Pagkaraan ng The River, ni Bruce Springsteen

Kahit sa panaginip, may alinlangan.
Nangahas kaming batiin ang Kamatayan, nagpatihulog
kami sa tuyot na mukha ng ilog.
Nilangoy ang kay lalim-
lalim na hukay, malawak na bunganga na humigop
sa aming sarili, lunggati’t ligalig.
Paglalakad sa alambre ang aming buhay. Nakihamok sa hinaharap. Ikinasal nang wala sa panahon. Kumain ng bakal, aspalto, at semento. At isang gabi, tumakas kami’t magkasamang tumalon sa malalalim na pagkakahulog.
Sa aliw-iw ng katahimikan
mag-isa na lamang akong nakabalik, bumabalik.
Marahil, ganito ang sumpa ng bawat pagtatangka:
Itinatanggi mismo ng alaala ang salaysay. May pagtataksil
ang nanunuot na lamig sa kalamnan.  Maaaring sarili na mismo
ang nagtataksil. Sapagkat kahit ang sarili
na nakabalik, hindi na buo, gutay-gutay na hulagway.
Isang siklo ang nasa gitna ng ating pagbabalik, ng bawat pagmamasid,
ng muli’t muling paghipo sa malamig na repraksiyon, sa basag-
basag na rabaw na nakalutang sa iba’t ibang dimensiyon,
sa iba-ibang espasyo: nandoroon ako—isang mangingibig;
nandirito ako—giniginaw sa mainit na hininga ng alaala,
basang-basa sa paulit-ulit na pagkakahulog.
Isang lunan ang nagtatakda sa akin, tayo,
mersenaryo na ipinapatapon sa malalawak, lumalawak na
rabaw ng dumadaloy na tuyong ilog upang patuloy na managinip at
paslangin ang ating sarili.