Tinig ko man ay maging lihim maging sa iyong panaginip

Ikaw ang dahilan kaya masarap maligaw sa panaginip
Dahil diwata kang dapat masumpungan sa paghahanap ng sariling tinig

Ang maligaw sa lawas ng mga pahina ay kaganapan ng aking tinig
Matagpuan ang sarili sa rabaw ng panaginip

Ikaw ay nasà na dapat masumpungan sa pananaginip
Humihinga sa bawat pahina, hininga ng aking tinig

Ito ang buod ng aking tinig
Ang maisulat ang pangalan mo sa aking panaginip

Mailap ka man sa aking panaginip
Laya kang nililiyag, isiisigaw ng aking tinig

Liyag man akong ayaw mong mabatid at walang tinig
Sa iyong pananaginip, liyag kang isinisigaw ng aking panaginip

Nililingap ka ng aking panaginip
Ikinukulong ang iyong pangalan sa laya at nasa ng aking tinig

Magiging inmortal akong nililigawan ka ng mortal kong tinig
At diwata kang naliligaw sa aking panaginip

Tinig ko man ay maging lihim maging sa iyong panaginip

Ver. 2

Kasukdulan

Ikaw ang aking ego.
Bakal na nakatutok
sa aking sentido.

Saan ako dadalhin ng putok.

Maglalaho ang lahat:

Oras.

Pag-ibig.
Kasaysayan.

Sa dulo ang Dilim,
Makikita ang Diyos
Na isang uwak,
O Kimera, depende sa hugis
Ng aking kaluluwa.

Marahil,
Isang birhen
Na naghihintay sa akin.
Magniniig kami
Sa bahagharing Uniberso
Hanggang kasukdulan, sa dulo:

Nananatiling nakahawak sa gatilyo.

Kay Salome*

Nakatirik na matanawing kubo sa pampang ng tahimik na lawa ang iyong paghihintay. Naging panata ko na ang batiin ang tahimik na lawa sa tuwing bumabati sa akin ang takipsilim at patlang lamang ang namamagitan sa amin. Hindi mapakali ang mumunting pulang bulaklak ng camantigui at maravilla na sumisibol sa aking paanan. Namamanhid sa pagkasabik sa piling ng iyong talampakan ang mga di-tabas na batong buhay na nagsisilbing hagdanan pababa sa lawa. Sa tuwina, dinadalaw ako ng halimuyak ng nakabiting ilang-ilang sa nakabukas na bintana, waring sinasabing hindi nakakalimot sa pag-usal ng panalangin ang nipa at kabonegro habang nagsasalaysay ng pagkapagod ang mga humahapong tandang at inahin sa aking pulupo sa bubungan. Ano ang sinasabi ng lawa habang nakatanaw ang lumbay sa may bantalan? Wala siyang nakikita o naririnig maliban lamang sa sawimpalad na panata. Nagpapakilala bilang katipan, dumarating at dumadalaw. Ngunit bago pa man maibaba ang mga dala-dalang bigkis na panggatong at buwig ng saging, paulit-ulit nang bumabalik ang mga yabag ng pamamaalam.

*Unang binasa sa LIRAhan, sa pagdiriwang ng ika-150 kaarawan ni Dr. Jose Rizal. 

Panuntunan ng Laro para sa Babaeng Iibig sa Tunay na Lalaki

(Pagkaraan kay Gioconda Belli) 

Ang babaeng iibig sa akin
ay dapat may marurungis na kasukasuan
na handang lumaban para sa kaniyang sarili.
Sasama sa aking maglakbay kahit sa nasusunog na dagat.
Lumakad siyang walang sapin sa paa
at hindi mahihiyang ipakita ang mga sugat,
dala ng kaniyang salaghati at panagimpan.

Ang babaeng iibig sa akin
ay dapat nanlilimahid ng libag ang kaniyang hita
na handang lumaban para sa kaniyang sarili.
Kaniyang hinuhubog sa lawak ng pangarap;
hinuhulma ang tindig maging sa bawat agam-agam.
Nakahandang isuko ang sarili
sa bawat posibilidad at hiwaga sa daigdig.

Ang babaeng iibig sa akin
ay dapat kinukulubot ang kaniyang puson
na handang lumaban para sa kaniyang sarili.
Siya bilang payapang kumot kahit sa nababagabag na kama.
Siya na magiging balabal ko sa aking pamamaluktot,
makikiramay sa bawat hininga at init ng aking luha;
pansanggalang laban sa lamig ng paglilimayon.

Ang babaeng iibig sa akin
ay dapat may masidhing paghanga
at pagkilala sa sarili bilang si Maganda,
taglay niya ang mataimtim na pananalig
sa kaniyang sariling kaakuhan.
Iniibig ako bilang si Malakas
na nalalampa at nadadapa kahit sa panaginip.

Ang babaeng iibig sa akin
ay dapat laylay ang kaniyang mga suso
na handang lumaban para sa kaniyang sarili.
Dalawang buwan siyang saksi sa aking paghaharaya.
Humahalik ang liwanag sa hungkag kong dibdib
na nababalutan ng mga itim na ulap:
mga ligalig at pananampalataya.

Ang babaeng iibig sa akin
ay dapat salamin ng paninindigan ang mukha
at hindi isang silweta ng karukhaan ang kagandahan.
Sa aking kabaliwan, may samyo ng tiwala ang kumakaway na buhok;
Sa aking kahinaan, may titig-sanghaya ang matang gumagalang;
Sa aking kasawian, may lambing ang labing handang humalik.

Ang babaeng iibig sa akin
ay kinikilala ang pag-ibig na isang biyak na kawayan.
Kung lumipad man siyang mas matayog kaysa akin;
Kung sumisid man akong mas malalim kaysa sa kaniya
Magmamahalan kami bilang si Malakas at si Maganda—
Sa pag-ibig na walang kapangyarihan o kasarian,
Sa pangarap na pinaghihiwalay ng sariling lunggatì.

Ver. 1

Basahin dito ang The Man Who Loves Me.