Ang pinakamahabang pornograpiya ng kalungkutan


Wala pa akong nababasang tersera klaseng nobela na babae ang bida. Lahat ng nobela na babae ang bida o may kinalaman sa babae, lahat iyon wasak! Babae nga yata ang pinakamasarap na bida sa mga nobela.

Naalala ko, sabi ni Daryl, isang kaibigan, ang Anna Karenina ay pinakamahabang pornograpiya ng kalungkutan. Natawa ako. Siya lamang ang babaeng kilala ko na itinatwa si Leo Tolstoy. Isa pa, gusto ko ang Anna Karenina. Paborito ko si Tolstoy. Putanginaman kasi, susulat lang ng pighati at kalungkutan, kay haba-haba. Halos kalahating taon ko yata binasa ang libro bago ko matapos. Patigil-tigil kasi. Nawawala ako minsan. Gusto ko siyang basahin ulit. Damhin muli ang lunggati at lumbay ni Anna. Hawakan muli ang naiibang romansa sa pagitan ng kalungkutan at kamatayan.

Pag-isipan muli kung totoo ngang pinakamahabang pornograpiya ng kalungkutan ang Anna Karenina.

May isa akong babaeng kaibigan na ginawa na niyang cliché ang trahedya ng kaniyang buhay. Kung masaya siya ay gusto niyang maging malungkot. Lagi niyang hinahanap ang kalungkutan: mula sa pag-aaral, paglalakad sa Taft Avenue, pag-inom ng kape sa Luneta, sa kaniyang mga kasintahan, hanggang sa pagsusulat ng mga basura at maangas na kuwento. Hindi ko alam kung may kinalaman ako sa estado ng kaniyang pag-iisip dahil isa ako sa mga walanghiyang nagturo sa kaniya ng kung ano at sino ang dapat basahin na libro. Maaaring hanggang ngayon ay tangay-tangay siya ng sumpa nina Anna Karenina at Tereza (isang karakter sa nobela ni Kundera) at sa lahat ng kaniyang mga nababasang libro.

Samantala, ang dati kong kasintahan ay naaalala kong lagi niyang tinuturan na itinatago niya sa freezer ang libro sa tuwing tatanungin ko siya kung tapos na niya ang Anna Karenina. Ayaw niyang malaman kung ano na ang susunod na nangyari sa kuwento. Gusto niyang tumigil ang oras sa mundo ni Anna Karenina at marahil ay hindi kayang sundan ang bigat ng damdamin at samut-saring mga pangyayari sa buhay ni Anna Karenina. Ganito rin ang ginawa niya sa Madam Bovary nang malapit na siya sa kasukdulan. Hindi ko alam kung tapos na niya ang dalawang libro. May mga pagkakataon na iniisip ko na minsan kahit sa mga kathang-isip na binabasa natin ay gusto nating maging isang tipak ng yelo na lamang ang kalungkutan. Isang tipak ng yelo na hindi natutunaw, na kahit minsan sa ating buhay ay may isang pangyayari na kumakalaban o ayaw sumang-ayon sa batas ng grabedad at mortalidad.

May nagsabi sa akin dati, bakit di ko subukang magsulat nang di tungkol sa kalungkutan. Iyong masaya. Mahirap yatang gawin iyon. Para na ring sinabihan mo si Stephen King na magsulat ng komedya. Pero hindi naman ako si King. hehe. Pawn lang ako.

Naaalala ko ang usapan namin ni J tungkol sa pagkakaiba ng meaning at definition. Gabi, naglalakad kami sa kahabaan ng East Ave. pamuntang Kamuning. Isa sa mga deyt na namin ang mga ganoong moment. Maglalakad lang. Magkahawak-kamay. Hindi importante kung saan papunta. Naisip ko, sa pagdama ng kalungkutan, maaaring depinisyon pa lamang ang nahahawakan/nararamdaman natin. Sa pagdama ng kalungkutan, kailangan yakapin nang buo ang kahulugan nito. Sa huling kabanata ng buhay ni  Anna Karenina, sa estasyon ng tren, palagay ko niyakap niya nang buong-buo ang kahulugan ng kalungkutan. Bilang babae. Bilang tao.

Advertisements

4 thoughts on “Ang pinakamahabang pornograpiya ng kalungkutan

  1. hindi naman maikukulong sa depinisyon ang kalungkutan. mabibigyan ng kahulugan, pero hindi depinisyon.

    yata.

    hmm, pwede bang magkaroon ng kahulugan kahit walang depinisyon? ang kawalang depinisyon mismo ay isa nang kahulugan, di kaya?

    baka.

    nasa tren ang paglisan. mayayakap lamang ng buong-buo ang kalungkutan sa puntong kaya ka na nitong iwan.

    siguro.

  2. h,

    mukhang kabisado mo ang pintig ng lungkot. Sa palagay ko hindi natin maaaring yakapin nang buo ang kalungkutan sapagkat ang malaking bahagi nito ay nasa nakaraan, alaala, gunita. Laging may paglisan, bumabalik man, hindi na iyon sa inaakala natin.

    Oo, laging nasa tren ang paglisan. Iniisip ko, saan ba nanggagaling ang lungkot ni Anna Karenina? Sa pangungulila? Sa pag-iisa? O sa pagiging babae niya mismo?

    Kahulugan bilang bahagi ng metapora. Maaaring hindi natin puwedeng maikulong sa depinisyon ang lungkot, pero hindi ba mas madali iyon? Ang tanggapin lamang ang depinisyon para mas madaling mabuhay… sapagkat sa kahulugan, madalas na tayo ay nahuhulog…

    sa pakiwari ko, ang kahulugan ng kalungkutan ay nasa kaniyang pagiging sublime…iyon bang nagpapakilala sa iyo na hindi na isang estranghero, parang maaalala mo bigla ang paboritong linya sa paborito mong tula/nobela saka mo lamang maiintindihan sa unang pagkakataon ang linyang iyon… Ganoon nga siguro ang naramdaman ni Anna Karenina sa estasyon ng tren..

    M.

  3. iisa lang ang pintig ng kalungkutan. malaking bahagi man nito ay nasa nakaraan, malaking bahagi naman ng nakaraan ay nasa sarili. walang bigat ang nakaraang hindi kabahagi ang sarili. hindi ba maaaring yakapin ang nakaraan?

    hindi lahat ng paglisan ay pagtakas. madalas, pero hindi lahat. hindi rin lahat ay paglimot. maaaring lumilisan dahil nais maunawaan ang nakaraan, lumilisan upang makalingon. at maaaring sa paglingon magkaroon ng mas mabuting pagtanaw sa iniwan.

    sa ganito, maaaring hindi na rin kailangan ang pagbabalik, hindi dahil sa wala nang babalikan kundi dahil ang totoo, wala naman talagang naiiwan sa nakaraan.

    hindi lahat ng paglayo ay pag-iwan. bahagi ang sarili ng nakaraan. bahagi ng sarili ang nakaraan. sa pakikipagniig ng sarili sa sariling nakaraan, dito, ang saya’t pighati ng kalungkutan.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s