KM2: Awit ng Basilisko


Babala, huwag akong titigan. Huwag.

Sinasabi ko, may kamandag na hatid ang aking paningin. Nakalalason ang aking hininga. Walang nakaliligtas sa akin, alipin man, mandirigma, o maharlika. Maging sa ibang mundo kasama ang mga diwata, batibat, manananggal, tikbalang, at tiktik;  at maging sa kakaibang mundo nina Alunsina at Tungkong-Langit, lahat ay nagiging bato oras na masilayan

ang aking makamandag na paningin.

Gumagapang akong ilahas na sumpa.  Ahas na lumilipad at tumutuklaw sa salimbay ng bawat pantasya, panaginip, at partaan. Tahimik akong tumatawid sa yungib ng pag-iisa hanggang sa mala-disyertong romansa at natutuyong hardin na nadidiligan lamang ng panibugho at kapusukan.  Sa  nakalalasong hininga at paningin, nabibihag ko ang munting adhika ng magsing-irog at nagagawa kong bato ang kanilang banal na sumpaan.

Sinasabi ko, ang karuwagan ay inmortal. Luwalhati ang mabuhay na isang duwag.

Sapagkat nakamamatay ang kapusukan. Nakamamatay ang magpatag ng kabundukan, upang ipunin sa iyong dibdib ang kaniyang halimuyak at panagimpan. Nakamamatay ang lumakad na walang sapin sa paa, nagnanana ang sugat sa tuhod, habang ang kulay-bughaw na peklat ay parang talulot na hindi malanta-lanta sa sugatan mong dibdib. Nakamamatay ang mangako ng tulay na magdurugtong sa langit at karagatan, ang lumakad sa ibabaw ng tubig-alat nang hindi malulumot ng dikya ang iyong buong katawan at malalanggas ng alat at asin ang iyong inaagnas na dibdib. Nakamamatay ang maghintay sa panganorin, humiga sa ulap, at hintayin ang sarili na dalawin ng antok, ang hawakan sa iyong palad ang kariktan at mahika ng damdamin na napupuyat at nangangalumata sa pananaginip.

Ano at inuukit mo hanggang sa kuyukot ang sanghaya ng iyong katipan. Inaawit ang kaniyang pangalan, ang hapdi at tamis ng di-malimutang pulot-pukyutan na lambingan, at ang nakabibighaning halinghing ng kaniyang maalindog na katawan. Ang lahat ng ito ay parang kutsilyong  nakatarak sa iyong katawan.

Ano at nahuhulog ang iyong dibdib sa malalim na hugot ng lugami at kalungkutan—

sa alingawngaw ng salaghati at alaala na hinuhugot kahit ang lalim ng iyong buntonghininga.

Sinabi ko na, ikaw na pangahas at may

nasang tumitig sa aking kamandag,  magiging bato ka sa nasa

salamin ang wagas na pag-ibig.

(Salamat kay essa sa pag-iimbita sa akin  sa Kamalayang Malaya 2. Kampay!) 

Advertisements

22 thoughts on “KM2: Awit ng Basilisko

  1. napatunayan kong hindi sapat ang babala para sa nais tumitig sa mata ng basilisko. kung kuryosidad ay sumpa, ang magiging bato ang lahat ng nais makatunghay ng katotohanan sa likod ng alamat.

    nakuha ko man lang sana kahit bahagya ang kahulugan ng tula.

  2. Nakakapagtaka na halos lahat ng blog na nabisita ko ngayong araw na ito ay may dikya sa kanilang post. Anong meron?

    First taym here. Musta na Solopika?

    • salamat! Hindi ko na iniisip kung mananalo ako. Ang mas mahalaga sa akin mga bagong kaibigan na naniniwala at patuloy na naniniwala sa pagsusulat at sa ating wika. (Naks! may ganun pala. hehe)

  3. sadyang mapanganib ang pag-ibig, kung minsa’y nagdudulot talaga ng kamatayan.. una kong nabasa ang basiliko sa florante’t laura.. sana tama ako ng intindi sa napakalalim na pagpapahayag ng iyong damdamin… 🙂

    • pag sinabi mo bang “alamat” yung may pakpak, dalawa ang ulo, at may buntot ng kabayo? hehe.

      ang pag-ibig parang ilog, tahimik, malalim…hehe

  4. Paulit-ulit ko itong binabasa.
    Nagpapahiwatig ng pag-ibig, masarap man o mapait, pag-ibig pa rin ang siyang pinag-uugatan.

    Maraming bagong salita ang aking natutunan sa iyong akdang ito Boss.

    Bagama’t ako’y medyo nalumbay dahil hindi ka nakapagpasa ng iyong score sa KM2, mataas ang nakuha nitong marka subalit kailangan kong sundin ang panuntunan sa patimpalak.

    Mananatili akong tagasubaybay ng iyong mga akda.

    Sisilip, magtatampisaw, makikisaya. 🙂

    • Pero salamat na rin kung gayon. Medyo busy kasi ako lately, chief! 🙂 Cliche na yata ang pagusapan ang love. hehe kampay!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s