Si Ruby Tuesday 2

Ito ang aking awit. Awit na naglalahad ng aking kabataan at ng aking karanasan. Ang bandang Rolling Stone at kanta nilang Ruby Tuesday. Si Ruby Tuesday at ang tamis ng strawberry na may cream. Pakiramdam ko nasa dulo ng awit ang aking katipan. Naghihintay sa akin. Umaalis. Muling bumabalik. Umaalis muli. Ganoon yata talaga, walang puwedeng magmay-ari, walang dapat ariin. Maging pag-ibig o kalungkutan. Umupo ako sa sulok at sumandal sa pader. Kahit man lang sa lamig ng pader ay makapagpahinga ang aking likod. Napakahaba ng oras dito sa kulungan.  Kung nandirito si Ruby Tuesday, tiyak na insulto na naman ang aabutin ko. Sasabihin niyang kung bakit ako naging aktibista ay kay hina ng tuhod ko. Taena, mabilis lang ang mga parak kaya kasama akong nadagit nang magkagulo sa piket line. At sasagutin niya: Tarantado, anong mahihita mo sa pagsusulat ukol sa kahirapan? Ano kayang ginagawa ni Ruby Tuesday ngayon? Kung napilit ko siyang sumama sa rally kahapon nang magkita kami, marahil kasama ko siya ngayon. O baka hindi. Mananapak lang iyon ng parak. O kakalmot ng pasistang mukha! Wala man lang akong dalang lapis o panulat man lang. Sana puwede akong makapagsulat dito. Saan ko ba nailapag ang dala kong aklat? Pinagmasdan ko ang ilang kasama na nakaupo sa gilid ng rehas. Walang bahid ng kalungkutan o kapaguran habang nagkukuwentuhan. O marahil, tulad ko, natutuhan na nilang magtago ng kanilang nararamdaman. Hindi na mahalaga ang nararamdaman basta may iisang layunin. May tinutungo ang kanilang mga paa. May direksiyon. Ito ba ang tinatawag na pagpapasiya? Na gaano man ang hirap ng pinagdadaanan, hindi maaaring sumuko, walang dapat sumuko? Hindi ako naniniwalang sumuko si Ruby Tuesday. Na wala siyang pinaglalaban. Sabi ni Rilke, walang nawawala, walang paglimot. Tayo ang sentro ng buhay at umiikot ang lahat, maging ang nakaraan, sa atin. Sa ganito natin puwedeng ariin ang buhay maging ang nakaraan. Ito lamang ang puwede nating ariin. Tumutugtug ang Ruby Tuesday sa aking isip. Sa ritmo at saliw ng melodiya, humihiwalay ang aking anino palabas ng kulungan. Paakyat ng bubong. Sa labas, umuulan. Sa dulo ng awit, nandoroon si Ruby Tuesday, nakahiga sa bubungan, basang-basa ng ulan, nakatitig sa dilim ng kalangitan. Pumatong ang aking anino sa aking katipan. Habang umiiyak ang langit, naging isang nilalang kami sa sinapupunan ng gabi.

Advertisements

Pagkaraan ng Nobela

Sa magkaibang panahon, umiibig ang binata sa dalagang nabubuhay lamang sa imahinasyon ng awtor.

Isa siyang haponesa at may malungkuting panagimpan.

Ang binatang umiibig ay laging sumasakay sa tren, sa bus, sa jeep papunta sa mundo ng babaeng Haponesa.

Para sa binata, nadadalaw niya ang babaeng Haponesa sa pagbabasa ng nobela. Naniniwala siyang nasa nobela ang wagas na pag-ibig.

Nagsisimula ang nobela sa kanta ng Beatles.

Anong mayroon sa kanta ng Beatles at lalo niyang naaalala ang babaeng Haponesa? Iniisip niya bilang isang katipan, may mahabang buhok, mapupungay na mga mata sa kabila ng pagiging sinngkit nito, at nagmamay-ari ng pinakamagandang batok sa balat ng lupa, marahil kamukha ng paborito niyang Anime, si Erika sa Daimos, laging nakangiti sa kaniya, tumatawa sa kaniyang mga kuwento, umiiyak kasama siya sa bawat salaysay na ibinabahagi niya rito. Naglalaro sila sa parang, nanghuhuli ng paruparu, tutubi, at hinahabol ang mga maya.

Sa gitna ng nobela, tumigil sa pagbabasa ang binatang umiibig. Hindi niya nakayanan ang kalungkutan ng babaeng Haponesa na inilalarawan ng awtor sa nobela.

Kasinungalingan: kailanman hindi nalaman ng binatang umiibig ang tunay na nangyari sa babaeng Haponesa.

Ang totoo: Sa nobela, nagpakamatay ang babaeng Haponesa. Mayroon lamang siyang isang hiling.

Para sa babaeng Haponesa, ang ibitin ang sarili sa puno ang pinakamagandang paraan ng pagpapatiwakal.

Kasinungalingan: Ang binatang umiibig ay nasa isip lamang ng binatang nagsusulat ngayon pagkatapos niyang mabasa ang nobela.

Ang totoo: Naiintindihan ng binatang nakatapos ng nobela ang huling hiling ng babaeng Haponesa:

Tandaan mo, ako ay nabuhay.

Heto marahil ang parikala ng buhay: Para sa binatang umiibig, ang babaeng Haponesa ay buhay at iniibig niya ito na walang kapalit. Nasa imahinasyon ng binatang umiibig ang pagiging inmortal ng pag-ibig.

Ngunit para sa binatang nakatapos ng nobela, kamatayan ang nagkakasal sa wagas na pag-ibig.

Ang pangalan ng babaeng Haponesa ay Naoko.

Si Haruki Murakami ang awtor.

Sayans Piksiyon

Sa mundo ni Combatron,
Death Metal si tatay. Metal
Na metal kung magmahal kay nanay.
Si nanay tao lamang na umiibig
Sa pinakahayop na Metal.

Tuwing nalalasing si tatay,
Nayuyuping lata ng Birch Tree
Si nanay. Lamog na metal
Sa lakas ng tadyak ni tatay
Sa mundo ni Combatron.

Sa mundo ni Combatron,
Gabi-gabi kung lumusob
Ang lasing na si Death Metal.
Death seeker! agad ang entrada.
KAPOOW! Sapul sa mukha

Si nanay. Kulang sa treyning
Kahit Psionic Beam ay wala.
Duguan ang labing bulagta sa sala.
Sayang at walang kapangyarihan si nanay
Sa mundo ni Combatron.

Sa mundo ni Combatron
Nilusob ko ang lasing na si Death Metal.
Superhero akong lumipad , galit na galit—
Death seeker laban sa aking galactic space sword!
Para kay nanay— KABOOM!

Bagsak sa sahig. Bagok ang ulo.
Ipagtatanggol ko ang planetang Earth
Sa yakap at pagmamahal ni nanay.
Walang dapat tumalo sa isang batang
Superhero sa mundo ni Combatron.

3

(Pagsasalin sa tulang Three Oddest Words ni Wislawa Szymborska batay sa saling ingles nina S. Baranczak & C. Cavanagh)

Tuwing bibigkasin ko ang Hinaharap,
Tiyak na bahagi na ng nakaraan ang unang pantig.

Tuwing bibigkasin ko ang salitang Katahimikan,
Winawasak ko.

Tuwing bibigkasin ko ang salitang Kawalan,
Humuhulma ako ng bagay na tanging buhay ang makakahagkan

Sa babaeng bumibili ng Triple X sa Hidalgo

Woman? Very simple, say the fanciers of simple formulas:
She is a womb, an ovary; she is a female – this word is sufficient to define her.
–Simone de Beauvoir


Sa babaeng bumibili ng Triple X sa Hidalgo
Anong pangalan mo? Gusto kitang makilala. Bakit
ka narito at kasama naming nakikisiksikan sa bangketang ito?

Gusto kong malaman ang kuwento mo.
Maaring ang iyong araw ay gaya rin ng mga piniratang DVD
na naka-display sa bangketa, nagagasgas at nadudumihan; kalat-kalat na X-rated

na emosyon na binalot sa plastic at makukulay na larawan.
Nakasalansan din marahil ang iyong pagnanais sa iba-ibang palabas;
Mga palabas nina Maria Isabel Lopez, Alma Moreno, o si Vilma Santos

Sa Burlesk Queen. Mga mukha ng iba’t ibang babaeng
nauna nang pinagpiyestahan ng ating lipunan; hinubaran, tinanggalan
ng panty sa mga lumang sinehan sa Quiapo; at pagkuwa’y mabilis ding binibihisan

tulad ng isang manika. Maaaring ang iyong hinahanap
ay nakatago lamang, narito sa mga mas matinding kuwento ng pagsalat
sa kamunduhan. Mga kuwento gaya ng Salo, Pink Prison, Meat Note, Tokyo Virtuality

o maaring nakakubli sa pabalat na bumabati sa iyo:
Meet Sweet Face Alexie, a Horny Newcomer Who Loves Cock.
Maaaring ang hiling mong kaganapan ay matagal nang nakuhanan ng kamera

gaya na lamang sa mga kuwentong: Ang Babaeng Hinugot
sa Aking Tadyang, Curacha, Machete, Scorpio Nights, Virgin Island,
Kinatay, Tiltil, o Serbis. Mga lihim ng lipunan na isinapelikula sa tawag ng laman.

Sa babaeng bumibili ng Triple X sa Hidalgo
Ilan ang kukunin mo? Ang tanong ng batang tindera.
Tanong ng isip ko: Ano ang gusto mo? Ano nga ba ang hinahanap mo

O babaeng bumibili ng Triple X sa Hidalgo?
Katulad mo rin kaya akong ang hanap ay babaeng masarap
umungol hanggang sa aking guniguni? O hanap mo’y gaya rin ng katabi

mong lalaki na ang hilig ay pornong may kuwento
muna sa simula? Maaaring ang iyong mata ay kanina pa nakatuon
sa nakahiwalay na DVD na Hentai, o sa piktyur ng machong lalaki sa M2M.

Tulad din kaya sa Tora-Tora ang gusto mo?
Maaring ang buhay mo ay kasing init gaya ng mga dalaga
sa Hustler Barely Legal, at maaaring ang gabi mo ay walang kasing sarap

ang halinghing gaya ni Tina Yuzuki na laging
nakangiti sa kama o si Azuka Yuki na laging nagpapaubaya?
Katulad mo ba si Maria Ozawa na ang respetong hinihiling ay babuyin siya?

Maaaring kagaya mo ang mga Lolita sa Fuck Me, Daddy;
walang ibang panlaban kundi ang ngumiti, walang ibang kahulugan
o hilig ng katawan maliban sa maging dalaga sa kuwarto naming mga lalake.

O babaeng bumibili ng Triple X sa Hidalgo
Magkano ang isa, tanong mo sa batang tindera. Tanong
sa isip ko: Babae, nasaan ang iyong kaluluwa sa kuwarto naming mga lalake?

Nasisiyahan akong isipin na ang iyong hita’y
Walang kasing kinis di tulad ng kay Keri Sable. Inaalagaan
at maingat naming ibinabandila ang ganyang kinis na hita sa mga tabloid.

Nasisiyahan akong isipin na ang iyong balakang
ay mas maganda kaysa kay Jenaveve Jolie. Inaalagaan
at maingat naming ipinapalabas ang ganyang kurbada sa TV.

Nasisiyahan akong isipin na ang iyong dibdib
ay di kawangis ng mga babae sa Cream Pie, o di kasing tambok
ng katulad ng pinagpapantasyahan kong porn star sa Elegant Angel.

Dito sa kuwartong laging kami ang nagmamando
Iginagalang namin ang ganyang arko ng dibdib. Inaalagaan
at maingat naming ipinapaskil sa mga billboard sa EDSA o sa Crossing.

Nasisiyahan akong isipin na may lalaking
kayang magbigay ng pasâ sa iyong masayahing mukha.
Gusto kong makitang nasisiyahan kang pinagmamasdan, nakangiti

mong pinapakinggan ang kanyang hilik, inaamoy
ang pabango ng alak sa kanyang katawan, magiliw na himas-himas
ang kaniyang likod samantalang ang mahal na mahal mo ay papuntang panaginip.

Nasisiyahan akong isipin na ang lipunan
natin ngayon ay mas magarbong kuwarto di gaya noong panahon
nina George Estregan. Namatay man ang bomba ay patuloy namang nabubuhay

ang mga neon sa Pasay at Baclaran. Mas madami
pa ngang napupuyat na laman, garapal na bentahan sa may overpass
ng Cubao o latak ng libog na matiyagang nakatayo at naghihintay sa Quezon Avenue.

Nawalan man ang bomba ay parang bomba namang
sumabog ang sangkatutak na iskandal: Cebu Scandal, U-belt scandal.
Malalaos ang tarugo ni Estragan sa makabagong estilo ng pagwarat sa inyong kaluluwa.

Nawalan man ang bomba ay maririnig mo
namang parang tiktak ng bomba ang orasan ng mga kolehiyalang
naipanggastos ang matrikula at naghihintay ng magarang kotse sa Alabang.

Nasisiyahan akong isipin na ang pagwarat sa inyong
kaluluwa ay malaya ko nang napapanood sa TV; katulad ng balita
hanggang ngayon: hinalay, binaril, at kasamang inilibing ng buhay sa lupa sa Magindanaw

Nasisiyahan akong isipin na ang iyong katawan
ay katulad na ngayon ng isang kinatay na baboy. Natutuwa ako
na madali na kayong itapon at iwang walang saplot sa mga talahiban sa Rizal.

O babaeng bumibili ng Triple X sa Hidalgo
Magkano ang lahat ng ito, tanong mo sa batang tindera. Sa isip ko: Nasaan
ang iyong kaluluwa? Nasa kuwarto ba ni Jenna Haze na walang bahid-kalungkutan

ang malanding mukha sa ibabaw ng kama? Sa kuwarto ni Rosanna Roces
na walang ibang maitawag sa kaniyang sarili kundi ligaya? O nasa kuwarto ni burlesk queen
na ang pagkatao’y timbangan ng kalibugan sa mga matang kayang hubaran pati ang kaniyang

kaluluwa?

KM2: Awit ng Basilisko

Babala, huwag akong titigan. Huwag.

Sinasabi ko, may kamandag na hatid ang aking paningin. Nakalalason ang aking hininga. Walang nakaliligtas sa akin, alipin man, mandirigma, o maharlika. Maging sa ibang mundo kasama ang mga diwata, batibat, manananggal, tikbalang, at tiktik;  at maging sa kakaibang mundo nina Alunsina at Tungkong-Langit, lahat ay nagiging bato oras na masilayan

ang aking makamandag na paningin.

Gumagapang akong ilahas na sumpa.  Ahas na lumilipad at tumutuklaw sa salimbay ng bawat pantasya, panaginip, at partaan. Tahimik akong tumatawid sa yungib ng pag-iisa hanggang sa mala-disyertong romansa at natutuyong hardin na nadidiligan lamang ng panibugho at kapusukan.  Sa  nakalalasong hininga at paningin, nabibihag ko ang munting adhika ng magsing-irog at nagagawa kong bato ang kanilang banal na sumpaan.

Sinasabi ko, ang karuwagan ay inmortal. Luwalhati ang mabuhay na isang duwag.

Sapagkat nakamamatay ang kapusukan. Nakamamatay ang magpatag ng kabundukan, upang ipunin sa iyong dibdib ang kaniyang halimuyak at panagimpan. Nakamamatay ang lumakad na walang sapin sa paa, nagnanana ang sugat sa tuhod, habang ang kulay-bughaw na peklat ay parang talulot na hindi malanta-lanta sa sugatan mong dibdib. Nakamamatay ang mangako ng tulay na magdurugtong sa langit at karagatan, ang lumakad sa ibabaw ng tubig-alat nang hindi malulumot ng dikya ang iyong buong katawan at malalanggas ng alat at asin ang iyong inaagnas na dibdib. Nakamamatay ang maghintay sa panganorin, humiga sa ulap, at hintayin ang sarili na dalawin ng antok, ang hawakan sa iyong palad ang kariktan at mahika ng damdamin na napupuyat at nangangalumata sa pananaginip.

Ano at inuukit mo hanggang sa kuyukot ang sanghaya ng iyong katipan. Inaawit ang kaniyang pangalan, ang hapdi at tamis ng di-malimutang pulot-pukyutan na lambingan, at ang nakabibighaning halinghing ng kaniyang maalindog na katawan. Ang lahat ng ito ay parang kutsilyong  nakatarak sa iyong katawan.

Ano at nahuhulog ang iyong dibdib sa malalim na hugot ng lugami at kalungkutan—

sa alingawngaw ng salaghati at alaala na hinuhugot kahit ang lalim ng iyong buntonghininga.

Sinabi ko na, ikaw na pangahas at may

nasang tumitig sa aking kamandag,  magiging bato ka sa nasa

salamin ang wagas na pag-ibig.

(Salamat kay essa sa pag-iimbita sa akin  sa Kamalayang Malaya 2. Kampay!) 

Reboot muna, dude!

(Pagbabalik-tanaw sa mga kalibugan sa PBB)

Blink-blink-blink. Putris. Isang malaking pakyu ang nakikita ko sa iskrin.Kanina pa ako nakatitig sa kompyuter. Gusto kong magsulat tungkol sa libog. Pero, taragis, walang bagong ideyang gustong lumabas. Nakadalawang istik na ako ng yosi. Isang tasang kape. Pero alaws pa rin, dude. Parang dalagang nagtatampo ang isip ko. Kailangan mong suyuin. Kanina sa bus nang papauwi ako galing sa-kung-saan at natulog sa-kung-saan titig na titig ako sa magandang hita ng babae na nakatayo sa harap ko. Rush hour kasi. Gusto ko sanang magpaka-gentleman, pero huwag na. Marami akong iniisip nung mga oras na ýun.  Kaso hindi ko talaga maiwasang humanga. Makinis e, parang gusto kong balatan. Tuloy, ang daming ideyang lumalabas, ang brain ko parang nasa gitna ng malaking dede ng Hentai karakter. Breast fuck ba ang tawag doon o mind fuck? Anyway, hindi naman talaga tayo writer, dude. Mahilig lang tayong manood ng peliks, ‘kaw sa musiks. Heto ‘yung pagkakataong masarap magsulat ng kung ano-ano. Spontenous combustion ba. Kasi malibog tayo. Kapag tumataas ang blood pressure, Ganado tayong magsulat. Gusto kong isiping ako si Peter Pan at iniisip si Wendy na naka-lingerie. Kami lang dalawa sa Neverland.

Enter,Enter, Enter! Right click, Left click! Dude, naaalala mo pa ba ang PBB? Yung tinirhan nating room for rent noon sa kalye ng Sulucan, sa may Espana? Maliit lang yun. Mainit pa. Tropapips tayo. Ala-Mafia wars buddy. Tropang Bioman without Pink Five. Apat na karakter sa klasik pinoy comedy films. Ang tawag ko sa’yo noon Mang Kepweng e. Tapos si E. ay Rambuto. Si P. naman Pasifica Falaypay. Ako si Crispulo Darakula! (Hehe) Tayong apat noon ay parang Hippie Jutes sa Iskul Bukols. Mga estuds pa tayo nun sa AdUds. Mga pain-in-the-ass ng prof natin. Pinagsama mong Val, Tito, Vic, at Joey sa bahay ni Kuya. Palaging nakatitig sa kisame at mahilig makipag-usap sa nakatumbang bote ng Red Horse gabi-gabi. Nagpapatugtog ng malakas sa mga kanta nina Elliot Smith, Iggy Pop, Jim Morrison, David Bowie, Milli Vanilli, o Yoyo Villame. Nood ng peliks gaya ng Barbarian Invasion. Sino ba nagpangalan sa atin ng PBB? Si Ricatik o si Jonibaby? Baka naman si Maantot? Hindi ba si Alfredo? Si Michy ata. Mga guest housemate natin sila e. Musta na kaya ang mga ‘yon? Taragis, feeling natin kasi noon mga bida tayo sa ginagawa nating pelikula. Kumpleto ang set-up. May Alak, yosi, haytek na thermos (lumalamig ang tubig pag nagpapainit ka), si Proxima (ang PC nating nakapasa na sa Turing Test), ang namamahong kumot at unan, maalikabok na electric fan, maduming kurtina, lababong punong-puno ng di pa nahuhugasang pinggan (ang iba, may nakalutang na patay na ipis), plastic ng Coke, nagkalat na sapatos at medyas, DVDs, libro at papel, sachet ng shampoo, sirang simcard, nilalanggam na barbek kyu istik, unipormeng paulit-ulit na isinusuot at di nalalabhan. Ito’y mga shot ng camera na iniwan at naiwan natin ngayon. Naisip ko, siguro sadyang binubura ng panahon ang lahat ng bagay, nagasgas na parang DVD, nagha-hung, tumitigil sa gitna. Ang buhay natin sa PBB ay katulad ng upos ng yosing naipon sa loob ng bote ng Red Horse. Walang gustong magtapon. Walang gustong magbaon sa lupa.

Napakasipag nating mag-aral noon. Laging nakatambay sa library. Basa-basa. Sulat-sulat ng kung ano-ano. Araw-araw pa tayong lasing. Pumapasok na may hang-over. Ang hilig niyo pa ngang uminom nun kahit tanghaling tapat. Para tayong mga small-time Mafia wannabe. Dude, naaalala mo pa ba kung sino ang umihi sa plato dahil sa kalasingan? Ay oo! Meron pa ngang nanununtok ng pader kapag dinadalaw siya ng kalungkutan. E sino yung nagsasayaw sa “Let Me Love You Carmelita” kahit walang kasal? Kala mo parang kawayang hinahampas ng hangin sa kapayatan. At nakahubad pa a!  Meron pa ngang nagsuksok ng pic ng ex niya sa titi niya. Feeling Michael Pitt sa da-dreamers ang dating. Heto, dude, hulaan mo kung sino si Boy Kumot. Nagkukumot sa gabi kahit mainit kasi katabi yung siyota. Minsan trip ko pa ring magpahaba ng buhok. Masarap ang buhay kahit walang malamig na maiinom at yosi, sky flakes lang ang agahan tuwing umaga. Nandiyan ang tropa, maiingay, Masaya, maraming kuwento, habang ang upa ng bahay ay sampung buwan nang hindi nababayaran. Masarap maglasing, magmura, kahit kumakalam ang tiyan. Ang buhay sa PBB ay parang mga lumang pelikula ni Cachupoy na nilapatan mo ng musika ng EHeads, ang “Minsan”. Paksyet, minsan, minsan

Minsan balik naman tayo sa Sulucan, dude. Maglakad lang tayo. Kuwento-kuwento. Banggaan ng balikat. Apir-pir. Iba na ang buhay natin ngayon e. Iba na siguro ang trip natin sa isa’t isa? May asawa na kaya ang iba? Balikan natin yung dati nating kinakainan. ‘Yung Kina Manang Aswang sa may Espana.. Kaka-miss yung mga luto roon. Lalo na ang Calamares (ay! Calamare pala) at panalo talaga ‘yung sizzling sisi at pusi (pusit hindi pussy, ha! ) Dumaan tayo sa City of God. Nakakatakot pa rin kayang dumaan doon? Kala mo may titira na lang ng sumpak sa likod mo. Upo tayo sa harap ng PBB matapos nating bumili ng yosi sa tindahan nina Boy Pektos. Gusto kong matawa ulit kapag nagpepektos siya ng sukli sa bigas tuwing nagsusukli. Hintayin nating bumaba sa room nila sina Criminal Lovers, tatanungin ko na talaga yung name ng crush ko sa kanila at nang magawan ko ng music video. Buhay pa kaya si Toxic Crusader? Siguro hindi na padyak ang trabaho niya. Malamang bodyguard na ng isang pulitiko. Ngitian natin pag nakita natin. Ipaalala natin sa kanyang minsan ay tumira tayo sa kalye ng Sulucan.

Page down, CTRL Home. Mahirap kung pakiramdam mo ikaw na lamang ang humahawak sa sandamukal na mga alaala. Para kang nanonood ng silent film na mag-isa. Wala kang paghuhugutan ng alaala maliban sa nakikita mong guhit-guhit sa screen. Sino nga ba ang mag-aakalang sa  PBB nasawi sa pag-ibig si Daimos?  At mas masarap palang pulutan ang boy bawang basta nandiyan si Proxima para sa bagong pelikula na pwedeng panonoorin. Mga Playlist na bumibingi. Paano mo ba ikukuwento ang dating samahan ng tropa? Yung nakakaiyak ba, yung matutuwa ang manonood. Yung aabangan ng madlang pipol. Parang PBB. (Sana ka-housemate natin si Bianca Gonzales.) Pero, dude, sabi mo nga, ganyan ang buhay sa PBB. Kailangan nating ma-evict. Kailangan nating umalis. May sari-sarili tayong lakad, sariling gusto, sariling pangarap. Binabago tayo ng panahon. Binabago pati pangarap. Si P. nakapasok na sa ABS. Si E. nag-text sa akin kahapon lang. Nagyayaya sa Freedom Bar, may gig daw sila. Ikaw ba, dude, doon ka pa rin ba sa dati mong pinapasukan? Ang lahat ng nangyari sa atin ay parang amoy na lang ng ihi ng lasinggero sa pader. Mapanghi. Nakakapit ang amoy sa pader ng isipan. Buhusan mo man ng tubig, mapanghi pa rin. Ganito talaga yata ang memory, dude. Walang gustong makalimot. Hinahabol tayo ng nostalgia. Ng di-paglimot.

Blink-blink-blink. Nagmumura na ang cursor. Tulog pa rin ang utak, walang maisulat. Dude, ano bang pwedeng maisulat na bago tungkol sa libog maliban sa puke at titing nagpapalakpakan sa isa’t isa?

Taragis, ALT F C nga lang muna. Mamaya na ‘to. PBB na. Bili pa ako ng Red Horse. Mas masarap pang titigan si Bianca kaysa magwaldas ng alaala sa mga kuwentong tayo lang ang nakaaalala.