Kalungkutan

Pasintabi kay Jerry B. Gracio

Ang kalungkutan ay asong itim
na umaalulong ng pag-iisa.
Hayop na lagalag sa masukal na gubat.
May dala-dalang apoy,
itim na itim na tititig sa mata
sa mata, nanlilisik, umaangkin.
Naglalaway ng sari-saring damdamin
ang kaniyang pangil, nakalalason;
Nakakamatay-bumubuhay.
Hindi nahihiyang tumakbo ng matulin,
Laging naghahanap, lagalag
sa sariling laberinto.
Ikamamatay niya ang sandali
na kailangan niyang magpahinga.

Ang kalungkutan ay asong itim
ninanasang mahagkan ang bughaw na ibon.
Aanyayahan ka niyang samahan siya sa paglalakbay,
sa pag-iisa, samahan siya sa paghinga.
Hagkan ang kaniyang buntonghininga.
Haharap siya sa iyo na hapong-hapo sa pagtakbo,
lawit ang dila, tumatabi na lupaypay ang buntot.
Isinusumpa niya ang magpahinga.
Patuloy siyang tatakbo, magsasalaysay.
Isasalaysay ang kaniyang luha
na itinago ng kaniyang mga pangil.
Mga naipong lunggati habang nasa gubat ng pag-iisa.
Mga itinagong salamisim na hindi masabi
sa burol ng limot na panalangin at nawalay na alaala.

Ang kalungkutan ay asong itim
na lagalag sa gubat ng damdamin.
Nangangarap siyang magkaroon ng pakpak
kawangis ng iyong bughaw na pakpak.
Anong klaseng buhay mayroon ang panganorin?
Makikinig siya sa iyong mga salaysay,
kung paano ka niyakap ng ulap at hangin;
kung paano ka sinuway ng buwan
nang minsang nangahas kang dumapo
sa kaniyang hiram na liwanag;
o nang minsang saluhin mo ang mga tala
na isa-isang nangangalaglag pagsapit ng umaga.
Patuloy na makikinig ang pag-iisa sa pag-iisa,
tatanggapin niya ito bilang serenata.

Ang kalungkutan ay asong itim
na mag-aalay sa iyo ng itim na apoy.
Tumatabi sa iyo nang walang alinlangan.
Masusunog ang lahat ng elemental
habang nakikipagtalik ang kaniyang pangil
Sa iyong bughaw na pakpak.
Maglalaho ang inyong katawan
sa pagsasanib ng inyong tinig
Maisulat sa wakas kung paano nagpahinga
ang kalungkutan sa kapuwa kalungkutan.
Kung darating man bilang kamatayan,
matutulog kayo nang mahimbing
sa alulong at salimbay ng pag-ibig
habang ikinakasal ng gubat at panganorin.

 

Ver. 2

Tatlong Dalit

Parang Pilosopiya

Napuwing sa mapupungay
Niyang mata. Napadasal
Kay Kant. ‘Tong pusong naparam:
Damdaming metapisikal

Parang Pelikula

Musmos tayong laging hapo
Sa pagibig di sumuko;
Tila kuwento sa mundo
Ng Cinema Paradiso.

Parang Erotika

Tuwing kata magkapiling
Alam kong yakap mo’y akin
Sa tuwing ta magkasiping
Halinghing mo’y, syet!, di akin.

 

*Dalit –  isang katutubong uri ng tula na may sukat na tigwawalong pantig at may apat na linya.

Pangitain

Makakasalubong sa paglalakad
ang pugot na ulo
Itim na itim na matang-pusang nakatitig
Nakangising babati ng magandang gabi
May dagang tumatakas mula sa kanal
paakyat sa kawad ng kuryente
Maririnig sa bubungan ang pagaspas
ng panggabing ibon
habang umaali-aligid ang bayakan
Hihingi ng yosi
Sisindihan mo mula sa dalang posporo
Magsasalaysay ng hulagway
ang usok ng yosing kumakawala sa pagkagapos
mula sa kaniyang buntonghininga
Walang pasintabing daraan ang itim na pusa sa harapan
Matatagpuan mo sa gitna ng lungsod ang aking katawan
Nagnanana ang sugat na walang lunas
Wakwak ang dibdib
Nagkalat sa lansangan ang aking laman-loob
na tinutuka ng panggabing ibon
Hayok na kinakain ng asong itim
ang tumitibok kong puso
Sa pagkawasak ng aking katawan
nagugunaw ang lahat
Mabubuhay muli ang sarili
na iniluluwal ng panaginip at lunggati
Kasabay ang pagsilay ng liwanag
ang bagong silang na uniberso.

Cello

(kay J.)

Sa panaginip, paulit-ulit na iniluluwal
ng simponiya ang iyong tinig. Tahimik sa simula,
malumanay na nagpapakilala. Ang paniwala ko:
alay yaon sa mandirigma, silang mga naiwan
sa gitna ng laot. Bilang elehiya sa lungsod
na sinunog, gumuho. Awit ng pagbabalik
ni Ulysses sa nalimot na isla. Dinadama ang pintig
sa subyang ng tubig at apoy, hanggang wasakin
ng labi ang aking pandinig. Magigising akong kipkip
ang awit sa pananalig, at ang nostalhiya
na aking tinatanaw sa dulo ng iyong pangalan.