Litanya

Nais kong pagmasdan sa gabi ang lungsod. Mula sa buwan.

Nasa kolehiyo ako nang una kong makilala si Franz Kafka. Inumpisahan ko ang The Castle. Lalo lang ako nalito sa mundo.

Laging biswal ang pagtingin ko sa tula. Parang eksena sa pelikula. Magsisimula sa drama ang unang linya.

Kanina sa elevator pagkagaling ko sa roof deck upang bumili ng kape, bigla akong nakaramdam ng claustrophobia. Naalala ko ‘yong mga chambermaid sa The Castle.

Marahil sa buwan, walang lumbay. Dahil walang grabedad.

Kay Kafka ko unang naengkuwentro ang ibig sabihin ng salitang “malabo” o vague.

Minamahal ko ang lungsod. Katipan ko siya sa buong magdamag.

Hindi ako makagawa ng tula hangga’t wala akong naiisip na magandang sitwasyon.

Ang pagsusulat ay isang pagtugon sa pangangailangan. Nakalimutan ko na kung sino ang may sabi nito.

Nais kong makarating sa kabilang pampang, tawirin ang tahimik na ilog. Hayaang anurin ang lahat, pati kuwento kung sakali.

Si K. ninais niyang maintindihan ang lahat, kahit ang hiwaga na nakapaloob sa ephemeral na kastilyo.

Eksena: Huni ng uwak sa bubungan ng bahay namin. Paano ko mailalarawan, hahagkan ang imahen kung ang tanging pundasyon ko lamang ay ang huni ng uwak.

Sadya nga yatang hindi para sa dalawang nilalang ang lansangan. Nasa lansangan ang pag-iisa.

Mula sa buwan, pinagmamasdan ko ang halina ng lungsod.

Si Godard at ang kaniyang estilo ng naratibo. Posible kayang ilapat yun sa tula?

Naratibo din ang pumupukaw sa akin kay Kafka. Kakaibang naratibo.

Naratibo rin ang dahilan kaya ko binabaybay ang lansangan tuwing gabi.

Sa panaginip, nakaupo ako sa buwan. Pinagmamasdan ang lungsod. Ang naratibo mula sa kawalan ng grabedad o oksineho.

Sigur Ros

Ilang kataga ang puwede kong masambit para ilarawan ang di-mailarawan ngayong gabi bago matapos ang kantang Agaestis Byrjun ng Sigur Rus? Pag-ibig kalungkutan elehiya lumbay laya ligaya saya lunggati nasa libog selos galit lugami salaghati alinlangan pighati liday ladingit tuwa ligalig Anong kataga ang unang maglalaho? Ang huling magpapaalam? Sa hugkag kong dibdib, umaapaw ang pag-iisip. Uminom ako isang gabi. Naglasing kasama ang kaibigang makata. Pagkatapos, naglasing na mag-isa sa isang lugar. Sabi ko sa sarili ko, putangina! Kailangan ko nang tapusin ang aking nobela. Hawak ko na ang aking karakter, sakal na sakal na nga siya sa akin. Pero ngayon, habang tumutugtog ang Sigur Ros, bakit ako nalilito? Okay, gagawa ako ng crime fiction. Isang perfect murder. Babae ang bida. Nabubuhay noong dekada sisenta. May pagka-pilosopikal ang dating. Putangina naman! Masyado akong ambisyoso. Nobela ba talaga ang gusto kong isulat? Pauwi, kagabi, naisip ko ang nanay ko. Naiiyak ako habang pasuray-suray sa daan at naghihintay ng masasakyan. Masyado akong naging sakim sa gusto ko sa buhay, sa gusto kong gawin. Ngayong nagsusulat, tumingin ako sa aking mga aklat na nakasalansan sa gilid ng aking kuwarto na parang yelo. Gusto ko silang sunugin, silaban. Iiyak siguro ako. Sa bus, habang binabaybay ng bus ang EDSA, lagpas hatinggabi, gusto kong magsuka. Nahihilo ako sa hangin na tumatama sa aking mukha. Gusto kong matulog, pumikit, kalimutan ang nararamdaman ko ngayon. Pero parang mga basag na boteng sumusugat sa aking dibdib. Inilabas ko ang dala kong libro. Sinubukan kong magbasa, pero isang talata pa lang, lalong sumidhi ang pagkahilo ko. Tumingin ako sa labas, parang pelikula na pinindot ang fast forward ang eksena sa kalye, kay sakit sa mata ang mga gusali at sasakyang nilalagpasan ng sinasakyan kong bus. Habang magkasalungat na naglalaro sa aking isip ang isang kanta ng The National at ang Four Quartet ni TS Eliot. Naalala ko ang aking nobya. Magkayakap kami habang binubulong niya sa aking teynga ang mga linya mula sa East Coker: I said to my soul, be still, and wait without hope/ For hope would be hope for the wrong thing; wait without love,/ For love would be love of the wrong thing; there is yet faith/ But the faith and the love and the hope are all in the waiting. Paano niya namemorya ang lahat ng linya? Samantalang kahit ang mga paborito kong tula ay hindi ko kabisado. Hindi pala ako nagpaalam sa kaniya. O sinadya kong di magpaalam. Tulog na kaya siya? O overtime pa rin sa opisina? O nagbabasa ng 1Q84? O tulad ko, nasa lansangan rin, nagkakape, marahil. Kay dami kong gustong ipagtapat sa kaniya. Ibulong. Sabihin. Saglit kong iniwan ang aking sinusulat. Magtitimpla ako ng kape. Kung bakit hindi ko mahanap ang kape at asukal. Narito pala sa loob ng fridge. Bakit ko ba nailagay dito? Gaano ko man naisin na maging lohikal ang buhay ko, nagiging ilohikal pa rin. Wala nga yatang obhetibo pagdating sa akin. Minsan, gusto kong paniwalaan ang sarili ko na excuse ko lamang ang pagiging irrational para ma-justify ang buhay ko. Pero ganito ako humihinga. Ayaw tumigil ang oras. Lahat nagiging non-linear. Pero bakit hindi ako tumitigil na bigyan ng katwiran ang lahat? Kahit ang relasyon ko sa nanay ko, sa nobya ko. Hindi ako mapakali hanggang hindi ko naiintindihan ang mga bagay. Kay rami kong gustong ipaliwanag. O mga bagay na hindi ko kayang sabihin nang harapan. Kaya dinadaan ko sa pagsusulat. At ang nobela, sa tingin ko, ay ang proseso para maintindihan ko ang mga bagay na gumugulo sa aking isip, mga bagay na gusto kong sabihin at

Si Ruby Tuesday

Between grief and nothing what would you choose? I choose grief.

– William Faukner

Grief’s stupid. I choose nothing. Grief’s compromise. I want all or nothing.
– Jean-Luc Godard

Ako ang babaeng sasama sa kahit sinong lalaki, maliban lamang sa mahal niya.

Sabi ni Ruby Tuesday. Isang hapon, hindi kami pumasok pareho sa klase. Sa inuupahan kong kuwarto malapit sa aming eskuwelahan. Niyaya ko siyang mag-sex. Nakahiga pareho sa kama, parehong nakatingin sa kisame. Ang lagusan. Ang kisame. Pareho kaya tayo ng gustong puntahan? Saang lupain ka napapadpad ngayon? Malapit ba sa dalampasigan? Malalakas ba ang mga alon? Kung bakit hindi tayo tumitigil. Ayaw nating tumigil. Kahit sa pagtitig sa kisame, lagi tayong naghahanap. Naglalakbay. Naliligaw. “Tandaan mo,” basag ni Ruby Tuesday sa katahimikan, nakatitig pa rin sa kisame, “Tandaan mo na sa araw na ito isinuko ko sa iyo ang aking sarili.” Iniisip kong nasa dalampasigan kami. Nakaupo sa buhanginan. Pinagmamasdan ang ang katahimikan ng dagat, nakikinig sa payapang alon. Kung bakit hindi tayo matahmik sa payapang mundo. Kahit ang tahimik na alon, nakikiusap sa atin na dito ka lang, dito ka lang, ngunit mas gusto nating lumusong sa tubig, maglunoy, at malunod. Saan ba tayo pupunta? Saan tayo dadalhin ng ating nasa? Saan makakarating ang ating sari-sariling lunggati? Bago ko makilala si Ruby Tuesday, ang simple lang naman ang gusto ko. May simpleng buhay. Gusto kong makatapos sa pag-aaral. At balang-araw, makapag-trabaho sa isang kilalang publishing company, o makapag-sulat para sa pelikula. Ganoon. Simple lang di ba? Ayokong aminin, pero si Ruby Tuesday ang sumira sa tahimik na buhay ko. Tinuruan niya akong humarap sa aking sariling salamin, at yakapin ang alinlangan. Kung puwede nga lang ariin ang kalungkutan ng mahal mo, gagawin ko. Sasabihin ko sa kaniya, dito ka lang, dito ka lang, ako ang tahimik na alon na magtatago sa iyong kalungkutan. Ngunit hindi. Hindi natin pag-aari ang ibang tao, lalo na ang kaniyang kalungkutan.

Paano ba natin isusuko ang ating sarili sa mahal natin? Katumbas ba ito ng pagpapaubaya? Katulad ng ginawa ni Ruby Tuesday ngayon. Ngunit ano ba ang isinusuko natin? Siya, ano ang isinuko niya sa akin? Ang kaniyang katawan? Ang kaniyang kaluluwa? O ang kaniyang pangarap? Natatandaan kong sinabi ni Ruby Tuesday, bawat lambing ng labi niya sa aking labi ay isang paghihimagsik. Paghihimagsik saan? Paghihimagsik na kailangan nating mamili sa buhay. Sapagkat lagi tayong nasa gitna ng pagpili at pagtalikod, ng tiyak at di-tiyak. Paghihimagsik laban sa kamatayan.

“Tandaan mo, mahal na mahal kita.”

Sa araw na ito, gusto kong itago ang pag-ibig sa dibdib ng payapang alon.

Si Lorca at Ako, isang hatinggabi

 

1

Naghuhunos ang panaginip.
Naglulunoy ang buwan sa nakalalasong tinta.

2

Dinalaw ko ang aking katipan sa siyudad.
Umaalulong sa saligway ang asong itim,
napunit ang mga ulap,
at niyanig ang lupa sa pag-ulan ng itim na apoy.

3
Nais kong itala ang pinakasimpleng imahen ng pag-ibig.
Nagpahaba ako ng buhok.

4
Madalas akong nahuhulog sa masikip na kabaong.
Nakikita kita, irog, umiiyak,
sa harap sumusunod ang mahabang prusisyon.
Upang makalimot, humukay ako ng ilog.

5
Hinahanap ko ang aking libingan
Pagkaraang hiwain ko ang mata ng aking katipan
at nangako ng pag-ibig na walang hanggan.

 

 

Awit sa dulo ng iyong pangalan

Ito ang lunan: naratibo ng pagsuko

ang iyong pilikmatang naiwan
sa pahina ng aking aklat. Narito ka,

itinatanging hininga ng aking hininga.

Apoy sa apoy na nakaipit sa naninilaw na papel.
Pulang hasmin na umuusbong sa pagitan ng parikala at parirala,
maringal na halimuyak sa imahinaryong siyudad.

Sakdal na sanghaya. Narito ka,

aking sinasaklot sa katahimikan, sa espasyo
ng mga titik at talinghaga, sa pumipintig na salaysay
sa nagtatagong hulagway ng persona, walang hanggahan

na aking isinusuko ang sarili sa awit sa dulo ng iyong pangalan.

Wakas

Nang umagang iyon sa labas ng pagawaan ng sirang telebisyon, sa palabas nag-aabang ang lahat sa pagdating ng Manghuhukom, walang nakakita sa dalisay na ngiti ng estranghero. Nginangatngat ng daga ang natutuklap niyang kuko sa paa, habang dinidilaan ng asong itim ang nagnanaknak na sugat sa tuhod. Nagtatampisaw ang kaniyang isipan at doon sa naiibang panahon naunang nagtago sa katawan ng estranghero ang mga bituwin, planeta, kometa, bulalakaw, araw, hangin, ulap, bato, alikabok, at tubig. Nang bumagsak ang liwanag mula sa kalawakan, tanging ang estranghero ang nakarinig sa awit ng simboryo. Unti-unting nagugunaw ang lahat sa apoy, habang ang estranghero ay nalulunod sa paglulunoy sa Ilog Beata.

Si Ruby Tuesday

Iniisip ko siya. Si Snow White na natutong uminom ng Red Horse. Ang babaeng nagising mula sa mahabang pagkakaidlip. Humarap sa mundo at napagtanto niyang hindi pala siya ang natutulog kundi ang mundo. Ang mundo na kay himbing ang pagkakatulog, at nakalimuta nang managinip.

Luha ng diyos, ang turing niya sa alak. Bawat patak ay espiritu na hindi dapat masayang.

Tambay sa kanto kung maglasing, makikita kahit sa mga mumurahing inuman, sa videoke bar, sa mga bar sa Malate kung may pera, hanggang sa tambayan malapit sa aming eskuwelahan. Kahit tanghaling tapat, tomotoma. Pumapasok sa skul na lasing. Walang inuurungan.

Tumutugtog ang Sugar Hiccup sa lumang CD player. Womb.

Hinablot niya ang binabasa kong magazine, sabay pakawala ng mahinang mura. Gusto ko siyang sampalin! Nasa kalagitnaan ako ng pagbabasa sa nalathalang tula, sinusubukang pumasok sa mundo ng persona. Potek! Heto na naman tayo. Tumungga ako ng alak. Malapit nang maubos ang nasa bote. Ang tagal naman ng dalawang iyon! Kailan ba tumigil sa pagsusulat si Ruby Tuesday? Parang kahapon lang, nang ibinigay niya sa akin ang draft ng ginagawang niyang nobela. Pagkatapos nun, wala na. Ni hindi ko na siya nakitang humawak ng bolpen o lapis, tinamad nang buklatin ang kaniyang dyornal. Anong nangyari? Kahit ako na nobyo niya, walang kaide-ideya. Matapos magdesisyon na tumigil na sa pag-aaral, tumigil na rin ang kaniyang momentum sa pagsusulat. Nawalan ba siya ng gana at iniwan ang kaniyang musa? Natagpuan ang katotohanan? Sabi ng isang makatang Filipino, kapag natagpuan mo na ang pinakasimpleng salita para ilarawan ang iyong sarili, ang mundo, ang buhay, doon lamang titigil sa pagsusulat. Ngunit hindi nga ba katumbas ng pagtalikod mo sa gusto mo sa buhay ay kamatayan.  Paano isusuko ng tao ang kaniyang mga gustong gawin sa buhay? Ano ang mag-uudyok sa kaniya para talikuran ang kaniyang pangarap, na maituturing na kaniyang hininga at dahilan kaya nabubuhay?

Ang wagas na wakas. 

Natapos ang kantang Womb. Sumunod ang Andalusian Dog ng Eheads. Inilapag ko ang binabasa kong magazine.

Para akong lumalangoy sa ibabaw ng mga planeta habang tila ether na lumulutang sa hangin ang melodiya.  Tinignan ko si Ruby Tuesday, isang kometang umiikot sa araw, makikita sa kalawakan ng gabi ang kaniyang mahabang buntot na kumikinang na yelo. Kumuha siya ng halos tubig na na yelo, sinalok ng kaniyang dalawang daliri mula sa lalagyan, nilagay sa baso at isinalin ang natitirang alak. “Puta,” mura niya, “ang tagal namang bumili ng yelo at alak ng dalawang iyon. Last shot na lang ito.” Lasing na kaming apat. Kung bakit pa kasi nagpabili ka, sa loob-loob ko. Kaninang hapon pa kami nagsimula ni Ruby Tuesday. Hindi na ako pumasok sa klase ko sa Journ nang bigla akong tawagan at magyaya ng inuman. Gabi na nang makasunod ang dalawa naming kaibigan matapos ang kanilang klase.

Kumuha ng Marlboro Red, tiniktik ang yosi sa kaniyang kuko. Iniabot ko sa kaniya ang lighter. Nagsindi. Inilabas ang kulay bughaw na usok saka ibinato sa akin ang lighter. “Alam mo bang gago ka,” nakatitig sa akin. Ngumiti lang ako. “Lasing ka na.” Nilagok ang natitirang alak sa baso. Sinaid. Sabay lapit sa akin na akmang hahalikan ako. Humitit ng yosi sabay buga sa aking mukha. Ramdam ko ang usok sa aking ilong. “Alam mong tumigil na ako sa pagyoyosi.” “Gago!” Nanghahamon ang kaniyang mga titig. Gusto ko siyang halikan. Hubaran. Isandal sa pader. Sakalin. Nakaramdam ako ng init ng katawan.  Bahagya ko siyang itinulak saka ako nagsalin ng chaser sa baso. “Gago ka magmahal!” Mukhang nabasa ang laman ng isip ko. Pareho kaming agresibo. Mahilig pumasok sa alanganin. Para sa aming dalawa, isang palaruan ang mundo. At kami ay mga batang mahilig maglaro, hindi alintana kung magkasugat-sugat ang aming buong katawan. Walang dapat paghinayangan sa mga bagay na nawawala, ito ang paulit-ulit naming sinasabi para sa aming sarili. Lakas ng loob, wala nang iba!  Pure Zen, ika nga. Ang pagkakaiba namin, madali niyang maintindihan ang mga bagay-bagay. Samantalang ako, kailangan ko munang magkamali nang paulit-ulit bago ko tanggapin bilang katotohanan.

Madalas na nagtataka ang aking mga kaibigang tibak kung bakit ko siya niligawan. Pagtataka na napalitan ng pagtutol. Bakit ko ba siya niligawan samantalang kay laki ng agwat  ng aming paniniwala. Malulunod ka lamang diyan, ang wika minsan ng isang tibak. Sino ba naman kasing tibak ang main-love sa babaeng nagbabasa ng Future Shock  at The Virtue of Selfishness?  Iniibig ko ba si Ruby Tuesday dahil matalino, agresibo, at matapang? Iniibig ko ba siya dahil siya ang unang babaeng nakitaan ko ng libro sa kaniyang bag? Hindi mahilig sa make-up, walang lipstick, walang mascara, walang pabango, maliban lamang sa toothbrush na lagi niyang dala-dala. (Kadalasan hindi umuuwi at kung saan-saan natutulog).  Sa mga hanay ng mga babae’y hindi mo siya kaagad mapapansin. Walang kagandahan tulad ng sa komersyal sa Ponds, walang matang titig-Hentai, hindi malaki ang dede, walang mapupulang mga labi.

Kapag nagsalita na si Ruby Tuesday, nandoroon ang sining, lalo na kapag lango sa alak, nandoroon ang isang obra na gusto kong hagkan gabi-gabi. Parang kanta ni Ely Buendia. Komplikado at hindi ko man maintindihan, nananahan at pumipintig sa aking isipan. Tahimik na nananahan sa aking puso. Sa skul pub na pareho naming pinasukan sa kolehiyo, tahimik lamang siya. Ang skul pub na pumanday sa aming pananaw, paniniwala at bumago sa aming buhay-estudyante.  Punong patnugot si Ruby Tuesday, ako bilang literary editor.  Walang masyadong kaibigan, maliban lamang sa akin at ang mga kasabayan sa diyaryo. . Ni hindi ngumingiti. Hindi nakikipag-usap sa mga kasama. Iniilagan ng mga staff writer. Ngunit kapag nagsalita na, lalo na sa brainstorming at sa presswork, lahat nakikinig sa kanya, lahat humahanga.

Sumisigaw ang Siakol, nabibingi ako sa kanta nilang Kabilang Mundo.

“Bakit ka tumigil sa pagsusulat?”

“Na-bored ako.” Isang malamig na tugon.

“Ganun lang? Kilala kita. Hindi ka sumusuko nang basta-basta.”

“Sigurado ka bang sumuko ako?”

Naiinis ako sa kanta ng Siakol. Pinindot ko ang Next. Walang kuwenta ang sumunod. Pindot ulit. Bakit ba wala akong maitanong sa kaniya ngayon? Kapag hindi kami magkasama, ang dami tanong na pumapasok sa isip ko. Alinlangan. Dagang kumakain sa aking dibdib. Ngumangatngat sa aking bawat hibla ng aking kaluluwa. Tumigil ako sa kanta ng Color it Red, Paglisan.

“For the road na ba ang kantang ‘yan?” Tanong niya.

“In the mood…”

“for something decadent?”

“Masyado kang imposible!”

“Alam mo bang sa mundo ng mga kipples, ikaw ang natatanging junk.”

“Kipple-ish! Pakiramdam mo naman, ang mundo ay tulad sa mundo ni Phillip K. Dick.”

“Mali. Gusto kong isipin na ako ang kaniyang mistress.”

Ikaw ang aking mistress at ako ang android na nanaginip sa iyo. Sa panaginip, hinahabol kita. Patuloy kang lumalayo sa akin. Nawawala. Nagugunaw mula sa liwanag. Tinatawag ko ang pangalan mo. O ang pangalan ko ang isinisigaw ko. Kahit pala sa panaginip, may alinlangan.

Kinuha ko ang natitirang Marlboro Red. Sinindihan. Humitit nang malalim. Dama ko ang bigat ng usok sa aking dibdib.