Sa puntod ni tatay, ang marshmallow, at ilang salaysay ukol sa usapang mag-ama

Wala akong memorya tungkol sa tatay ko, maliban na lamang sa salaysay ni nanay tungkol sa marshmallow. Gusto kong hawakan ang salaysay na iyon ni nanay. Kahit may alinlangan ako ngayon. Gusto kong sabihin sa aking sarili na nagkaroon ako ng tatay, kahit estrahengro siya sa akin hanggang sa gunita.

Isang taon pa lamang ako noon nang mamatay si tatay. Buntis pa lang noon si nanay kay ading, eksaktong dalawang buwan pagkatapos ng araw ng pagkamatay ni tatay. Minalas na mabagsakan ng malaking bulalakaw nang minsang manguha ng ngipin ng kidlat. Hayun, patay! Ang kuwento ni nanay, paborito ko ang marshmallow at iyon ang laging pasalubong ni tatay sa akin galing ng trabaho. Tinanggap ko ang salaysay ni nanay. Hanggang ngayon. Kahit wala akong maalala. Kahit di ko na maalala ang tamis ng marshmallow noong bata ako. Anong kulay kaya ang paborito ko? Bakit ko nagustuhan ang marshmallow samantalang maganda lang siyang dekorsyon sa nakatusok na hotdog?

Sa harap ng puntod ni  tatay, habang nililinis ang kaniyang lapida, gusto kong tibagin ang nitso niya, gusto kong silipin ang loob, makita si tatay, marami akong gustong sabihin sa kaniya. Ano kayang makikita ko sa loob? Kalansay, bungo, ngipin at buhok na di naagnas, dilim? May pasalubong kaya siyang marshmallow sa akin? Gusto kong mag-usap kami  ng ama at anak. O kung inaantok pa siya mula sa pagkakahimbing nang matagal, magsuntukan na lang kami,  lalake sa lalake. Bawal sa mukha.

Paano mo sinuyo si nanay? “Mala-shakespeare ka pala noon, nabasa ko yung mga sulat mo para kay nanay. Naks. Ikaw na ang lover boy! Baka katusan mo pag sinabi kong wala akong tiyagang manuyo ng babae.” “Bakit ano ba ideal girl mo?” “‘Yung kamukha po ni Maria Ozawa.”

Gusto ko siyang makasama sa inuman, kahit mani at kuwento lang ang pulutan. “‘Tay, ano bang magandang diskarte sa babae? Iyong diskarteng tunay na lalake po a!” Nakaka-ilang pale pilsen kaya si tatay bago siya patumbain ng alak? “Anak, bote lang ang natutumba hindi tayo.”

Ano kayang pangarap ni tatay? “Sabi ni nanay, gusto mo raw akong maging doktor? Sigurado kayo?” “Bakit anak, ano bang gusto mo paglaki mo?” “‘Tay naman, malaki na ako.” “Marami na po akong karanasan sa babae.” “Dapat ang una mong matutuhan sa buhay ay kung paano igalang ang mga babae.” “Aysus! Your the man!”

“Seryoso ‘tay, ano bang magandang diskarte sa buhay?” “Alam mo noong pakasalan ko ang nanay mo, hindi ko naman inisip kung tama o mali ang desisyon ko.” “Asus, one pogi point na naman.” “E ano ginawa niyo?” “Nanood ng How I met Your Mother.”

“Ano bang ginagawa mo ngayon?” “Nagsusulat po.”

“Makata ka pala.” “Hindi po. Nagmamakata.”

“Bakit parang di ka sigurado?” “Sigurado po.”

“Ang pangalawang dapat mong matutuhan ay magkaroon ng lakas ng loob! At huwag na huwag mong pagsisihan ano man ang maging desisyon mo sa buhay.” “Weh! May ganun?”

“Pabasa nga ng gawa mo.” “Wala pa po akong naisusulat.” “Bakit wala pa?” “Nahihirapan po akong magsulat. Baka hindi niyo magustuhan.” “Baka tungkol lang ‘yan sa libog at kay Maria Ozawa.” “Lol.”

Gusto kong itanong sa kaniya kung proud kaya siya sa akin. Kahit hindi ako naging doktor, inhinyero, mayamang-mayamang pulitiko, sundalo, manedyer sa bangko, obigayni o kosmonot.

“Tandaan mo anak na higit sa pangarap ay ang kakayahan mong managinip, hawakan ito bilang bisyon mo sa buhay. Ito ang ikatlong tamang diskarte sa buhay. Sabi nga ni Steve Jobs, everything else is secondary.” “Ayun o! Nagkita kayo?”

Gusto kong magpasalamat kay tatay. Nabuhay ako sa kuwento ng marshmallow, mabubuhay ako dahil sa kuwento. Dahil sa kuwento ng marshmallow, isinisilang ang makata sa tadyang ng kaniyang ama.

Advertisements

Pagkatapos ng Melancholia*

Ilahas na supling mula sa langit, sa hanggahan at bituwin, sa bahaghari ng supernova at dilim, darating ang huling gagambala sa ating malay. Saglit tayong mamamangha sa imahen ng puting kabalyero, masisilaw ang ating bait sa tumatahak na kinang ng dibinong bughaw sa panganorin.  Wawasakin ang ating pagmamadali. Wala tayong malay sa katotohanan. Bababa ang puting salot upang tupdin ang huling atas. Ang pag-iisang dibdib ng konstelasyon at grabedad, ang sayaw ng planeta sa ating balintataw, ng hangin at ating hininga, ng ating katawan at alabok.

Siya ang tiwaling propeta na huling pupukaw sa ating malay.

Narito ang hanggahan ng ating pasubali. Ang digma ng desilusyón at lohika ng pagtapak natin sa lupa. Hahatiin niya ang wala sa lahat, sa pagitan ng lamig at apoy, ng ating pangungulila at salaghati, sa panganorin at karagatan, ng panahon at kamatayan, sa dilim at liwanag. Saglit tayong maiidlip sa gunita. Hahawakan natin ang sandali. Kahit ang pag-ibig.  Wala tayong malay sa katotohanan. Itataboy natin ang uwak na umaalialigid sa ating ulunan. Pilit nating tatalikuran ang nakaambang gunam-gunam. Ayaw nating huminga sa takot. Patuloy tayong lilihis sa bisyon ng pag-ulan ng apoy. Wala sa ating agam-agam ang gumuhong tahanan at gusali at siyudad, ang abo ng ating mga anak at kamag-anak at kaaway. Wala sa ating ulirat na maililibing na walang kabaong, ang malimot sa malawak na hukay ng kitil na pangarap, ang walang nakatarak na kurus sa libingan ng pangakong pag-ibig at panalangin. Ganito tayo humihinga. Kahit nakahimpil ang ating diwa sa karukhaan ng ating kaluluwa.  Sa huling pikitmata, sa pagtatama ng bughaw na planeta sa ating malay, maglalaho ang lahat hindi ang ating pagdududa:

Kung tayo ay nakondenang mag-isa at inuuod na bungo ang ating lumbay.

__________

*isang rogue planet na tumama at nagwasak sa mundo. Mula sa pelikulang Melancholia (2011), direksiyon ni Lars Von Trier.

Berkákan

Umaawit ng dániw
Si lelong sa harap ng makinilya
Habang nagsasalaysay ng lidáy
Ang marurupok na dingding ng aming kalapáw
Sa usok ng kaniyang tabako,
Sa simoy ng hangin mulang dalampasigan
Na kumakapit na asin sa aking balat.
Sa dulo ng pag-awit ni lélong,
Tahimik na ituturo ang taáw.
Sinusukat ang saligway.
Anong lihim mayroon ang baybay?

“Nasa nakangangang berkákan ang iyong ayát.”

Humihinga ang huling awit ni lélong
Sa harap ng kompyuter. Humahampas na alon
Sa balintataw ang paglubog-paglitaw
Ng cursor. Ligaw na buhangin sa keyboard
Ang naipong alikabok, ramdam ang álat
Sa aking namamawis na palad. Dinadalaw
Ng amoy ng tabako mula sa usok
Ng sigarilyong kumakapit sa kisame, sa pader,
Hanggang sa aking mga lumang aklat.

“Kailangan mong isuko ang iyong sarili sa nakangangang berkákan.”

Paano ko papaniwalaan si lélong
Na kaya niyang sisirin ang baybáy.
Tinutubuan ba ng palikpik,
Nagkakaroon ng hasang
Sa harap ng makinilya?

Kahit sa huling hininga niya
Paulit-ulit na isinasalaysay
Ang partáan at ayát sa baybáy.

“Sisirin ang lalim ng lágip nang malikom ng ayát ang iyong kalansay.”

Lunod sa takot, pagdududa
At sariling kahinaan sa harap ng kompyuter. Ako
Na walang lason ang talampakan, naduduwag
Na lumusong maging sa tahimik na karayán;
Nauutal sa pagbigkas ng ayát at álat,
Ladíngit at asin, álon at partáan; paano muling
Mabubuhay mula sa pagiging kalansay?

Sa gitna ng mga titik, daluyong na linya sa virtual na papel,
Nakangangang berkákan ang liwanag ng iskrín.

______

(Ilan sa mga salitang ginamit ay ilokano)

Talasalitaan:

Ayát – Pag-ibig; Baybáy – Dagat; Dániw – Tula; Kalapáw – Kubo; Karayán – Ilog; Ladíngit – Pighati; Lágip – Gunitâ; Lélong – Lolo; Lidáy – Pighati; Partáan – Sagimsim;Táaw – Laot.

Ilang salaysay hinggil sa batibat

1.
Nakasilid sa burnay ang batibat.

2.
Inakala ng lahat ang wakas.

3.
Hahalik ang ngitngit ng langit sa lupa,

4.
Kinabukasan, nagising silang walang maalala.

5.
Nagpatuloy ang lahat sa kanilang gawain.

6.
May nagpakasal ng umagang iyon,

7.
Dumalo sa piging;

8.
Bumili ng bulaklak,

9.
Nagdiwang ng kanilang ika-dalawampung anibersaryo,

10.
Kumain sa mamahaling restawran,

11.
Nagpalitan ng pagmamahal;

12.
Nangako ng pag-ibig hanggang wakas.

13.
Walang nagutom na anak o inang pumatay ng anak dahil sa gutom,

14.
Walang nagpaalam na ina o ama sa kanilang mga anak.

15.
Walang gumuhong tahanan;

16.
Naglaho ang liday sa lupa.

17.
Sa wakas ang ligaya wala nang wakas.

18.
Nakasilid sa burnay ang batibat.

19.
Walang nanalangin noong gabi bago ang umaga,

20.
Maliban lamang sa batang nawalan ng boses kinaumagahan.

21.
Nagtaka ang ama. Paano naging pipi ang kaniyang anak?

22.
Kuwento ng ama sa anak:

23.
Isang kakatwang nilalang ang batibat. Kaparis ng duwende.

24.
Dinadalaw sa pagtulog

25.
ang makukulit na bata na ayaw sumunod sa magulang,

26.
Dumadagan sa kanilang dibdib, sinasakal

27.
Ninanakaw ang mga panaginip

28.
Binabangungot.

29.
Lingid sa ama, lumalaboy na ang anak

30.
Tumatalon sa iba’t ibang panaginip

31.
Lumilipad sakay ng puting kalabaw,

32.
Kumikinang ang espadang patpat sa likod,

33.
Nakatanim sa kaniyang diwa ang alingawngaw ng kulog,
Naka-kuwintas na ngipin ng tigre ang ngitngit ng kidlat.
Nakaburda ang kapangyarihan ng hangin at tubig
sa kaniyang buong katawan. Fatek na hugis lawin at ahas-dagat.

34.
Nakatali sa mahiwagang lubid ang ginintuang burnay sa baywang,

35.
Mandirigmang tagabantay sa ating panagimpan.

36.
Naniniwala siya sa kuwento ng ama

37.
Paano maniniwala ang ama sa kuwento ng anak?

38.
Ang kapangyarihan sa pagkawala ng kaniyang boses.

39.
Ang batibat na nakakulong sa burnay.

40.
Isuko ang sarili ang nakatakdang tagapagligtas.

*Burnay – tapayang yari sa luad, buhangin, abo, at pinong graba; malalaki at matambok ang katawan; at makipot ang bunganga.