Harana

Naglatag ng banig
ang gabi
nang dumungaw ka
sa bintana, sinta.

Hinaplos
ng daliri ang gitara,
umawit ng pagsuyo,
pagsinta.

Nang mamulaklak
ng rosas
ang aking dibdib,
namimitas ng halimuyak
ng pag-asa ang aking palad
ay saka mo diniligan ng arenolang-ihi;
at kabalyero akong umuwi
sakay ng kabayong patpat,
bitbit ang pag-ibig
na kinagat ng aso niyong si Dylan.

Ang Lalaking Dinalaw ng Regla

Walang pekpek, puro pakpak. 

– Jerry B. Gracio

Ito marahil ang sumpa ng paghalik sa pakpak ng panganorin. Nagising siya sa kalaliman ng gabi na dinadalaw ng regla. Kabilugan ng buwan nang maramdaman niyang sumasakit ang kaniyang puson. Alumpihit sa pagkakahiga at kaybigat ng kaniyang nararamdaman, waring nakabaon sa lupa ang kaniyang dibdib. Hinanap niya ang kaniyang sarili, tinitigan ang kisame, hinagkan ang lamig ng unan at kumot, sumulyap sa mesa na kinalalagyan ng kaniyang mga aklat at burador. Nalulula siya sa mga nagkalat na papel.

Bumangon siya, hinubad ang damit at humarap sa bintana. Sinuklay ng daliri ang puting buhok. Salamat at hindi humaba. Hinawakan ang kulobot na dibdib, nilapirot nang marahan ang utong. Nakahinga siya ng maluwag nang maramdamang hindi naging hugis papaya ang kaniyang suso. Kinapa niya ang kaniyang titi, ang luslos na bayag. Walang nagbago. Ngunit ano itong malansang dugo na umaagos sa gitna ng kaniyang mga hita? At hindi pula kundi itim!

Kasing itim ng gabi.

Patuloy ang pag-agos ng itim na dugo. Binuksan niya ang bintana, pinagmasdan ang buwan na nakabalot sa itim na pelus, at nang pumasok ang lamig sa kaniyang kuwarto, anong init ng hangin ang gumapang sa kaniyang buong katawan.

Sa saligway nakita niyang kumakaway ang Diwata ng Panganorin at uwak itong dumapo sa kaniyang balintataw.

Naglalakad siyang nakalutang sa hangin; palabas sa masukal na gubat, palapit sa Diwata ng Panganorin.

Isang salamin ang gitna ng gubat. Sa kaniyang harapan, isang anino na may mapuputing mata at bibig ang Diwata ng Panganorin. May pakpak na kasing lapad ng gabi at kulay-balahibo ng uwak. Butas ang naa gitna ng kaniyang hita, hugis-buwan, at naglalagos doon ang liwanag.

“Tumanda akong hindi nasumpungan ang aking hinahanap,” ang sabi ng lalaki.

“Ano ang gusto mong malaman,” tanong ng Diwata ng Panganorin.

“Nais kong malaman kung nasaan ang libingan ng mga babaeng naging biktima ng digmaan, ng karahasan, ng mga naging sawi sa pag-ibig at kalungkutan,” ang mabilis niyang tugon.

Lumipad ang Diwata ng Panganorin. Ikinampay ang pakpak sa kalangitan. Umawit ang hangin, lumakas nang lumakas hanggang lumutang sa ulap ang lalaki. Sa isang iglap, naging tulos ang mga balahibong-uwak, isa-isang pumana at bumaon sa kaniyang dibdib.

Naging isang nilalang sila ng Diwata ng Panganorin sa sinapupunan ng gabi.

Bago malagutan ng hininga, sa kauna-unahang pagkakataon, nakita niyang hinugot ng Diwata ng Panganorin mula sa kaniyang tadyang ang ladingit ng kaniyang ina.

Itim na plumaheng isinasayaw ng hangin. Malayang bumabagsak sa lupa.

______________________________

Ladingit – Pighati

Ispeysyip

Naligaw sa lungsod si promding Cachupoy.
Estranghero’ t anak ng dagat, nilangoy
Ang kan’yang pangarap, doo’y maglulunoy.
Kahit sagwan lamang ang dalang burloloy.

Lumalaot ang tren sa riles: kay lawak
Kay layo, kay haba at di-napipigtas.
Ay hanep na bangka! EDSA’y nilalayag—
Modernong speysyip, hindi lumilipad.

Sumakay ang promdi sa mundong masikip,
Kalayaang sadya’t nais— di maumit;
Hawak na tampipi’y ‘sang sagwan sa higpit:
‘Wag sanang mawala; Ay, ‘wag ipapitik!