Hasmin

Nagtatanim ako ng bulaklak sa dulo ng iyong pangalan.
Binubungkal ko ang lupa na mayaman sa bituwin, lagalag na kometa,
at bahagharing supernova. Ibinubulong sa lupa ang panagimpan,
tulad ng imahen ng pagsilang ng bagong uniberso.
Tinatawag ang araw at buwan, gumagawa ng tulay
na magdurugtong sa takipsilim at gabi ng aking pagsuyo,
sa gabi at liwayway ng aking pagsinta. Sa tuwina, nakikiusap
sa hangin upang ipabatid nito ang alab at lumanay
ng nagtitimping pag-ibig sa dulo ng aking dila. Muli’t muli, isinisigaw
ang panalangin sa mga ulap na naglalakbay sa dulo ng mundo.
Hayaan, Hayaan, makipag-isang dibdib ang ulan at hamog
sa aking buntonghininga. Sa ganito inilalahad ko sa iba’t ibang lupain,
sa ibabaw ng karagatan, sa rurok ng mahiwagang kabundukan,
maging kahit sa pinto ng dilim, sa dumadaloy na lagim ng digmaan,
maging sa katapusan ng panahon at kasaysayan, ang halimuyak at
ang sanghaya ng paghaharaya sa dulo ng iyong pangalan.

Sa Opisina

Wala siya sa sarili. Tulala.
Saglit siyang nagpahinga
Kinuha ang mainit na kape,
pinutol ang awit ng Peryodiko sa iTunes,
tumawid, tumalon, iniwan ang dedlayn
ang nagsusumiksik na overtaym
sa loob ng kanilang opisina.

Gumawa siya ng eroplanong papel, pinalipad
dumapo na isang tandang sa sanga ng guyabano.
naroon siya sa kanilang bukirin,
nangangati ang singit, kinakagat ng dambuhalang langgam.
Nakatuntong sa marurupok na sanga ng kawkawate,
hawak ang posporong walang laman,
naghahanap ng gagamba

Nasasabik siyang maglaro
umupo sa lilim ng puno,  umakyat
magpantal ang katawan, masugatan,
maglambitin, mabalian ng buto sa pagkakahulog.
Ngunit humuhukay siya ngayon ng kalansay na linya,
kinakalawang na bungo,
mga boses na walang pangalan
sa mekanikal niyang mundo.

Malay siya kaniyang pangalan.
Malimit niyang isulat sa disenyo na ginagawa niyang kover
hugis tatsulok, baluktot na mukha, kulay na pinagpatong-patong
sumusunod sa estilo ni Saul Bass.
Bakit ginagawa siyang baog,
nilulumot kahit ang kaniyang panaginip.
Ayaw dalawin kahit bangungot?

Inaasam niyang mahulog sa iba-ibang damdamin,
maglakad nang maglakad hangang makasalubong
ang mahabang prusisyon ng patay,
o ang pugot na ulo na bumabati ng
magandang gabi. Umakyat
sa lumang simboryo upang marinig ang palahaw
ng alagang uwak ni Teo Baylen.

Ganito marahil ang huminga sa atas ng orasan.
Habang may katiyakan, paulit-ulit lamang ang lahat.
Lumalayo siya sa kaniyang panaginip.
Nagiging palaboy ang mangingibig.

Saan siya pupunta? Tutungo sa dihital?
Sa buhay na linyar, virtual kahit kabiguan.

Sa kanilang bukirin, sugat-sugat ang paa,
tumatakbo palayo, palayo sa mahabang bigwas
na palo ng kaniyang lola. Umiiyak,
maingat na hawak-hawak ang  gagamba
Mabangis na lalaban sa kaniyang mga kalaro, bukas!

 

ver. 2

Itagay mo, Dude!

“So then, what do you believe in?”

“Sex and death – two things that come once in a lifetime…
but at least after death, you’re not nauseous.”

Woody Allen

Light years ang agwat ng sagot sa tanong. Binubuhay ang patay
na oras, damdamin; ang aking isip: ilaw na hinihigop ng blackhole.
Ayon sa pisika: kapag hinigop ka ng blackhole hindi ka mamamatay.
Lulutang lamang ang sarili sa walang hanggan, sa kawalan.
Ayon pa rin sa pisika: Isang lagusan ang blackhole. Tulay
na nagdurugtong sa ibang uniberso. Maaring naiibang hulagway?

Makakasalubong ang iyong sarili. Ilahas na imahen.
Isang matandang payaso na walang paniniwala, bumabati
ng magandang hatinggabi, bumubulong ng itim ang damdamin ng libog.

Nakalapag sa mesa ang bolpen at papel. Bago itong pagninilay-nilay
(Waring nahuhulog sa gitna ng Milky Way, pabulusok
sa heksagonong mundo, pira-pirasong katanungan sa sarili)
inihanda ko ang tasa, kutsarita, saka kinuha sa tokador
ang asukal (na nilalanggam) at alak. Habang hinihintay
na magkabuhay sa takore ang malamig na tubig. Dinig ko

ang kundiman ng buwan sa iniirog niyang planeta, ang serenata
ng kometa sa araw, ang tagulaylay ng matter sa katipan nitong antimatter
ang nakabibighaning bahaghari ng pulsars at quasars

sa gitna ng karagatan ng dilim. Isipin natin, magkaharap kami
ni pareng Woody, tomotoma; usapang siyensya at eksistensiya.
Batuhan ng paniniwala, pagtatanong. Pagkilala.
Takot. Alinlangan sa sarili. Desilusyon.
Isusumbat niya: maituturing na protozoa lamang ang tao
na patuloy sa paglangoy sa dagat ng kontradiksiyon at balighông buhay.

Maya-maya pa’y mainit na ang ulo ng takore, nagmumura ng usok.
Naglagay ng kaunting asukal (minura ang mga buwisit na langgam) at alak
sa tasa. Habang nagtitimpla’y patuloy na nagsalita si pareng Woody:

“Seks at kamatayan. Ito lamang ang mga tunay na ganap,
gaano man natin naisin ang buhay bilang sistema,
matutupok ang pisika sa apoy at libog,
malulunod ang matematika sa tubig at kamatayan.”
Nakangisi. Parang mersenaryong bumali sa karit ni Kamatayan.
Paano ko tatanggapin ang kaniyang sinasabi?

Iniabot ko sa kanya ang mainit na alak. Hinipan. Tumikim.
“Dude, kinakahon mo ang buhay sa seks at kamatayan.
Hindi ito maaaring maging absolutong sagot sa lahat ng katanungan.”

Uminom. Parang shot lang.
Itagay mo, dude.
“Hindi maaaring husgahan sa itim o puti ang pagtuklas sa sarili.
Sa buwan, araw, mga bituwin at planeta, maging ang grabedad.
Maaari, pagsayaw ito sa alambre, ngunit kaakibat ng sinasabi mong balintuna
ang pagkamangha ng tao sa misteryo.”

“Saan tayo dadalhin ng pagkamangha? O maaaring takot, sa misteryo.
Sinabi na sa inyong epiko, darating si Minokawa. Walang habas
niyang kakainin ang buwan, ang lahat, maging ating agam-agam.

Inimbento ng tao ang palakol, itak, kutsilyo, makina, at kompyuter.
Nabuhay siyang pinakamataas sa food web. Nilisan ang buhay sa Africa,
natagpuan ang sariling gumagawa ng apoy sa ilalim ng dilat na buwan.
Nagtayo ng gusali at obserbatoryo upang pasubalian, patunayan ang mga aral
nina Plato, Democritus, Archimedes Copernicus, Kepler, Faraday,
Newton, at Einstein. Ngunit ano ang nilikha ng tao?

Bundok ng basura. Reality show.
Sino ang kaniyang sinasamba? Si Big Brother.
Pornograpiya ng pagmamalabis ang ating sibilisasyon.”

Itagay mo, dude! Estilong round robin.
“Huwag mong kalimutan na isang sibilisasyon tayo
sa patuloy na pagkamangha. Sa musika at galaw ng planeta,
sa sayaw ng numero at lawak ng uniberso. Hinuhusgahan natin
ang ating sarili ayon sa pagiging matapat natin sa karunungan.
Saan tayo patungo? Alisin mo sa akin ang alinlangan

at mawawala sa akin ang lahat. Mauumay si Minokawa
kapag kinain niya ang buwan at kung libog lamang
ang tumpak na sagot sa misteryo ng buhay.”

“Nang unang silipin ng tao ang hugis ng buwan
Ano ang nakita niya? Isang nakahubad na diyosa at kumakaway
O isang sanggol na natutulog sa lumilipad na duyan?
Mga bata tayong nagpapalipad ng eroplanong papel
Hanggang sa dulo ng solar system upang balikan lamang ang tanong
Hinggil sa ating mga sarili. Tanong na maaaring walang katapat na kasagutan.

“Dude, kaya pa?”
“Kaya pa…isang round ulit. Itagay mo, dude!”
“Cheers.” “Cheers!”

Habang naghahalo, iniisip kong isang cosmos ang umaalon-along alak.
Sa ibabaw nito’y may isang mandaragat na lumalangoy.
Saan siya papunta? Habang buhay bang lalangoy ang mandaragat
sa batas ng lohika? Nasaan ang pampang na magbibigay sa kaniya ng pahinga?
Bakit siya patuloy sa paglangoy sa kabila ng nararanasang
balintuna laban sa lohikal na mundo?

Tumayo si pareng Woody. Binuksan ang ref.
“Lasing ka na ‘ata, dude.” “Kuha lang ng yelo. Taragis! May nalalasing ba dito?”
“Lintek na nihilist! May balak pa yatang gawing asukal ang yelo!”

Ver. 2
7 November 2011