Tulang nagtatapos sa unang linya ni Lorca


(Kay N.) 

May nawawalang libingan sa bawat pagkikita natin, Nerisse.

Sa ganitong tagpo ako dinadalaw ni Lorca sa hatinggabi:
May pasubali ang hinahangad na panaginip habang nasusunog ang dagat
at naglalakad sa ibabaw ng tubig ang kabayong laylay ang ari
at nilalanggas ng mga alon ang kaniyang sugat. Itatanong ni Lorca
ang aking pangalan, ang aking kasarian, at saglit na magtataka kapag nakita niya
na ang aking dila ay nagdurugong espada ng matadero, ang mata na nanlilisik
sa paruparong may dapyo ng halimuyak ng gabi, at ang aking sungay ay sumusugba
sa manipis-na-balat na pelus. Sabi ko kay Lorca,

‘Walang kasarian ang pag-big.’ Wika niya:
‘Kailanman ay hindi magiging kawangis ng diwata ang puso mo.’
Sagot ko: Siya ang aking Andalucia. Maglakbay man akong walang salawal
na kinakain ng bayawak ang aking bayag.’ Wika niya:
‘Mariposa siya na ayaw dumapo sa sugatang espada ng matadero.
Sa kama na inyong pagsasaluhan, lalanggamin lamang ang iyong dilat na mata,
Mangangati ang iyong anit, at malalagas ang iyong buhok

sa apoy na hindi siya napapaso. ’ Nerisse,
ano at nawawala ang aking libingan sa bawat pangalan
na iyong sinasambit? Batid mo kaya kung gaano kalalim ang hukay
sa tuwing nagdurugo ang iyong labi at tumatayo sa lamig kapag kinakain
ng kapuwa mo mariposa ang iyong utong? Nais kong sa iyong sinapupunan
Ako ay mahimlay. Ngunit paano masusumpungan ang nasa

kung ito ay tulad ng libingan ni Lorca na walang makadadalaw?
Ay, Lorca! Sa aking libingan, umuulan ng mga nagdadalamhating mariposa,
dinadala ng magaspang na hangin ang kanilang makukulay na pakpak
na kasing-nipis ng pilikmata at pumupuwing sa mga hayok na kabayong
kumakain ng tuyong talahib at kinakatay na walang bayag.
Ikaw, aking Andalucia, ay naglalakbay na gypsy sa panagimpan,
nakaturo sa panorama na kung saan mata ng toro ang dilat na buwan,
titig na pangahas ang liwanag na sumusuwag sa mga panggabing ibon
habang ang Batibat na naliligaw sa kalaliman at madawag na panaginip

ay ginagawang balabal ang salaghati ng gabi. Lorca,
sa ganitong pagkakataon, hinahanap ko ang iyong libingan.
Dama ko ang mapanglaw na hardin ng Andalucia,
kumakapit sa aking balat ang amoy ng palakang wakwak ang tiyan,
at may hamog ng pagpaslang ang mga damong natutuyo kahit sa lamig ng gabi.
Ay, kay panglaw sa hardin ng aking Andalucia! Kung bakit umiibig ako

sa diwatang umiibig sa kapuwa diwata. Nerisse,
batid mong si Lorca at si Dali ay minsang nagkrus na sugatang espada.
Inaagnas ang aking dibdib. Ikaw ang mas higit na nakakaalam na sa langgas lamang
ng nakakalasong tinta naghihilom ang sugat. Hindi lamang nasusulat ang pag-ibig
sa naaabong pakpak ng mariposa. Hindi sa bawat gabing isinisilang
ang takot at pangamba. Hindi,

hindi lamang nasusulat ang pag-ibig sa sinapupunan ng dalawang damdamin.
Kung hindi maging sa nagdurugong espada ng matadero, sa mangingibig
na nakalibing sa libingan na walang lapida at hindi madalaw
sa bawat gabing babae ang kapiling mo, Nerisse,
at walang natutulog sa panganorin. Wala.

02 Hunyo 2011
Ver. 2

_____________________________

Kinuha ang pariralang “Walang natutulog sa panganorin” (No one sleeps in the sky) sa “City Without Sleep” ni Federico Garcia Lorca.

Advertisements

2 thoughts on “Tulang nagtatapos sa unang linya ni Lorca

  1. gusto ko sanang sabihin na kahit pahapyaw, naintindihan ko. gusto ko sanang maniwalang naarok ko ang ilang taludtod, ang ilang salita.

    naibigan ko ang iyong pagsusulat. parang isang larawan na nakakapag pakunot ng noo ang gandang pilit inaaninag subalit hindi makita-kita.

    inadd ko nga po pala kayo sa blogroll. hindi ko man laging mauunawaan, magiging taga hanga ako taga subaybay ng inyong panulat.

    magandang araw!

  2. Magandang araw!

    Kung may ilang linya na hindi naunawaan,
    Kung may ilang saknong na hindi naintindihan,
    Maaaring hindi nagtagumpay ang tula
    na maiparating sa mambabasa ang damdamin ng persona.
    Hindi kaya?

    Gayunpaman, salamat sa pagbabasa.
    hindi pa ako naglalagay ng blogroll, nagdra-drama pa kasi ang kimera na nasa aking balikat. hehe

    kampay!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s