Ang Lalaking Dinalaw ng Regla


Walang pekpek, puro pakpak. 

– Jerry B. Gracio

Ito marahil ang sumpa ng paghalik sa pakpak ng panganorin. Nagising siya sa kalaliman ng gabi na dinadalaw ng regla. Kabilugan ng buwan nang maramdaman niyang sumasakit ang kaniyang puson. Alumpihit sa pagkakahiga at kaybigat ng kaniyang nararamdaman, waring nakabaon sa lupa ang kaniyang dibdib. Hinanap niya ang kaniyang sarili, tinitigan ang kisame, hinagkan ang lamig ng unan at kumot, sumulyap sa mesa na kinalalagyan ng kaniyang mga aklat at burador. Nalulula siya sa mga nagkalat na papel.

Bumangon siya, hinubad ang damit at humarap sa bintana. Sinuklay ng daliri ang puting buhok. Salamat at hindi humaba. Hinawakan ang kulobot na dibdib, nilapirot nang marahan ang utong. Nakahinga siya ng maluwag nang maramdamang hindi naging hugis papaya ang kaniyang suso. Kinapa niya ang kaniyang titi, ang luslos na bayag. Walang nagbago. Ngunit ano itong malansang dugo na umaagos sa gitna ng kaniyang mga hita? At hindi pula kundi itim!

Kasing itim ng gabi.

Patuloy ang pag-agos ng itim na dugo. Binuksan niya ang bintana, pinagmasdan ang buwan na nakabalot sa itim na pelus, at nang pumasok ang lamig sa kaniyang kuwarto, anong init ng hangin ang gumapang sa kaniyang buong katawan.

Sa saligway nakita niyang kumakaway ang Diwata ng Panganorin at uwak itong dumapo sa kaniyang balintataw.

Naglalakad siyang nakalutang sa hangin; palabas sa masukal na gubat, palapit sa Diwata ng Panganorin.

Isang salamin ang gitna ng gubat. Sa kaniyang harapan, isang anino na may mapuputing mata at bibig ang Diwata ng Panganorin. May pakpak na kasing lapad ng gabi at kulay-balahibo ng uwak. Butas ang naa gitna ng kaniyang hita, hugis-buwan, at naglalagos doon ang liwanag.

“Tumanda akong hindi nasumpungan ang aking hinahanap,” ang sabi ng lalaki.

“Ano ang gusto mong malaman,” tanong ng Diwata ng Panganorin.

“Nais kong malaman kung nasaan ang libingan ng mga babaeng naging biktima ng digmaan, ng karahasan, ng mga naging sawi sa pag-ibig at kalungkutan,” ang mabilis niyang tugon.

Lumipad ang Diwata ng Panganorin. Ikinampay ang pakpak sa kalangitan. Umawit ang hangin, lumakas nang lumakas hanggang lumutang sa ulap ang lalaki. Sa isang iglap, naging tulos ang mga balahibong-uwak, isa-isang pumana at bumaon sa kaniyang dibdib.

Naging isang nilalang sila ng Diwata ng Panganorin sa sinapupunan ng gabi.

Bago malagutan ng hininga, sa kauna-unahang pagkakataon, nakita niyang hinugot ng Diwata ng Panganorin mula sa kaniyang tadyang ang ladingit ng kaniyang ina.

Itim na plumaheng isinasayaw ng hangin. Malayang bumabagsak sa lupa.

______________________________

Ladingit – Pighati

Advertisements

6 thoughts on “Ang Lalaking Dinalaw ng Regla

  1. monik,

    panganorin – alapaap, kalangitan.

    masyadong pormal ang “sir” madam. apat tasang kape at isang kahang yosi ang katumbas niyan. hehe. Kapatid, sulat lang nang sulat. Sabi nga ni Rio Alma, “ang pagsusulat daw ay parang pagkumpuni ng sasakyan.” Kailangang ayusin ng ayusin. Pakinisin para lumabas ang kagandahan ng isang akda. Sa totoo lang, nakailang revise ako sa tulang ito (version 2 na ito) at hindi natanggap nang ipasa ko para sa mga koleksyon ng tula ilalathala ngayong taon. Sa tingin ko marami pang kulang dito, kailangang ayusin, tignang mabuti. Pero ngayon masaya na ako sa kinalabasan.Saka ko na aayusin. kailangan ko ng bagong ideya, bagonng perspektib para sa mas lumabas talaga ang gusto kong sabihin.

    ang dami kong sinabi. hehe. Magandang araw!

    Mikael

    • San po kayo nagpapasa ng Koleksyon ng mga tula?
      Tska sir pambihira naman yang mga sinusulat nyo pang ibang level. (^__________^) Sir nalang po, respeto po iyon. mehehe~
      Salamat po sa inyo, naiinspire tuloy ako magsulat lalo kahit iba tong istilo ko (kunwari may istilo ako hahaha feeling)

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s