Batibat

Naroon ka at narito. Ikaw na tumatawid, tinatawid niya ang iyong panagimpan. Ikaw na bumabalik ngunit di nakakaalis. Pinagmamasdan ka at ikaw ay nagmamasid. Sandali ito ng pagsuway sa payo ng iyong ina: huwag matutulog nang di natutunawan. Dumarating siya na walang anino at tahimik na bubugawin ang kawan ng mga ibon sa ‘yong panaginip. Makikilala mo siya sa sulok, sa pagitan, sa patong-patong na lunan: alimuom sa kamusmusan, angép na ikinuyom ng libog, natuyong tutubing karayom na nakaipit sa pahina ng tula. Tiyak ang duda. May alinlangan, maging sa panaginip. Narinig mo na ang kaniyang pangalan mula sa pananakot ng iyong ina, at ang karugtong ng salaysay: sinusundan mo ang alulong ng asong itim na di mapakali sa nakasabit na panti sa kawad ng kuryente. Ito ang kaniyang mundo, nahuhulog ka, nalulunod, naglalakad ng paurong. Igalaw ang hinlalaki sa paa. Hinahabol mo ang tutubing karayom na tila nakawalang lobo sa iyong daliri. Narito ka, nakadungaw sa bintana at hinihintay ang paparating na tren habang sa ibabaw ng kama ay nakayakap na kumot sa iyong katipan ang nagdadalamhating karnal. Naroroon ka, naglalakad ngunit di nakakaalis. Isa-isa mong nilalagay ang iyong mga laruan sa taguan na walang mga paa, walang kamay, walang ulo. Narito ka, pababa ng hagdanan, hinahabol ang tinig at nagsasabing: mahal kita, saktan mo ako. Hayun! ang puting lobo, nakasabit sa matandang puno ng kapok. Matapos mong punasan ang pawis sa noo, maririnig sa ilalim ng ‘yong kama ang panaghoy: nagdadalamhati sa sariling panaginip ang Batibat.

___________
*Bangungot

ver. 2.0
5 Enero 2014