Awit kay Naoko

Awit kay Naoko
Ni Mikael Rabara Gallego

Nakatuping gilid ng pahina ng nobela ang iyong alaala.
Bilang tanda. Tulad nang hiling mo sa ‘yong mangingibig:
Tandaang ako ay nabuhay. At akong mambabasa
Ang nagwika, at naiwan sa parang, sa iyong pagbibitiw
Ng huling awit ng buhay. Naiwan sa kasukdulan—
Bali ang leeg na nakasabit sa puno ng tandang pananong:
Bakit naunang nagluksa ang pag-ibig bago ang paglisan?

_________________
Batay sa Norwegian Wood (1987) ni Haruki Murakami.

Advertisements

Sa Perokaril*

Sinubukan kong paslangin ka.
Humiga ako sa riles. Hinintay
ang pagdating ng tren.

Malalasog ang aking katawan, walang duda.
Hindi mo na ako makikilala.
Hindi na kita maaalala.

Malamig. Masakit sa katawan ang humiga
sa kama na bakal at mga bato. Nakipag-diskurso
ako sa hangin, ulap, langit

liwanag. Nang mapagod, pumikit ako.
Susubukan kong paslangin ka.
Marami akong naaalala.

Wala akong maalala na binigkas ko
ang aking tula sa mahimbing na pagtulog mo.
Tanda ko, nakatulog ako sa pagbabasa

ng Aves. Magandang pangalan,
sabi ko, sa magiging anak natin. Ngunit
takot ka sa manok, habang ako

sa ‘yong tabi ay tinutubuan ng pakpak.
Isinusulat natin ang ating mga pangarap

sa ating talampakan. Maglakad
nang maglakad. Hindi pa natin

sinusubukang maglakad sa perokaril.
Ang isuko ang sarili sa mga alon, oo;

ngunit sa riles ng tren? Ganito rin ba
ang pakiramdam ng magpaubaya

habang hinihintay ang tren?
Kung narito ka sa aking tabi’t nakahiga

sasabihin ko sa ‘yong nahihirapan akong huminga.
Hindi pa natin napapanood ng sabay ang Breathless.

Sabay tayong humihinga, walang duda.
Nawawalan ng hininga.

Sino ba sa atin ang gustong maglaho?
Duda ko, walang sinuman sa atin
ang gustong mawala. Ngunit

kapag sinagasaan ako ng tren
Susubukan kong magsatubig.
Dahil ayokong isulat sa tubig

ang ating pag-ibig. Mahirap paniwalaan
na namamatay ang makata,
tulad ng mangingibig.

Ganito ba ang pagpapaubaya?
Humiga sa perokaril at maghintay
nang maghintay nang maghintay?

Sinubukan kong alalahanin
ang unang linya sa tula ni Gracio*.
Tungkol sa ibon. Pagtanaw sa dalampasigan.

Agam-agam hawak-kamay sa katipan.
Ganito, ganito, ganito:
Taon ang lilipas at katipan mo

ako’t ikaw ang aking katipan.
Ngunit wala ako sa karagatan.
Narito ako, nakahiga sa riles,

Naghihintay. Sa pagdating ng tren,
Nais kong magising sa ‘yong tabi.

*riles ng tren

*Tinutukoy dito si Jerry B. Gracio, awtor ng Aves.

Si Lorca at Ako, isang hatinggabi

 

1

Naghuhunos ang panaginip.
Naglulunoy ang buwan sa nakalalasong tinta.

2

Dinalaw ko ang aking katipan sa siyudad.
Umaalulong sa saligway ang asong itim,
napunit ang mga ulap,
at niyanig ang lupa sa pag-ulan ng itim na apoy.

3
Nais kong itala ang pinakasimpleng imahen ng pag-ibig.
Nagpahaba ako ng buhok.

4
Madalas akong nahuhulog sa masikip na kabaong.
Nakikita kita, irog, umiiyak,
sa harap sumusunod ang mahabang prusisyon.
Upang makalimot, humukay ako ng ilog.

5
Hinahanap ko ang aking libingan
Pagkaraang hiwain ko ang mata ng aking katipan
at nangako ng pag-ibig na walang hanggan.

 

 

Awit sa dulo ng iyong pangalan

Ito ang lunan: naratibo ng pagsuko

ang iyong pilikmatang naiwan
sa pahina ng aking aklat. Narito ka,

itinatanging hininga ng aking hininga.

Apoy sa apoy na nakaipit sa naninilaw na papel.
Pulang hasmin na umuusbong sa pagitan ng parikala at parirala,
maringal na halimuyak sa imahinaryong siyudad.

Sakdal na sanghaya. Narito ka,

aking sinasaklot sa katahimikan, sa espasyo
ng mga titik at talinghaga, sa pumipintig na salaysay
sa nagtatagong hulagway ng persona, walang hanggahan

na aking isinusuko ang sarili sa awit sa dulo ng iyong pangalan.

Kalungkutan

Pasintabi kay Jerry B. Gracio

Ang kalungkutan ay asong itim
na umaalulong ng pag-iisa.
Hayop na lagalag sa masukal na gubat.
May dala-dalang apoy,
itim na itim na tititig sa mata
sa mata, nanlilisik, umaangkin.
Naglalaway ng sari-saring damdamin
ang kaniyang pangil, nakalalason;
Nakakamatay-bumubuhay.
Hindi nahihiyang tumakbo ng matulin,
Laging naghahanap, lagalag
sa sariling laberinto.
Ikamamatay niya ang sandali
na kailangan niyang magpahinga.

Ang kalungkutan ay asong itim
ninanasang mahagkan ang bughaw na ibon.
Aanyayahan ka niyang samahan siya sa paglalakbay,
sa pag-iisa, samahan siya sa paghinga.
Hagkan ang kaniyang buntonghininga.
Haharap siya sa iyo na hapong-hapo sa pagtakbo,
lawit ang dila, tumatabi na lupaypay ang buntot.
Isinusumpa niya ang magpahinga.
Patuloy siyang tatakbo, magsasalaysay.
Isasalaysay ang kaniyang luha
na itinago ng kaniyang mga pangil.
Mga naipong lunggati habang nasa gubat ng pag-iisa.
Mga itinagong salamisim na hindi masabi
sa burol ng limot na panalangin at nawalay na alaala.

Ang kalungkutan ay asong itim
na lagalag sa gubat ng damdamin.
Nangangarap siyang magkaroon ng pakpak
kawangis ng iyong bughaw na pakpak.
Anong klaseng buhay mayroon ang panganorin?
Makikinig siya sa iyong mga salaysay,
kung paano ka niyakap ng ulap at hangin;
kung paano ka sinuway ng buwan
nang minsang nangahas kang dumapo
sa kaniyang hiram na liwanag;
o nang minsang saluhin mo ang mga tala
na isa-isang nangangalaglag pagsapit ng umaga.
Patuloy na makikinig ang pag-iisa sa pag-iisa,
tatanggapin niya ito bilang serenata.

Ang kalungkutan ay asong itim
na mag-aalay sa iyo ng itim na apoy.
Tumatabi sa iyo nang walang alinlangan.
Masusunog ang lahat ng elemental
habang nakikipagtalik ang kaniyang pangil
Sa iyong bughaw na pakpak.
Maglalaho ang inyong katawan
sa pagsasanib ng inyong tinig
Maisulat sa wakas kung paano nagpahinga
ang kalungkutan sa kapuwa kalungkutan.
Kung darating man bilang kamatayan,
matutulog kayo nang mahimbing
sa alulong at salimbay ng pag-ibig
habang ikinakasal ng gubat at panganorin.

 

Ver. 2

Pangitain

Makakasalubong sa paglalakad
ang pugot na ulo
Itim na itim na matang-pusang nakatitig
Nakangising babati ng magandang gabi
May dagang tumatakas mula sa kanal
paakyat sa kawad ng kuryente
Maririnig sa bubungan ang pagaspas
ng panggabing ibon
habang umaali-aligid ang bayakan
Hihingi ng yosi
Sisindihan mo mula sa dalang posporo
Magsasalaysay ng hulagway
ang usok ng yosing kumakawala sa pagkagapos
mula sa kaniyang buntonghininga
Walang pasintabing daraan ang itim na pusa sa harapan
Matatagpuan mo sa gitna ng lungsod ang aking katawan
Nagnanana ang sugat na walang lunas
Wakwak ang dibdib
Nagkalat sa lansangan ang aking laman-loob
na tinutuka ng panggabing ibon
Hayok na kinakain ng asong itim
ang tumitibok kong puso
Sa pagkawasak ng aking katawan
nagugunaw ang lahat
Mabubuhay muli ang sarili
na iniluluwal ng panaginip at lunggati
Kasabay ang pagsilay ng liwanag
ang bagong silang na uniberso.

Cello

(kay J.)

Sa panaginip, paulit-ulit na iniluluwal
ng simponiya ang iyong tinig. Tahimik sa simula,
malumanay na nagpapakilala. Ang paniwala ko:
alay yaon sa mandirigma, silang mga naiwan
sa gitna ng laot. Bilang elehiya sa lungsod
na sinunog, gumuho. Awit ng pagbabalik
ni Ulysses sa nalimot na isla. Dinadama ang pintig
sa subyang ng tubig at apoy, hanggang wasakin
ng labi ang aking pandinig. Magigising akong kipkip
ang awit sa pananalig, at ang nostalhiya
na aking tinatanaw sa dulo ng iyong pangalan.