LIRA Poetry Clinic 2012, bukas na sa aplikasyon

Mula sa pamunuan ng LIRA:

Binubuksang muli ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), ang kilala at pinakamatagal nang aktibong kapisanan ng mga makata sa wikang Filipino ang Taunang Klinikang Pampanulaan para sa mga nais lumahok. Ang lingguhang klase tuwing Sabado at Linggo mula 9:00 n.u. hanggang 5:00 n.h ay tatagal mula Hunyo hanggang Agosto, subalit magkakaroon pa rin ng iilang klase hanggang Nobyembre.

Kabilang sa mga pag-aaralan sa kabuuan ng palihan ay tradisyonal na pagtula, mga anyong pampanulaan, kasaysayang pampanulaan, at iba pang mahahalagang isyung pampoetika.   Ang palihan ngayon ay nasa pamamahala ng batikang makata at gurong si Dr. Michael M. Coroza, at patuloy na paggabay ng tagapagtatag at tagapayo ng LIRA, Pambasang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario.

Kabilang sa mga regular na guro ng palihan sina Fidel Rillo, Vim Nadera, Rebecca T. Anonuevo, Roberto T. Anonuevo, Romulo Baquiran Jr., Jerry Gracio, D.M. Reyes, Marne Kilates, Ergoe Tinio, Nanoy Rafael, at Dr. Edgar Samar.

Upang makapagpatala, magpadala ng isang Word Document file na naglalaman ng mga sumusunod: isang pahinang bio-data, ID picture, numero ng telepono, at limang tula sa Filipino sa palihanglira@gmail.com. (Hindi tatanggapin ang mga tulang nakasulat sa Ingles at ibang wika.) Maaari rin mag-iwan ng isang sobreng naglalaman ng mga pangangailangan sa pigeon hole ng LIRA sa UP Institute of Creative Writing, 2/F Faculty Center, College of Arts and Letters, UP Diliman, 1101 Quezon City.

Ang huling araw ng pagpapatalâ ay ang ika-30 ng Abril, 2012.

Advertisements

Nais ko sa iyo na manatili

(Salin ng I like for you to be still, ni Pablo Neruda)

Nais ko sa iyo na manatili
Maaaring mandin ikaw ay wala
At nakikinig ikaw sa akin mula sa malayo
At di mahagkan-hagkan ng aking tinig ikaw
Na mistulang lumilipad papalayo ang iyong paningin
At mistulang tinitikom ng halik ang iyong labi
Sapagkat ang kabuuan ng lahat ng bagay ay nasa aking kaluluwa,
Ikaw na supling mulang kabuuan
Kabuuan ng aking kaluluwa
Ikaw ang kawangis ng aking kaluluwa
Mariposa ng panaginip
At ikaw ang kawangis na salita: Iliw

Nais ko sa iyo na manatili
At ikaw ay mistulang kay layo-layo
Maaaring ikaw ay nalulumbay
Sa mariposang humuhuni katulad ng kalapati
At nakikinig  ikaw sa akin mula sa malayo
At di masumpungan ng aking tinig ikaw
Hayaan akong dumating at manatili sa iyong katahimikan
At hayaan akong makipag-usap sa iyo sa katahimikan
Kawangis ng ningning ng lampara
Payak, kawangis ang singsing
Ikaw na kawangis ng gabi
Sa kaniyang pamamalagi at konstelasyon
Ikaw sa iyong katahimikan ay kawangis ang tala
Kay layo at totoo

Nais ko sa iyo na manatili
Maaaring mandin ikaw ay wala
Malamig at punô ng pighati
Ikaw sa gayon ay namatay
Isang salita lamang, ngiti mo lamang
At masaya na ako;
Masaya sapagkat di totoo

Muli’t muli, gayunman batid natin ang paisáhe ng pag-ibig

(Salin ng Again and again, however we know the landscape of love, ni Maria Rainer Rilke)

Muli’t muli, gayunman batid natin ang paisáhe ng pag-ibig
At ang hardin ng simbahan sa dako roon, pati ang napipighating ngalan niya
at ang pinangangambahang katahimikan sa abismo na ang lahat ay
nahuhulog: muli’t muli magkapiling tayong naglalakad
sa ilalim ng matandang puno, humihiga tayo muli’t muli
sa piling ng mga bulaklak, magkaharap tayo na nakaharap sa panganorin.

Para kay Hans Carossa

(Salin ng For Hans Carossa ni Rainer Maria Rilke)

Mananatiling pag-aari natin ang pagkawala; kahit ang paglimot
ay nananahan ang hugis nito sa kaharian ng pagbabago.
Sa mga sandaling tayo ay nagpapaubaya, bumabalik, datapuwa wala tayo sa kalahatan
ng siklo, nagpapakilala sa atin ang di napipigtal, kagila-gilalas na rabaw.

Dapat sambitin bago matulog

(Salin ng To say before going to sleep ni Rainer Maria Rilke)

Nais kong awitan ang sinuman bago matulog,
Isang kasama, kapiling ako’t kapiling siya.
Nais kitang iduyan at banayad na aawitan,
maging kaibigan sa paggising o habang natutulog ka.
Nais kong ako lamang ang natatangi
sa tahanan ang siyang nakakaalam: sa labas malamig ang gabi.
At ako ay nais na making sa iyo
at sa mundo at sa kagubatan.

Malilikot ang kamay ng orasan, kumakaway sa isa’t isa,
nakikita nilang tiyak ang hanggahan ng panahon.
Sa labas ng tahanan paparating ang isang estranghero
at sa alimpungat kumakahol ang asong itim.
Namamayani ang katahimikan sa hanggan-ng-malay.

Nananahan ang nakamulagat kong paningin sa iyong mukha
at marahang hinahagkan ka, nagpapaubaya
hanggang may anong bagay ang gagalaw mula sa dilim.

1Q84 o Pag-ibig sa mundong dalawa ang buwan

Luneta park. Maghahatinggabi. Kasama ko si J. Galing pareho sa trabaho, nagobertaym, nakaupo kami sa damuhan, nakasandal sa puno, tanaw namin ang makisig na katawan ni Lapu-Lapu. Tahimik na ilog ang daloy ng mga taong naglalakad. Paroo’t  parito. May sari-sariling tinutungo, sari-sariling patutunguhan, mga estudyanteng ayaw pang umuwi, pamilyang walang sariling tirahan, mga tindero, guwardiya, mga pulubi, pusang gala, at mga kaluluwang naghahanap ng pahingahan. Sa harapan namin ay ang magkasintahang naglalambingan. Sa dako roon, sa munomento ni Lapu-lapu ay mga kumpol ng mga kabataang nagkakasiyahan, may mga nakaupo sa bench, mga nag-iisa, mga magkasintahan, pulubing dala ang sariling tahanan na nakabalot sa plastik. Sa harap ng National Museum, naririnig ko ang mga sigaw ng mga kabataang nag-eensayo ng sayaw o  naghahanda para sa isang pagtatanghal. Narinig ko ang awit ng Dashboard Confessional. Hinagilap ko sa alaala ang pamagat ng kanta, hinanap ng aking tenga ang tinig ni Chris Carrabba mula sa mga taong nagsisidaraan, tumigil sa isang lalakeng nakaupo sa may bench malapit sa harapan namin. Hindi ko pa rin maalala ang pamagat ng kanta. Dashboard…sabi ko sa aking kasintahan. Ngumiti kami pareho. Perfect. Napaka-absurd. Saktong-sakto sa pagbabasa, naisip ko.

Hindi gaanong malamig ang gabi, tila ihip sa flute ang yumayakap na hangin, at bumubulong ang mga dahon, tila melodiya ng kanta ni Louis Armstrong. Nagtatago ang mga bituwin. Nalalambungan ng makapal na ulap ang imahen ng buwan. Ang solitaryong buwan.

Hawak namin pareho ang aming sariling kopya. Huling apat na kabanata ng 1Q84. Nasa damuhan ang aming mga kape. Tahimik na naisuko ang pagiging obhetibo sa kapangyarihan ng grabedad. Nagsindi ako ng yosi. Pinakawalan ko sa hangin ang kulay asul na usok.

Humarap sa akin si J. Hinalikan ako sa labi. Masuyo. Nagliwaliw ang aking diwa, hinagkan ng aking katawan ang hulagway tulad nang panahong nakikinig ako ng Duke Ellington habang nagbabasa sa aking kuwarto, tinatanggap ang naiibang sensibilidad, humihinga nang may laya, maligaya.

1Q84

Taong 1984 ngunit hindi 1984. Parang sa 1984 ni George Orwell ngunit salungat sa 1984 ni George Orwell.  Dahil sa mundo ni Haruki Murakami, si George Orwell ay si Groucho Marx na may alagang nagsasalitang pusa.

Lahat ay fairy tale. Isang mahabang fairy tale.

Sa kalagitnaan ng aming pagbabasa, tumingala ako sa langit. Medyo maliwanag na ang langit ngayon. Punit na mga ulap. Nakamulagat ang buwan. Nakatitig sa amin ni J. Nagbabantay marahil. Pinagmamasdan kami.  Sa akin nakatapat ang buwan, sabi ni J.  Sa akin kaya, angal ko.

1Q84

Ang librong isinulat para sa atin, biro ko kay J.

Paraho kaming nasa Town of Cats. Itinadhanang maligaw. Maging lagalag. Laging narito ang lungsod para kumalinga sa tulad namin, ang gabi, ang lansangan, ang tahimik na gabi. Nakatarak ang lumbay sa aming dibdib na isang balaraw, mainit na metal. Wala kaming magagawa kundi dalhin ito. Iyon lamang ang tanging paraan para kami huminga, maglakad nang nakayuko ngunit nakayukom ang mga palad, mabuhay. Hindi kami malungkotin. Pero alam namin ang kahulugan ng kalungkutan. Hindi man namin kabisado. Ngunit naroroon ang unawa. Dahil narito ang talinghaga bilang pangangailangan. Ganito lamang kita maaaring mahalin, sabi ko kay J. Mahalin mo ako sa paraang alam mo, sabi ni J. Walang dapat hingin.

Kinakabahan na ako dito, sabi ko. Magkahawak-kamay. Nasa huling tatlong kabanata na kami. Paano kung mamatay sina Tengo at Aomame? Mahuli sila, habang nakatingin sa langit, pinagmamasdan ang dalawang buwan, magkahawak-kamay.  Hindi ko pa rin maintindihan kung ano talaga ang mga Little People, kuwento ko kay J habang ipinagpapatuloy namin ang pagbabasa. Sumagi sa isip ko, ang ending kaya ng 1Q84, nasa telepono pa rin ang bida, may kausap?

Huling kabanata na ng 1Q84. Nakaupo na kami sa bench, pinaalis kami ni Manong Gard, bawal na kasi ang umupo sa damuhan pag alas dose ng gabi. Saglit kaming nagpahinga sa pagbabasa. Nagsindi ulit ako ng yosi. Ang ganda ng katawan ni Lapu-lapu, komentaryo ni J. Mula sa kinauupuan namin, kitang-kita ang pagka-macho ng bayani. Parang model lang ng Axe. Hindi kaya si Tengo ang nakikita niya at di si Lapu-lapu? Napag-usapan namin ang mga babaeng karakter ni Murakami. Lalo na sina Naoko at Midori at Sumire. Napaka-eccentric talaga ang mga babae sa mundo ni Murakami. Samantalang ang mga bidang lalake, malinis, athletic, magagaling magluto, nakikinig ng Jazz, mahilig magbasa, ngunit passive sa buhay. Walang rebelyon sa katawan. Maaaring naiintindihan lang nila kung paano mabuhay, sabi ko kay J. Pero ang mga babaeng bida, punong-puno ng drive sa buhay. Bakit kaya?

Until it was nothing more than a gray paper moon, hanging in the sky,  sabi sa huling talata ng 1Q84. Sa mundo ng 1Q84, may dalawang buwan, ano ang imposible? Isang repleksyon ang lahat, nababaluktot ang realidad. O ang realidad ay nasa pagtingin ng indibidwal?

Magkahawak-kamay, pinagmamasdan namin ang buwan. Parang ibon na nasa aming ulunan. Umaawit marahil ng Sinfonietta. Ang buwan, kabisado niya ang pag-iisa. Ang kahulugan ng pag-iisa. Nauunawaan niya ang katahimikan, ang gabi, nauunawaan niya ang lunggati ng lungsod. Sa piling ni J, dama ko na puwedeng ibahagi ang pag-iisa, humihinga.

Naalala ko ang sinabi ni Rio Alma. Naalala ko. Habang nagbibiruan kaming mga makatang LIRa ng kung ano ang magandang pick-up line. Biglang sumabat si Rio Alma sa usapan. Sabi niya: Dalawang araw lang kita kailangan araw-araw.  Ang simple. Ngunit naroon ang talinghaga. Talinghaga bilang pangangailangan.

Ang pinakamahabang pornograpiya ng kalungkutan

Wala pa akong nababasang tersera klaseng nobela na babae ang bida. Lahat ng nobela na babae ang bida o may kinalaman sa babae, lahat iyon wasak! Babae nga yata ang pinakamasarap na bida sa mga nobela.

Naalala ko, sabi ni Daryl, isang kaibigan, ang Anna Karenina ay pinakamahabang pornograpiya ng kalungkutan. Natawa ako. Siya lamang ang babaeng kilala ko na itinatwa si Leo Tolstoy. Isa pa, gusto ko ang Anna Karenina. Paborito ko si Tolstoy. Putanginaman kasi, susulat lang ng pighati at kalungkutan, kay haba-haba. Halos kalahating taon ko yata binasa ang libro bago ko matapos. Patigil-tigil kasi. Nawawala ako minsan. Gusto ko siyang basahin ulit. Damhin muli ang lunggati at lumbay ni Anna. Hawakan muli ang naiibang romansa sa pagitan ng kalungkutan at kamatayan.

Pag-isipan muli kung totoo ngang pinakamahabang pornograpiya ng kalungkutan ang Anna Karenina.

May isa akong babaeng kaibigan na ginawa na niyang cliché ang trahedya ng kaniyang buhay. Kung masaya siya ay gusto niyang maging malungkot. Lagi niyang hinahanap ang kalungkutan: mula sa pag-aaral, paglalakad sa Taft Avenue, pag-inom ng kape sa Luneta, sa kaniyang mga kasintahan, hanggang sa pagsusulat ng mga basura at maangas na kuwento. Hindi ko alam kung may kinalaman ako sa estado ng kaniyang pag-iisip dahil isa ako sa mga walanghiyang nagturo sa kaniya ng kung ano at sino ang dapat basahin na libro. Maaaring hanggang ngayon ay tangay-tangay siya ng sumpa nina Anna Karenina at Tereza (isang karakter sa nobela ni Kundera) at sa lahat ng kaniyang mga nababasang libro.

Samantala, ang dati kong kasintahan ay naaalala kong lagi niyang tinuturan na itinatago niya sa freezer ang libro sa tuwing tatanungin ko siya kung tapos na niya ang Anna Karenina. Ayaw niyang malaman kung ano na ang susunod na nangyari sa kuwento. Gusto niyang tumigil ang oras sa mundo ni Anna Karenina at marahil ay hindi kayang sundan ang bigat ng damdamin at samut-saring mga pangyayari sa buhay ni Anna Karenina. Ganito rin ang ginawa niya sa Madam Bovary nang malapit na siya sa kasukdulan. Hindi ko alam kung tapos na niya ang dalawang libro. May mga pagkakataon na iniisip ko na minsan kahit sa mga kathang-isip na binabasa natin ay gusto nating maging isang tipak ng yelo na lamang ang kalungkutan. Isang tipak ng yelo na hindi natutunaw, na kahit minsan sa ating buhay ay may isang pangyayari na kumakalaban o ayaw sumang-ayon sa batas ng grabedad at mortalidad.

May nagsabi sa akin dati, bakit di ko subukang magsulat nang di tungkol sa kalungkutan. Iyong masaya. Mahirap yatang gawin iyon. Para na ring sinabihan mo si Stephen King na magsulat ng komedya. Pero hindi naman ako si King. hehe. Pawn lang ako.

Naaalala ko ang usapan namin ni J tungkol sa pagkakaiba ng meaning at definition. Gabi, naglalakad kami sa kahabaan ng East Ave. pamuntang Kamuning. Isa sa mga deyt na namin ang mga ganoong moment. Maglalakad lang. Magkahawak-kamay. Hindi importante kung saan papunta. Naisip ko, sa pagdama ng kalungkutan, maaaring depinisyon pa lamang ang nahahawakan/nararamdaman natin. Sa pagdama ng kalungkutan, kailangan yakapin nang buo ang kahulugan nito. Sa huling kabanata ng buhay ni  Anna Karenina, sa estasyon ng tren, palagay ko niyakap niya nang buong-buo ang kahulugan ng kalungkutan. Bilang babae. Bilang tao.