Panuntunan ng Laro para sa Babaeng Iibig sa Tunay na Lalaki


(Pagkaraan kay Gioconda Belli) 

Ang babaeng iibig sa akin
ay dapat may marurungis na kasukasuan
na handang lumaban para sa kaniyang sarili.
Sasama sa aking maglakbay kahit sa nasusunog na dagat.
Lumakad siyang walang sapin sa paa
at hindi mahihiyang ipakita ang mga sugat,
dala ng kaniyang salaghati at panagimpan.

Ang babaeng iibig sa akin
ay dapat nanlilimahid ng libag ang kaniyang hita
na handang lumaban para sa kaniyang sarili.
Kaniyang hinuhubog sa lawak ng pangarap;
hinuhulma ang tindig maging sa bawat agam-agam.
Nakahandang isuko ang sarili
sa bawat posibilidad at hiwaga sa daigdig.

Ang babaeng iibig sa akin
ay dapat kinukulubot ang kaniyang puson
na handang lumaban para sa kaniyang sarili.
Siya bilang payapang kumot kahit sa nababagabag na kama.
Siya na magiging balabal ko sa aking pamamaluktot,
makikiramay sa bawat hininga at init ng aking luha;
pansanggalang laban sa lamig ng paglilimayon.

Ang babaeng iibig sa akin
ay dapat may masidhing paghanga
at pagkilala sa sarili bilang si Maganda,
taglay niya ang mataimtim na pananalig
sa kaniyang sariling kaakuhan.
Iniibig ako bilang si Malakas
na nalalampa at nadadapa kahit sa panaginip.

Ang babaeng iibig sa akin
ay dapat laylay ang kaniyang mga suso
na handang lumaban para sa kaniyang sarili.
Dalawang buwan siyang saksi sa aking paghaharaya.
Humahalik ang liwanag sa hungkag kong dibdib
na nababalutan ng mga itim na ulap:
mga ligalig at pananampalataya.

Ang babaeng iibig sa akin
ay dapat salamin ng paninindigan ang mukha
at hindi isang silweta ng karukhaan ang kagandahan.
Sa aking kabaliwan, may samyo ng tiwala ang kumakaway na buhok;
Sa aking kahinaan, may titig-sanghaya ang matang gumagalang;
Sa aking kasawian, may lambing ang labing handang humalik.

Ang babaeng iibig sa akin
ay kinikilala ang pag-ibig na isang biyak na kawayan.
Kung lumipad man siyang mas matayog kaysa akin;
Kung sumisid man akong mas malalim kaysa sa kaniya
Magmamahalan kami bilang si Malakas at si Maganda—
Sa pag-ibig na walang kapangyarihan o kasarian,
Sa pangarap na pinaghihiwalay ng sariling lunggatì.

Ver. 1

Basahin dito ang The Man Who Loves Me.

 

Advertisements

2 thoughts on “Panuntunan ng Laro para sa Babaeng Iibig sa Tunay na Lalaki

  1. Ang babaeng na nagtataglay ng X ang hinahanap mo.

    Marami na ngayon ang naglipanang mga kababaihan na maaaring iyong maibigan din.

    Mga babaeng taglay ang mga katangiang susukli kung hindi man papantay sa iyong pamantayan.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s