DoTA o Ako

Hindi naman talaga ako mahilig mag-DoTA. Pramis.  Iba ang laro ko. Puwede kong sabihin, SC2 (Starcraft 2) ang laro ko o General Zero Hour o yung sinusubukan ko ngayon, LoL (League of Legends) . Puwede ko rin namang sabihing laro sa apoy ang hilig ko, basta nagkakaintindihan tayo, naiintindihan mo ang sitwasyon, anong masama, di ba? Minsan lang tayong magiging makasalanan, lubos-lubosin na natin. GG kung GG ang moralidad, pero anong magagawa ko, imba naman talaga ang pag-ibig. O libog. Malabo? Pasensiya na, hindi naman talaga ako mahilig sa trashtalk. Adik lang. Kuwento na lang natin sa pagong. Samahan mo akong maghanap.

Hindi naman ito tungkol sa akin. Tungkol ito kay Akali (tawagin natin siyang Akali dahil ito ang hero na gamit niya nung una ko siyang mapanood na naglalaro ng LoL), bot lamang dito si Totoy Brown, ang kaniyang boypren. Nakilala ko si Akali dito sa isang comshop sa Morayta. Dito ang tambayan nila ni Totoy Brown pagkatapos ng kanilang klase. Sa FEU nag-aaral si Totoy Brown, mahilig sa DoTA, si Akali, sa UST, mahilig naman sa LoL. Galing ako noon sa trabaho. As usual, OT na naman, uso naman kasi doon sa Viper Publishing na pinapasukan ko, ang gawin kang kabayo.

Sa PC7 ako pinaupo ng bantay ng shop, sa PC6 nakaupo si Akali, busy sa paglalaro ng LoL, nasa PC 10 naman si Totoy Brown, mukhang killing spree ang loko, mura nang mura! Marami pa ring kostyumer noong oras na iyon, halos puno ang lahat ng PC. Tulad ng dati, pagbabasa ng Manga at panonood ng anime, kunting tsek ng news feed sa FB  ang tangi ko lamang ginagawa pag nag-ne-net ako.

Hindi sa galing sa paglalaro ng LoL ni Akali ako na-curious, na-stun, na-slow, na-inlab.  Wala naman sa akin yung  mabilis kang mag-cast ng skills. Wala naman sa akin kung kaya mong mag-pentakill gamit ang combo mo, kundi sa haba at ganda ng kaniyang mga daliri ako napahanga, na-stun, na-slow, na-inlab. Naisip ko, paano kaya siya humawak malamig na bagay. Malulusaw kaya ang ice cream na hahawakan niya o lalong titigas? Wala na akong gagawin noon, tinatamad na akong magbasa ng Manga, ngunit ayuko pang umalis. Kaya nagpasikat na lamang ako kay Akali, naglaro na lang ako Candy Crush!

Hindi alam ni Totoy Brown na gina-gank ko siya kay Akali. Saka ko na sasabihin kung paano nagsimula ang backdoor relationship namin ni Akali. Pero pramis hindi ko hinarass si Akali. Marunong naman akong manligaw, kayo naman. Kung nakikita ko siyang nag-so-solo top, teleport at ignite agad ang spell! sabay ss agad at pakawala ng kombong w, q, e! Luma-last hit ako kay  Akali sa tuwing may pagkakataon, assasin style baga. GL at HF ang lagi naming pagkikita. Ganoon yata talaga. Alam ni Akali na nagkakasala siya kay Totoy Brown. Mahal niya si Totoy Brown. Totoo yun. Ako? Kailanman, hindi ako nag-demand ng pagmamahal sa isang babae. Sige shabu pa, gago! Pero aminado ako na mahal ko si Akali. Walang duda, SS lagi ang binibigay ko sa kaniya. Kahit wala nang mana. Hindi ko lang sinasabi madalas sa kaniya iyon. Minsan naisip ko, kailangan lang ako ni Akali. Kaya niya ako minahal. Kailangan niyang magkamali para maunawaang mahal pa rin niya si Totoy Brown. Simula naman talaga KS na ako pagdating kay Akali. Wala na akong aasahan pang iba. Si Totoy Brown lamang ang OM ni Akali.  Hindi natin mapipigilan ang katapusan ng ganitong laro, kahit pa sabihin ni Cho ‘goth Bot na “Wait I’m not done yet.”

Dahil ang totoo, sa DoTA lang naman tayo maaaring maging godlike. Pagdating sa pag-ibig, lagi tayong first blood. Oo, tayo.

/all nc game

/all gg

/all gg

gg

___________

gg – Good Game, lame statement na madalas sinasabi ng gamer sa pagtatapos ng laro, talo man o panalo.

imba – Imbalanced; term na ginagamit sa mga hero o champion, weapon o item build na masyadong malalakas o masyado namang mahihina. Puwede ring sabihing “imba” ang isang gamer kapag masyadong magaling.

bot – AI na hero o champion

gank – suprise attack sa isang hero o champion;

solo top – pagiging solo ng hero o champion sa top lane ng mapa

Teleport – isa sa mga spell na ginagamit ng champion sa LoL

Ignite – spell katulad din ng teleport

q, w, e, at r – hot keys ng mga skill ng champion sa LoL

gl – good luck, ito madalas sinasabi ng gamer sa pagsisimula ng laro

hf – have fun; katulad din ng gl (ex. gl hf gg)

ss – ultimate skill ng isang hero o champion; super skill.

ks – Kill Steal

nc game – nice game

Advertisements

Lakay Simon

May-ari ng tinutuluyan nilang apartment si Lakay Simon. Kumakatok siya sa kanilang kuwarto at nag-aalok ng tagay tuwing gabi. Tulad ng isang sundalong umuwi galing ng digmaan at bigo sa pagibig, walang damit na pang-itaas na pumapasok sa kuwarto, may hawak na hinebra at may nakaipit na Champion sa daliri.

Ritwal na marahil para sa kaniya ang mag-alok ng tagay. “Para sa demonyo,” alok ni Lakay Simon sa kanila, kita ang nabubulok na ngipin habang nakangiti.

Minsan, naiwang mag-isa sa kuwarto si Alfredo. Wala pa ang kaniyang mga kasama sa bahay. Nauna siyang umuwi matapos makapagpaalam sa mga kaibigan na may tatapusing proyekto para sa subject nilang Film Appreciation. Nagkayayaan kasing mag-inuman sa may Kalaw.

Tulad ng dati, hindi marunong kumatok si Lakay Simon. “Lakay,” entrada  niya. “Ub-ubraem?” Simula noong malaman niyang taga-ilocos din si Alfredo, lagi na niyang tinatawag na Lakay. Hindi pa man siya nakakasagot, iniabot na niya kay Alfredo ang hawak na baso. “Heto, Lakay, para ti sairo.”  Tinanggap niya ang alok na tagay. Inilapag ni Alfredo ang baso sa sahig matapos tumagay. Nagpatuloy sa kaniyang ginagawa.

Bakit ba kahit na anong sanay mo sa alak e, mapait pa rin?

Umupo siya sa gilid ng kama, nakaharap kay Alfredo. Napansin Alfredo na nakabukas ang zipper ng pantalon ni Lakay Simon, walang damit pang-itaas.

“Kukwam dagita?”

Nakatingin si Lakay Simon sa mga librong nakasalansan sa gilid ng kama.

“Wen, Lakay.”

“Mahilig ka palang magbasa ng libro.”

“Pampalipas lang po ng oras.”

May kung anong bagabag ang dumapo sa kamay ni Alfredo, nanginginig ang kaniyang mga daliri habang nagtitipa sa keyboard. Nawawala ang momentum.

Hinihintay niyang magsalita muli si Lakay Simon ngunit nananatili siyang nakayuko. Kakatapos na naman siguro nitong kumantot, bulong ni Alfredo sa kaniyang sarili. “Lakay, lasing na yata kayo!” Sigaw niya. Isang sagad-sa-butong putanginamo! ang naging tugon ni Lakay Simon sa kaniya.

Pinagmasdan niya si Lakay Simon. Para siyang si Palito na lango, lasing sa nasawing pag-ibig. Minsan-minsan lang niya nakakasama sa inuman si Lakay Simon. Madalas kasi, si Lakay ang laging nagyaya at doon sila sa baba sa sala nag-ja-jamming kasama ang ibang borders ng apartment (mga seaman ang karamihang nakakuha ng kuwarto ng apartment). Pag ganun kasi, tumatanggi na siya. Hindi kasi nakikipag-inuman si Alfredo sa mga hindi niya kakilala. Dito lamang sa kuwarto nila nakakasamang makainuman si Lakay Simon.

Maraming kuwento si Lakay Simon tungkol sa kaniyang sarili. Kuwento na hindi nila alam kung totoo, o gawa-gawa lamang. Madalas kasi masyadong madaldal ang putang-inang matanda. Sabi ng mga seaman, dati raw sundalo si Lakay Simon. Nasira ang buhay nang makipag-hiwalay ang kaniyang asawa at sumama sa ibang lalake. Naburyong ang putang-ina. Sa kuwento ni Lakay Simon, may dalawa siyang anak, kinuha ng asawa nang makipag-hiwalay sa kaniya. Nagtrabaho sa Kuwait, napilitang umuwi si Lakay Simon nang magsimula ang Gulf War. Hinanap niya ang kaniyang pamilya hanggang sa may makapagsabi sa kaniyang nasa Isabela ang mga ito. Ayon sa kaniya, wala siyang balak na patayin ang kaniyang asawa, ang tanging nais lamang niya ay makuha ang mga anak.

Heto minsan ang ayaw ni Alfredo sa inuman: mga kuwento ng buhay habang nalalasing. Mga alaala ng natumbang bote ng alak at isinukang sisig sa inodoro. Pag-usapan na lamang natin si Pepsi Paloma huwag lamang ang ating mga poot, pait, at lahat ng mga putang-inang sakit at galit na nadarama. Sabi nila, nakikilala mo raw ang isang tao kapag lasing na siya. Ngunit para kay Alfredo, nakakatakot makilala ang isang tao. Dahil maaari ka niyang patayin at mahalin.

At maaari mo siyang mahalin, at patayin.

Ilang sandali pa, tumayo na si Lakay Simon. Nag-iwan ng grabedad sa kamang kaniyang inupuan. Saka kinuha ang basong nakalapag sa sahig, at nagsalin ng alak. Straight ang paglagok. Para puwang sa papel ang nakauwang na pinto nang lumabas si Lakay Simon.

Binura ni Alfredo ang lahat ng natapos sa MS word. Saka nagsindi ng sigarilyo.

Madaling araw na nang bumaba si Alfredo para umihi. Sa malamlam na liwanag mula sa kalye, dalawang katawan ang nanggigigil sa isa’t isa habang nakaupo sa sala. Aninag ni Alfredo ang anino ng isang dalaga, nakaluhod sa harap ng nakaupong si Lakay Simon. Umuungol si Lakay Simon, mistulang demonyong bali ang pakpak, at nalalasing sa magdamag na pag-ibig.

Di maitago ng dilim ang ungol ng nagdadalamhating karnal.

Maria Juana Kronika

Nightswimming sa hardin ng nasusunog na halaman, sa gitna naroroon ang imahinaryong mesa, at sa ibabaw nito nagsasayaw ang mga diwatang walang pekpek.

Ganito ang tama ng jutes kay Alfredo Himanglaw. Good trip para sa kaniya iyon. Basta. Nakailang beses pa lang naman siyang nakagamit. Ang una, nang umuwi siya ng maaga at di pumasok sa klase at nadatnan niya sina Nolan Francisco at Allen Marasigan na nag-ju-jutes sa boarding house na tinutuluyan nila. Sinubukan niya. Ayos. Para siyang nagdyakol sa unang pagkakataon. Pag-ibig sa Unang Hitit. Wagas!

Nasa bahay sila ngayon ni Nolan sa Bulacan. Naghuhugas, matapos nilang tiklopin ang kalsada ng Kalaw, mabingi ang Videoke ni Aling Maring sa awit nina Sting, David Bowie, Michael Learns to Rock, at Die Flippers. Kakatapos lamang ng kanilang Midterm Exam.

“Taena, dude, ang sama ng lasa ng papel, wala na bang ibang pambilot diyan,” ani Rowelle Ernesto kay Nolan.

“Gago, teka lang,” sigaw ni Nolan, “Heto nga at naghahanap, di naman kasi puwedeng pambilot ang sa yosi.”  Naghahalungkat mula sa mga libro, papel, mga dvd na nakasalansan sa ilalim ng kanilang estante.

“Kung wala, yung pahina ng bibliya ang gamitin mo,” hirit ni Alfredo, nagsisintas ng kaniyang sapatos, nakaupo sa tabi ni Rowell.

“Huwag baka tamaan tayo ng kidlat,” saway ni Ruiz Estrella. Hawak ang libro ni JD Salinger, sinusulatan ang gilid ng pahina.

Pumasok si Nolan Francisco sa loob ng kaniyang kuwarto. “Dude, palitan ko ang music ha,” sabi ni Alfredo kay Nolan. “Bakit ba puro emo ang nasa playlist mo ngayon?”

“O bakit ayaw mo na sa emo, naka-move-on ka na ba kay J.?” Hirit ni Rowell.

“Gago, cliche kaya ang mag-move-on!” Pagtatanggi ni Alfredo sa biro ng kaibigan. Putang-inang titi na ‘to, bulong ni Alfredo sa sarili, akala mo di umiyak ng dahil sa babae! Humitit muna ng yosi bago pinindut ang play sa media player. Tumagay si Billy Bragg sa kanta niyang The Marching Song of the Covert Battalions.

“Dude, meron ka palang Billy Brag.” Parang android si Alfredo habang sinabayan ng sayaw ang kanta.

“Taena mo, sa akin kaya galing ang Billy Bragg mo,” hirit ni Nolan pagkalabas ng kuwarto. “O heto, pumilas ka ng pambilot mo,” iniabot niya kay Rowell ang Bibliya.

“Ibigay mo kay Alfredo,” tanggi ni Rowell, “Tutal siya naman ang may ideya niyan.”

“Hindi nga ako marunong,” hirit ni Alfredo. “Ikaw na Nolan, nabibitin tayo e.”

Walang nagawa si Nolan. Kinuha ang bibliya, binuklat-buklat ang pahina.

“Dude, yung Revelation ang pilasin mo, baka mas masarap ang tama.”

“Etong Genesis na lang kaya!”

“O kanino na ba ang tagay?” Tanong ni Ruiz.

“Ibigay mo ‘yan sa demonyo,” ani Rowell.

Matapos pilasin ang fly leaf, tinupi sa gitna, pinilas, hinati ulit sa gitna, at pinilas muli, saka ibinudbud ng maayos ang pinong tuyong dahon ng jutes. Metikuloso magbilot si Nolan, sanay na talaga, napansin ni Alfredo.

“O, yan! Ikaw na mauna, Fredo!” Sabi ni Nolan sa kaibigan.

“Let there be Light…” Hirit ni Alfredo. Humitit ng Malalim. Inuubong ibinigay Nolan ang jutes. “Ang pait talaga ng lasa.”

“Gago, huwag mong ubusin. Malamang, God’s wrath yang nilalasahan mo. Kung ano-ano kasi naiisip mo e,” sabi ni Rowell.

“Sayang hindi na sumama si Allen dito. Masarap pa namang kasama yun pag basag na sa jutes. Lalong nagiging korni ang mga joks,” sabi ni Ruiz.

“Wala na yun, nagkumot na sa siyota niya,” hirit ni Rowell. Ibinigay kay Ruiz ang jutes matapos humitit sabay tungga sa baso ng alak.

“Wala ka bang The Wall. Hanggang ngayon hindi ko pa tapos panoorin ‘yun,” tanong ni Alfredo kay Nolan.

“Mas masarap yun panooring mag-isa tapos basag ka sa jutes,” hirit ni Ruiz.

“Heto na lang, mas maganda,” sabi ni Nolan, binuksan ang folder na may pangalang rushmore_ soundtrack_250kbps. Winasak ng pagtutugtog ng Ohh La La ang kung ano mang inhibsiyon ang lumulutang sa diwa ng magkakaibigan.

“Putangina! Lupet, Rushmore ‘yan di ba?” ani ni Ruiz.

“Bakit di ko maalala ‘yan.” sabi ni Alfredo.

“Lagi ka namang walang naaalala. Break-up song mo ‘yan kay J., di ba?” Pagbibiro ni Rowell kay Alfredo.

“O hirit pa!,” sagot ni Alfredo. “Pagkatapos nito puntahan natin si Julia sa Alabang. Hanggang anong oras ba trabaho niya dun?”

“Okay ang trip mo a!”

“Magbasag din tayo sa Alabang, puta! Sayang kung di natin ipapatikim ngayong gabi ang God’s Wrath.”

“Gago, sa Cubao na lang tayo magpunta!”

“May babae tayong kasama, di puwede.”

“Iwan na natin ‘yan! Kaya naman niyang umuwi mag-isa!”

“Mga bwiset kayo, anong oras na o?”

“Pagpag na lang ang maabutan natin dun!”

“Meron akong alam dun,” sabi ni Rowell. “Napuntahan na namin ni Nolan yun.”

“Saan ‘yun? Di ko alam ‘yun, gago! Baka di ako ang kasama mo nun. Tumagay ka na nga lang, nagkakaregla na yang bote!”

Pinasa ni Nolan ang jutes kay Alfredo matapos humitit. Tumayo ito at nagpaalam upang kumuha ng yelo. Tumayo rin si Rowel, iihi. Ibinigay ni Alfredo kay Ruiz ang jutes para sa huling hitit

Ilog Bántaoy

Tahimik na umaagos ang ilog sa kawalang katiyakan. Dapithapon, makulimlim ang langit, gumagapang ang kilawét sa saligwáy. “Kailan ang luwas mo?” Pabulong na tanong ng dalaga sa kaniya. Nakaupo sila malapit sa pampang.  Hindi agad nakasagot ang binata. Tinitimbang ang nais sabihin. Kumuha siya ng maliit na bato at ipinukol sa gitna ng katahimikan. Pitik ng lumbay ang naging tugon ng kilapsaw. “Mamayang gabi,” maikling tugon ng binata sa kasintahan. “Baka malunod ka sa lungsod. Wala nang sasagip sa iyo.” Nakatingin sa malayo ang dalaga. Sa dako roon, may umaawit na págaw. Kay lalim ng puwang ang sumilay sa labi ng binata. Bigla’y namimintig ang kaniyang paa sa pagkakaupo. Paano nga ba niya maiiwan ang ilog Bántaoy? Bata pa sila naging tagpuan na nila ang karayán. Dito sila nagpapalipas tuwing dapithapon, nagpapahinga tuwing inuutusan sila ng kanilang mga magulang sa pagpapastol ng alagang kambing o tuwing pinapaliguan nila ang alagang kalabaw. Kahit noong magsimula na silang pumasok ng hayskul hanggang ngayong magtatapos na sila at maghihiwalay dahil sa napiling sariling kurso. “Susulatan kita agad pagdating ko ng Maynila. Hindi ko kabisado ang eksaktong address ng tutuluyan ko sa San Marcelino.” “Hindi ka ba kina Tiyo Lino mo maninirahan?” “Haan met,” sagot ng binata. “Masyado raw malayo ang Cavite. Mas mabuti raw na malapit sa unibersidad para kahit papaano mabawasan ang pag-aalala ni Nanang.” “Siguradong marami kang makikilala pagdating mo roon.” “Puwede ka pa namang humabol, ibagam ken nanang mo. Mabuti ikaw nakapasa ka sa UPCAT. Di ba sabi ng titser natin, marami namang pambabaeng dormitoryo roon.” “Di na. Malapit na ring matapos ang buwan ng Mayo. Isa pa, Walang makakasama sina ading at tatang sa pagsasaka. Sayang met daytoy daga no haan nga mamulaan.” “Hayaan mo kada isang buwan, iipunin ko ang padalang pera sa akin nina Tatang. Bibilhan kita ng cassette tape ng Eheads.” Ngumiti ang dalaga. Inayos ang magulong buhok. Pinagmasdan ng binata ang batok ng kasintahan. Naninimdim ang kayumanggi nitong kulay. Naaalala niya ang araw na sinagip siya ng kasintahan. Hindi siya marunong lumangoy. Marunong lamang lumutang. Ninais niyang tawirin ang kabilang pampang noon. Bata at maraming gustong patunayan sa sarili. Para sa kanila, lalo na sa matatanda, ang marating ang kabilang pampang ay nangangahulugan ng pagiging matapang. Ngunit pagdating sa gitna, kinulang siya ng hininga, at unti-unting kinakain ng tubig-tabang. Naiintindihan ngayon ng binata, sa kanilang dalawa, mas matibay ang kaniyang kasintahan. Batid niyang hinding-hindi niya matututuhang lumangoy lalo at sa malawak na karayán.  Binitiwan ng langit ang namumuong luha sa gitna ng init ng araw. Waring nalalaglag mula sa alapaap ang unang lumbay ng kaniyang kabataan, sinasalo ng karayán, nagiging munting kilapsaw… “Puwede ko bang hawakan ang ‘yong kamay?” Tanong binata sa kasintahan. At tinanggap ng kasintahan ang matagal nang hiling sa kaniya ng binata. Ito ang unang pagkakataong nagkadikit ang kanilang katawan. Sa pagkakalapat ng kanilang mga palad, apoy at hindi tubig-tabang ang yumayakap sa tiyak na sandali, sa bawat sandaling sinasalubong sila ng kawalang katiyakan.

___________

1. Karayán – ilog; 2. Kilapsáw- maliit na along pabilog na likha ng isang bagay na bumagsak o lumitaw sa tubig; 3. Kilawet – maikling kidlat; 4. Págaw – isang uri ng ilahas na kalapati. 5. Saligwáy – malayong tingin.