib na baryo— maaaring
papanaog ka, naninimdim, na haharap sa akin.
Sa mga kalyeng minsang kong tinahak
ay tinahak mo rin upang maglaho lamang.
Minsan, ang mga salamin sa may tindahan,
inaantok na nakikipagtitigan sa ‘yong hulagway,
at nagigitla, ay sasalakay sa aking naglalahong imahen.
Sinong nakakaalam? Maaaring iisang
ibon ang umawit nang paulit-ulit para sa ating dalawa
kahapon, magkahiwalay, pagsapit ng gabi…

Dyornal 14

Sa gabing ganito,
Ngayong liblib na gubat ang aking silid
At sinasabayan ang eseptikong himig ni David Bowie,
Marami akong dapat tandaan:
Sa mga bagay na alam ko na, naglalaho,
Sa mga bagay na maglalaho nang di ko namamalayan,
Sasabihin ko,
Kailanman, hindi ako nabubuhay
Upang salubungin ang nakaraan.
Sa malay at wálay lamang ako mapupukaw.
Tatahakin ko ang hinaharap
magsulat man akong putol ang mga kamay.

*wálay – lagalag

Sa Perokaril*

Sinubukan kong paslangin ka.
Humiga ako sa riles. Hinintay
ang pagdating ng tren.

Malalasog ang aking katawan, walang duda.
Hindi mo na ako makikilala.
Hindi na kita maaalala.

Malamig. Masakit sa katawan ang humiga
sa kama na bakal at mga bato. Nakipag-diskurso
ako sa hangin, ulap, langit

liwanag. Nang mapagod, pumikit ako.
Susubukan kong paslangin ka.
Marami akong naaalala.

Wala akong maalala na binigkas ko
ang aking tula sa mahimbing na pagtulog mo.
Tanda ko, nakatulog ako sa pagbabasa

ng Aves. Magandang pangalan,
sabi ko, sa magiging anak natin. Ngunit
takot ka sa manok, habang ako

sa ‘yong tabi ay tinutubuan ng pakpak.
Isinusulat natin ang ating mga pangarap

sa ating talampakan. Maglakad
nang maglakad. Hindi pa natin

sinusubukang maglakad sa perokaril.
Ang isuko ang sarili sa mga alon, oo;

ngunit sa riles ng tren? Ganito rin ba
ang pakiramdam ng magpaubaya

habang hinihintay ang tren?
Kung narito ka sa aking tabi’t nakahiga

sasabihin ko sa ‘yong nahihirapan akong huminga.
Hindi pa natin napapanood ng sabay ang Breathless.

Sabay tayong humihinga, walang duda.
Nawawalan ng hininga.

Sino ba sa atin ang gustong maglaho?
Duda ko, walang sinuman sa atin
ang gustong mawala. Ngunit

kapag sinagasaan ako ng tren
Susubukan kong magsatubig.
Dahil ayokong isulat sa tubig

ang ating pag-ibig. Mahirap paniwalaan
na namamatay ang makata,
tulad ng mangingibig.

Ganito ba ang pagpapaubaya?
Humiga sa perokaril at maghintay
nang maghintay nang maghintay?

Sinubukan kong alalahanin
ang unang linya sa tula ni Gracio*.
Tungkol sa ibon. Pagtanaw sa dalampasigan.

Agam-agam hawak-kamay sa katipan.
Ganito, ganito, ganito:
Taon ang lilipas at katipan mo

ako’t ikaw ang aking katipan.
Ngunit wala ako sa karagatan.
Narito ako, nakahiga sa riles,

Naghihintay. Sa pagdating ng tren,
Nais kong magising sa ‘yong tabi.

*riles ng tren

*Tinutukoy dito si Jerry B. Gracio, awtor ng Aves.

Isang gabing nagsisayaw ang mga kabayo sa saligway

Nakasandal ka sa pader habang binabasa ang Madame Bovary. Habang pinapasadahan ko ang tula ko. Pang-apat na burador ko na ito, mahal. Sabi ko, aayusin ko muna itong tula ko. Tumutugtug ang Beatles. Golden Slumbers. Hindi pa tapos, ang daming kulang sa tula ko. Kung bakit ayaw pang matapos e wala naman akong alam na sasabihin na sa tula. Minsan, demanding ang mga linya. Ayaw paawat. Humahaba tuloy. Hindi pa naman iyon ang forte ko. Kay hirap i-sustain ang daloy ng tula. Baka mapanis na ito hindi pa man nakakarating sa dulo. Alas dos na, mahal. Baka hindi na naman tayo magising mamaya. Lagot na naman tayo. Gusto kong pumasok nang maaga. Baka sabihin mo na naman ang tamad-tamad ko. Alam naman natin na toxic na sa opisina. Ang sarap nang pakiramdam na alam mong nandiyan ang mahal mo habang nagsusulat ka. Pakiramdam ko, ako si Stephen King at ikaw ang aking liyag na may pinakamarikit na legs (ahem). Haba ng bangs mo! Ubos na yosi ko. May kape pa ako. Nilalagok mo ang kape. Hindi ka naman manginginom. Ang init ng panahon. Kailangan ko nang bumili ng electric fan. Ang sarap magyosi habang nagsusulat. Nililipad ng electric fan ang ilang pahina ng burador. Parang may gustong sabihin ang hangin sa tula ko. Hindi ko mawari. Nasasakal ka na ba sa akin, mahal? Gusto kitang sakalin. Ganun yata ang pag-ibig (ko), kailangan dapat masidhi. Ano pa at iniibig ko si Lorca kung magiging cliché lamang ang pagmamahal ko sa iyo? Ano ba ang pagkakaiba ng pag-ibig sa pagmamahal? Bakit mahal ang tawagan natin? Naiinis ako sa iyo, ginagawa mo akong typical na boyfren. Ang haba ng bangs  mo. Naka-rejoice ka? Ikaw ang aking liyag, mahal. Liyag at panglaw. Kirot at hapdi. Ligaya at paglalakbay. Pagdududa at kahinaan. Ikaw ang aking Beatrice sa pagbaba ko sa daang-apoy. Si Tereza sa grabedad ng sandali. Ikaw si Midori sa aking mga tula. Ikaw si Naoko sa aking pagtitig sa kamatayan. Ikaw si Anna Karenina sa perokaril ng kalungkutan. Ikaw ang aking LuAnne sa aking paglalakbay. Minsang nakipagtagayan ako kay Arthur Rimbaud sa alternatibong uniberso, at sinaid ko na parang alak ang iyong pangalan: H. Hininga. Halik. Heroin. Heograpiya. Haywey. Halimuyak. Hamog. Hermosa. Hasmin. Inilapag mo ang binabasa mo. Kinuha mo ang iyong cellphone. Nag-alarm ka na ba? Inaantok na? Kinuha ko si Lorca. Napuputol ako sa pagsusulat. Hindi ko na naman alam kung paano ituloy ang sinusulat ko. May mali yata. Nag-crave ako bigla ng DQ. Ano ba ang kulang dito? O masyado lang akong pihikan sa mga salita kaya hindi ko matuloy-tuloy? Ano ba kasi ang gusto kong palabasin? Ayaw ko namang magmukhang pretentious.  Narinig mo na ba ang bagong kanta ni Ebe? Hindi yata tayo marunong mapagod. Sa lahat ng mga nagtrabaho ngayon at nagobertaym, tayo na lang ang gising. Gawin ko kayang parang journal ang tula. Autobiograpikal. Pero marami nang gumawa nun. Kailan kaya tayo pupunta sa Natlibrary na magkasama? Basahin natin yung mga koleksiyon ng tula. Ang hirap naman sa atin kasi, madalang nating ilathala muli ang mga lumang koleksiyon, kahit ang mga nobela o mga akda ng mga sikat na makata at manunulat. Ang sarap sana nun, kapag available sa market ang mga lumang akda. Matutulog ka na ba? Nakapikit ka na. Ano iniisip mo, mahal? Hindi ko mahanap ang lighter ko. Saan ko ba inilagay iyon? Tatlong stik na yosi na lang ako. Pagdating kaya ng araw, pagbabawalan mo akong mag-yosi? Minsan may mga hindi nagmemeyk-sense sa mga linya ni Lorca. O hindi ko lang ma-gets. Dahil masyado nang surreal. Parang mga nagsasayaw na kabayo ng Echo and the Bunnymen. Ubos na ang kape ko. Saglit lang, mahal. Kailangan ko munang tapusin ang tula ko, makuha ko lang ngayong gabi ang gusto ko sa tula. Puwede na akong matulog. Yakap. May inaalala akong quotes sa tumblr ko. Hindi ko maalala. Linya yata iyon sa isang nobela o pelikula. Basta. Mahina ang memorya ko sa mga ganiyan. Kabisado mo na ba ang The Four Quartets? Hindi ko talaga mahanap ang lighter. Alas tres na. Gising pa tayo.   Masyado akong obsess sa ideya ukol sa lungsod. Ano pa ba ang imahen na hindi pa inilalarawan patungkol sa lungsod? Sina Baudelaire at Rimbaud, ginawa nilang nakakarimarim ang paglalarawan sa lungsod. Si William Carlos Williams, ang tao raw ang lungsod mismo. Ang lungsod ba talaga ang gusto kong ilarawan, o ang tao mismo na nasanay sa ingay ng lungsod? Mga karanasan. Isang lunan. Si Huseng Batute, isang tren na papaalis. Kay Rio Alma, isang tigre na nasa Zoo. Si Mike Bigornia, itinuring niyang Subterenyang Mahal ang lungsod. Paano mailalarawan ang lungsod? Tanong dati ni Fidel Rillo, kung isang singit ang Divisoria, ano ang Quiapo? Gusto kong maligo sa Ilog Beata, mahal. Maglunoy. Magtampisaw. Isuko ang sarili. Magpaubaya. Masdan mo ang kapaligiran, sabi ng Asin. Ang daya mo, mahal. Nakatulog ka na. Mag-uusap pa tayo, di ba? Hamunin ang kisame sa titigan.  Kapoy!

*saligway – panorama

EBAng Klaseng Lirahan

Punta po tayo. Tayo nang tumula at tumagay, para sa kababaihan, sa kababaihan:

Inihahandog ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ngayong buwan ng Marso, sa palagiang “LIRAhan”, isang tulaan sa Conspiracy Bar, Visayas Avenue, Lungsod Quezon, ang”EBAng Klaseng LIRAhan.”

Tampok na magbabasa sa LIRAhan sa Marso 20, 2012, 7 n.g., sina Rebecca Añonuevo, Mookie Katigbak Lacuesta, Yanna Verbo Acosta, Nikka Osorio, Naomi Cammayo, Yvette Perez, at marami pang iba.

Ang “EBAng Klaseng LIRAhan” ay ang pangatlong bahagi ng taunang pagdiriwang ng buwan ng kababaihan; ang una bilang “Kaka-EBA” (2010), sumunod ang “Bago ang Babae” (2011).

Ang “LIRAhan” ay programa ng LIRA na ginaganap tuwing ikatlong Martes ng bawat buwan.

Ang LIRA ang nangungunang samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino, at siyang nagpapatakbo ng kaisa-isang palihang pampanulaang nagtutuon ng masusing pag-aaral sa tradisyonal at makabagong pagtulang Filipino, sa ilalim ng pamamahala ni Almario mula pa noong 1985. Noong 2011, ginawaran ito ng pagkilala bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) ng National Youth Commission at TAYO Foundation.