Lakay Simon


May-ari ng tinutuluyan nilang apartment si Lakay Simon. Kumakatok siya sa kanilang kuwarto at nag-aalok ng tagay tuwing gabi. Tulad ng isang sundalong umuwi galing ng digmaan at bigo sa pagibig, walang damit na pang-itaas na pumapasok sa kuwarto, may hawak na hinebra at may nakaipit na Champion sa daliri.

Ritwal na marahil para sa kaniya ang mag-alok ng tagay. “Para sa demonyo,” alok ni Lakay Simon sa kanila, kita ang nabubulok na ngipin habang nakangiti.

Minsan, naiwang mag-isa sa kuwarto si Alfredo. Wala pa ang kaniyang mga kasama sa bahay. Nauna siyang umuwi matapos makapagpaalam sa mga kaibigan na may tatapusing proyekto para sa subject nilang Film Appreciation. Nagkayayaan kasing mag-inuman sa may Kalaw.

Tulad ng dati, hindi marunong kumatok si Lakay Simon. “Lakay,” entrada  niya. “Ub-ubraem?” Simula noong malaman niyang taga-ilocos din si Alfredo, lagi na niyang tinatawag na Lakay. Hindi pa man siya nakakasagot, iniabot na niya kay Alfredo ang hawak na baso. “Heto, Lakay, para ti sairo.”  Tinanggap niya ang alok na tagay. Inilapag ni Alfredo ang baso sa sahig matapos tumagay. Nagpatuloy sa kaniyang ginagawa.

Bakit ba kahit na anong sanay mo sa alak e, mapait pa rin?

Umupo siya sa gilid ng kama, nakaharap kay Alfredo. Napansin Alfredo na nakabukas ang zipper ng pantalon ni Lakay Simon, walang damit pang-itaas.

“Kukwam dagita?”

Nakatingin si Lakay Simon sa mga librong nakasalansan sa gilid ng kama.

“Wen, Lakay.”

“Mahilig ka palang magbasa ng libro.”

“Pampalipas lang po ng oras.”

May kung anong bagabag ang dumapo sa kamay ni Alfredo, nanginginig ang kaniyang mga daliri habang nagtitipa sa keyboard. Nawawala ang momentum.

Hinihintay niyang magsalita muli si Lakay Simon ngunit nananatili siyang nakayuko. Kakatapos na naman siguro nitong kumantot, bulong ni Alfredo sa kaniyang sarili. “Lakay, lasing na yata kayo!” Sigaw niya. Isang sagad-sa-butong putanginamo! ang naging tugon ni Lakay Simon sa kaniya.

Pinagmasdan niya si Lakay Simon. Para siyang si Palito na lango, lasing sa nasawing pag-ibig. Minsan-minsan lang niya nakakasama sa inuman si Lakay Simon. Madalas kasi, si Lakay ang laging nagyaya at doon sila sa baba sa sala nag-ja-jamming kasama ang ibang borders ng apartment (mga seaman ang karamihang nakakuha ng kuwarto ng apartment). Pag ganun kasi, tumatanggi na siya. Hindi kasi nakikipag-inuman si Alfredo sa mga hindi niya kakilala. Dito lamang sa kuwarto nila nakakasamang makainuman si Lakay Simon.

Maraming kuwento si Lakay Simon tungkol sa kaniyang sarili. Kuwento na hindi nila alam kung totoo, o gawa-gawa lamang. Madalas kasi masyadong madaldal ang putang-inang matanda. Sabi ng mga seaman, dati raw sundalo si Lakay Simon. Nasira ang buhay nang makipag-hiwalay ang kaniyang asawa at sumama sa ibang lalake. Naburyong ang putang-ina. Sa kuwento ni Lakay Simon, may dalawa siyang anak, kinuha ng asawa nang makipag-hiwalay sa kaniya. Nagtrabaho sa Kuwait, napilitang umuwi si Lakay Simon nang magsimula ang Gulf War. Hinanap niya ang kaniyang pamilya hanggang sa may makapagsabi sa kaniyang nasa Isabela ang mga ito. Ayon sa kaniya, wala siyang balak na patayin ang kaniyang asawa, ang tanging nais lamang niya ay makuha ang mga anak.

Heto minsan ang ayaw ni Alfredo sa inuman: mga kuwento ng buhay habang nalalasing. Mga alaala ng natumbang bote ng alak at isinukang sisig sa inodoro. Pag-usapan na lamang natin si Pepsi Paloma huwag lamang ang ating mga poot, pait, at lahat ng mga putang-inang sakit at galit na nadarama. Sabi nila, nakikilala mo raw ang isang tao kapag lasing na siya. Ngunit para kay Alfredo, nakakatakot makilala ang isang tao. Dahil maaari ka niyang patayin at mahalin.

At maaari mo siyang mahalin, at patayin.

Ilang sandali pa, tumayo na si Lakay Simon. Nag-iwan ng grabedad sa kamang kaniyang inupuan. Saka kinuha ang basong nakalapag sa sahig, at nagsalin ng alak. Straight ang paglagok. Para puwang sa papel ang nakauwang na pinto nang lumabas si Lakay Simon.

Binura ni Alfredo ang lahat ng natapos sa MS word. Saka nagsindi ng sigarilyo.

Madaling araw na nang bumaba si Alfredo para umihi. Sa malamlam na liwanag mula sa kalye, dalawang katawan ang nanggigigil sa isa’t isa habang nakaupo sa sala. Aninag ni Alfredo ang anino ng isang dalaga, nakaluhod sa harap ng nakaupong si Lakay Simon. Umuungol si Lakay Simon, mistulang demonyong bali ang pakpak, at nalalasing sa magdamag na pag-ibig.

Di maitago ng dilim ang ungol ng nagdadalamhating karnal.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s