Erostika 2

Giniginaw ang lungsod habang kinukumutan ka ng aking paghaharaya. Dito

ano ang itinatangi ng ating katawan? Marahil, nais mong sabihin hugasan mo ang aking katawan. Hagkan ako at hayaang malapnos ang aking kaluluwa sa mga lihim ng ating buntunghininga. Ngunit ano ang apoy kung hindi nito masusunog ang ating damdamin. At ano ang damdamin kung hahayaan nating maging abo sa buong magdamag.

Hanggang saan tayo dadalhin ng ating katawan? Dito

Habang mayumi ang halik mo sa halik ko, napupuyat ang lungsod sa kaniyang paglalayag. Sa labas, ang lungsod ay hindi mapakali. Naglalayag sa ibabaw ng di-matahimik na alon ng gabi. Habang dito

naghahabulan sa silakbo ng ating hininga. Walang katapusan. Walang kapaguran. Laging naghahanap ng landas ang init ang ating katawan. Naghihimagsik ang mga halik ko sa halik mo. Naglalakbay ang mga halik mo sa halik ko. Waring gustong kumawala, may iisang landas na nilalakaran. Ang aking mga kamay sa iyong katawan ay naghahanap ng laya. Ang iyong mga kamay sa aking katawan ay sumasayaw ng paglaya. Nais mong sabihin, hugasan mo ang aking katawan. Nais kong sabihin, hayaan mong hagkan ko hindi lamang ang iyong katawan. Nais mong itanong, ano ang ibinubulong ng aking luha? Nais kong sagutin, nasa akin ang nawawalang kawangis na iyong luha. Ano at hindi natin masabi ang tanging namumutawi sa ating mga labi? Sapat na ba ang aking mga halik na umaangkin sa iyong dibdib? Sapat na bang tanggapin ng iyong utong ang aking dila? Sapat na bang tanggapin mo ang aking kapusukan upang mamutawi ang ibinubulong ng luha? Sapat na bang maging malaya ang aking mga labi sa iyong puson upang maangkin ang labi ng dilim? Ano ang itinatangi ng iyong dilim? Pagsuko o kapusukan o pagluha? Dito

habang unti-unti ay pumapasok ako sa iyong dilim, ang lungsod ay giniginaw na bangkay na naghahanap ng  sariling libingan. Nais mong sabihin, hayaan akong maging pira-piraso. Mapunit ang dilim sa iyong kapusukan. Nais kong sabihin, hayaan akong makipagniig sa dilim. Angkinin at sumuko ang aking katawan sa dilim.

Nais kong sabihin, hayaan mong ibigin kita

mahulog ang aking katawan, kahit maging hubad ang lahat at inaagnas na bangkay ang lungsod.

Hindi lamang dito. Huwag lamang manatili sa ganito ang ating damdamin dito.

Si Ruby Tuesday

Isang magandang kupal—ganito ko siya kinikilala.

Huling dekada ’90 nang una kong makilala si Ruby Tuesday. Sa tambayan ng mga ipis (tawag namin sa opisina naming sa skul pub). Bad-shot ang una naming pagkikita. Para akong si Cachupoy na nangatog ang tuhod. Nag-apply ako noon bilang staff writer. Dahil siya lamang ang tao noon sa opis, sa kaniya ko inabot ang aking bio data at maikling kuwento.

Pinagmamasdan ko siya habang binabasa ang aking maikling kuwento. Aba! Ang babaeng kupal ngumingiti. Ang alam ko, masyadong seryoso ang sinulat ko para sa ganiyang ekspresyon.

“Masarap ba ang strawberry kahit walang cream?” biglang hirit niya sa akin.

Teka, anong kinalaman ng strawberry sa sinulat ko? Mukhang ginagago lang yata ako nito, a! Tinitigan ko siya ng maigi. Sakyan ko kaya ang trip nito? Balita ko, mga super-duper ang mga estudyante dito sa pub. Pero hindi ko siya kilala. Wala pa akong nababasa kahit isa man sa mga sinulat niya.

“Ano ba ang pagkakaiba ng may cream sa wala sa strawberry? Banat ko sa kaniya.

Pero hindi ako sinagot. Muling ipinagpatuloy ang pagbabasa sa aking akda.

Muling humarap sa akin at saka nagtanong ulit:

“Nagbabasa ka ba?”

Wow. Ang dami mong tanong, ate!

“Minsan.”

“Ano mga binabasa mo?”

Saglit akong nag-isip. Kung bakit sa mga ganitong pagkakataon, nagiging blanko ang utak ko. Wala akong maalalang libro na nabasa ko na.

“Ah..Gone with the wind…”

“E?”

“ano e?”

“Bakit ka nagbabasa ng love story? Bakla ka ba?” Hindi pa rin niya inaalis ang nakaka-insultong tingin sa akin.

Putang-ama naman o! Sapakin ko kaya ito! Kababae nitong tao, sexist.

“Bakit ano ba ang binabasa mo?”

“Wala. Tamad akong magbasa kaya.”

Saka niya kunuha ang kaniyang bag at lumabas ng opis. Sa labas ng pinto, naririnig ko pa rin ang kaniyang tawa. Nakakaasar na tawa.

Kalaunan, nalaman kong aplikante rin pala si Ruby Tuesday. Bad-trip talaga!

Iba ang dating sa akin sa mga matatalinong babae. ‘yung maangas mag-isip. Tinatamaan ako ng kakaibang libog sa katawan. Macho na kung macho. Pero ganun e, sa utak ako tumitingin. Hindi sa legs o sa dede o sa hugis ng balakang. Para sa akin, utak ang nagbibigay ng lakas ng personalidad ng babae, ng kanilang tapang, at hindi sa kanilang magagandang hita o balingkinitang katawan.

Minsan sa mga debate namin sa harap ng bote ng alak, natutukso akong halikan ang kaniyang labi. Angkinin ang pisikal na obra hanggang malasing ako ng kaniyang nakatagong sining.

Trip niyang pakinggan ang Rolling Stone, samantalang ginigiit niyang si George Harrison lamang ang magaling sa Beatles. Lagi naming pinagtatalunan kung sino sa dalawa ang pinakamagaling na banda. Pautot na lamang daw ang kanilang mga melodiya na ginawa dahil sabog sila sa LSD. Ginigiit ko namang ang lahat ng kanta ng Rolling Stone ay parang tugtug ng mga sirang electric fan. Siya nga yata ang epitome ng kontradiksiyon sa dahilang nahuhuli ko siyang umiiyak kapag pinapangkinggan ang Something. Ako? Hindi ako mahihiyang sabihin na ang Ruby Tuesday ang tanging kantang nakapagpapaiyak sa akin.

Walang pinaniniwalaang pilosopiya si Ruby Tuesday. Walang pinaniniwalaang sistema. Bakit pa? Heto ang laging sinasabi niya sa akin. Hindi naman daw siya ipinanganak sa mundo para maintindihan ang lahat ng bagay.  Basta hindi ako nagpapaka-bullshit, turan pa niya. Ang problema nga daw sa mundo ay ang mga taong laging sinasabi na nasa kanila ang sagot, ang katotohanan. Kaya galit na galit siya sa akin kapag binabanatan ko siya ng Marxism. Maliit lang daw ang titi ni Karl Marx kaya desperadong naisulat ang Communist Manifesto. Lagi niya akong binabara sa tanging pinaniniwalaan niyang pilosopiya: Cogito, ergo, Orgasm. Kaya tinutukso ko siya kung nasa libog nga ba ang kasagutan ng lahat ng alinlangan. Marahil ganoon nga lamang. Marahil nasa katawan namin ang kasagutan para mawala lahat ang aming agam-agam. Sa tuwing nagtatalik kami, hindi ko maiwasang hindi huminto ang aking labi kapag hinahalikan ko siya sa leeg. Siya nga yata ang nagmamay-ari ng pinakamagandang leeg. Pakiramdam ko nandoroon ang kaniyang kalungkutan. Ang mga di masabing salaghati. Pakiramdam ko nasa kaniyang leeg ang buod ng buhay, ang esensiya, ang lahat ng damdamin. Pakiramdam ko nagdadalamhati sa kaniyang katawan ang pinakamagandang hugis ng kaniyang katawan. Pakiramdam nandirito sa kaniyang ang lahat ng kalungkutan ng mundo. Siya, bilang babae, isang babae, ay nasa kaniyang balikat ang lumbay. Siya, bilang babae, isang babae, ang siyang nagbubuhat ng lahat ng lumbay sa mundo.

Isang araw, ipinakita niya sa akin ang kaniyang ginagawang nobela. Binasa ko ang pamagat: “Love, Sex, and Revolution”. May mga rebisyon ang ilang mga pahina. Sinabi niyang may tatlong taon na niyang sinusulat. Itago ko raw. “Bakit ayaw mong tapusin?” “Bakit pa?” “Para isali sa kompetisyon,” ang turan ko. Ngumiti siya. “Alam mo namang hindi ako nagsusulat para sa mundo, hindi ba?”  “Ang laki ng problema mo. Gusto mo sa iyo umiikot ang mundo.” “Sapagkat ayokong malaman o maramdaman ng ibang tao esensiya ng kuwento. Ayokong angkinin ng mundo. Gusto ko ako lamang ang nagmamay-ari at nakakaramdam ng pagmamahal na iyon.” Hinawakan ko ang kaniyang kamay. Hinalikan. Naalala ko ang kaniyang tanong na masarap ba ang strawberry kahit walang cream. “Sa palagay ko alam ko na ang sagot sa tanong mo sa akin,” ang sabi ko sa kaniya. “Alin doon?” “Palitan mo ang salitang “sex” ng “strawberry” ang pamagat ng iyong nobela.” Ngumiti siya. Palatandaang nakuha na niya ang ibig kong sabihin.

Gaano nga ba kasarap ang strawberry kapag may cream?

Ang salamangkero

(Narito ang una at mas mahabang bersyon ng tulang “Isang Umaga sa Buhay ng Salamangkero”.)

Isang Umaga sa Buhay ng Salamangkero
(Pasasalamat sa Flaming Lips)

Anong damdamin mayroon ang nawalay na panaginip?
Wala kang maalala, hindi maalala ang sarili sa nagdaang gabi.
Saan ka nagtungo? Saang lupain ka napadpad, nagpahinga?
Bakit naiwan ang iyong kaluluwa?

—Talasan ang inyong pandama.
—Ano ang makikita?
—Huwag magtiwala. Huwag!

Masinop mong inayos ang iyong kama.
Naghilamos.
Maaaring nangyari na ang ganitong pagtatagpo.
Umuulit nang walang babala sa pagdating ng bawat tagpo.
Iniiwan ka ng panahon nang hindi mo alam
Walang alam.

—Nakikita mo ba?
—Ang alin?
—Ang sombrerong itim.

Nagtimpla ka ng kape. Umupo sa harap ng mesa.
Bahagyang nakauwang ang pinto ng inyong silid
Pinagmamasdan ang sombrerong itim
Na nakapatong sa ibabaw ng iyong kompyuter.
O ang sombrerong itim ang nagmamasid sa iyo?
Maaaring nangyari na ang ganitong pagtatagpo.
Umuulit ang panahon, bumabalik

Sa isang panahon,
nakaharap ka sa iyong kompyuter, kay liwanag.
Nagluluksa ang kama
Habang inaaninaw mo ang walang saplot na katawan ng iyong asawa
Nais mong sabihin:
Mahal kita.
Ngunit ano ang pag-ibig?
Ay! Pinagtataksilan ka ng katahimikan.
Itatanong ng iyong asawa:
Mahal mo ba ako?
Paano mo siya sasagutin?
Maaaring sa pamamagitan ng alamat,
Ng mga bugtong.
Ng isang tula.
Ngunit paano kung wala ka nang maisagot?
Sapat ba ang halik o buntonghininga
upang mamayani bilang katwiran?

—Ano ang laman ng sombrerong itim?
—Wala.
—Wala o kawalan?

Sa banyo, nakaharap ka sa salamin. Masdan:
Nalulusaw ang salamin. Sa iyong harapan,
Nakangisi ang kunehong nakasuot ng sombrerong itim.
Sino sa inyo ngayon ang nakaharap sa salamin?
Narito ang pangitain ng nagtatagpong panahon:

Nagsusulat ka.
Sa isang panahon, nagtatalik kayo ng iyong asawa.
Sa isang panahon, sinusulat ang pighati ng naudlot na panaginip.
Sa isang panahon, umiiyak ang iyong asawa.
Sa isang panahon, iniipon mo ang abo ng mga limot na panaginip.
Sa isang panahon, binabasa mo ang sulat ng pamamaalam ng iyong asawa.
Sa isang panahon, tinatanong mo ang iyong sarili:
Kaninong pangalan ang nakasulat sa lapida
Ng sawing pag-ibig?
Sa mangingibig na iniwan ng katipan?
Sa katipan na pinagtaksilan ang mangingibig?
Sa ina na pinatay ang anak sa harap niya?
Sa anak na bumaril ng sariling ina?
Sa ina na kumitil ng anak dahil sa gutom?
Sa anak na nangibang-bayan
At nang bumalik ay walang ibang pasalubong
Maliban sa sarili nitong kabaong?
Naguguluhan ka ngayon.
Paanong naging pantastiko ang iyong mga kuwento
Samantalang umiiyak ang iyong asawa

Habang nagsusulat ka?
Ano ang pag-ibig?
Maaaring naitanong na rin ito ng iyong asawa
Sa gitna ng kaniyang mga hikbi at halik
Dangan nga lamang ay napupuyat ka
Sa paghahabi ng samutsaring mahika
Ni hindi masabi ang iyong panaginip
Maliban lamang sa: Patawad, mahal.
Patawad kung umiiral ang digmaan
Kahit sa pagitan ng ating paglimot at pagmamahalan.

—Masdan ang aking mga kamay.
—Lalabas ba ang puting kalapati?

Umaapaw ang tubig sa banyo.
Kinakausap mo ang kunehong nakasuot ng sombrerong itim
O marahil ikaw ang nakikinig.
Gumalaw na mahika ang kaniyang mga kamay.
Ipinakita ang sombrerong itim.
Walang laman. Masdan:
Unti-unting hinuhugot ang iyong kaluluwa
Mula sa kawalan. Sa loob sombrerong itim
Lumabas ang puting plumahe ng isang uwak.

Nakita mo ngayon ang iyong sarili.
Sa isang panahon, nandoroon ang iyong asawa
Naghihintay sa inyong tahanan.
Sa isang panahon, isa kang mangingibig.
Pinipigil ang luha sa harap ng puntod ng minamahal
Na pinatay at inilibing ng buhay.

—Masdan.Tignan.
—Sabihin sa akin ngayon ang laman ng sombrerong itim.

Narito ang pangalawang bersyon ng “Isang Umaga sa Buhay ng Salamangkero”

Pangláw

Ikaw ang dahilan kumbakit kailangan kong tahakin ang landas na iniwan ko na. Ikaw na pinangakuan ko ng walang hanggan. Ako na nagako sa iyo ng walang hanggan.

Narito ka sa aking silid. Tulad ng iyong nakagawian ay hahalungkatin ang aking mga libro. Guguluhin ang payapang uniberso  sa aking silid. Habang nakatitig sa iyo, sasabihin kong wala kang pinagkaiba sa mga babae ni Tony Leung sa mga pelikula ni Wong Kar Wai.

Magiging orasan ng pagtatagpo sa ibang panahon ang nakasindi kong yosi. Magtatagpo tayo sa tren. Sa loob ng tren na hanggahan ng lahat ng damdamin, naisulat man o naibigkas.

Sa aking silid, kukumbinsihin mo akong hindi nagtalik sina Tony Leung at Maggie Cheung sa In The Mood For Love.

“Ano ba sa Filipino ang Nostagia?” Tanong mo.

“Pagsakay sa tren,” wika ko.

Parang pelikula. Tulad sa mga paborito nating pelikula.

Bakit ba lahat halos ng eksena ng paghihiwalay sa pelikula ay nangyayari sa istasyon ng tren? Sa pagsakay sa tren. Anong mayroon sa tren at kailangang doon magtagpo at maghiwalay? Bakit sa tren tayo nagtapo at doon naghiwalay?  Bakit kailangan sa tren magtapo sina Ethan Hawke at Julie Delpy o bakit sa istasyon ng tren magpapaalam ang magkasintahan sa My Sassy Girl o bakit kailangag sumakay si Tony Leung sa tren para makabalik siya sa 2046?

Hindi ka naniniwalang si Tony Leung lamang ang nakabalik sa 2046. Paano si Black Widow, katwiran mo. Hindi ba niya minahal si Tony Leung? Mali. Sila ang mga minamahal. Tanging ang nagmamahal lamang gaya ni Tony Leung ang may karapatang makabalik sa 2046. Masisira ang kuwento kapag tinanggap ni Faye Wong ang hamon ng alaala. Walang kuwento sa kanilang kuwento kapag parehong bumalik ang minamahal at nagmamahal sa 2046. Anong mangyayari kapag parehong nagsulat ng nobela sina Ethan Hawke at Julie Delpy sa Before Sunset? Nasaan ang kontradiksyon sa mga kuwentong pag-ibig kapag hinanap ni Maggie Cheung si Tony Leung sa 2046?

Magtatalo tayo hanggang umaga. Magtatalo tayo hanggang sa muli nating pagtatagpo dito sa loob ng mumurahing kapihan, malapit sa istasyon ng tren kung saan ka nakipaghiwalay sa akin. Kumusta ka na? Mukha yatang hindi ka na sanay uminom ng kape at hindi na rin ako sanay na magyosi. Kumbakit kailangan natin ng kuwento para masabing nagmahal tayo. Nagmahal dahil nawala. May umalis. May naghintay.

Sino ba sa atin ang nagpaalam? Sino ang umalis? Sino ang naghihintay?

Saka mo ilalabas ang dala mong libro. At itatanong mo sa akin kung ano nga ba sa Filipino ang nostalgia. Muli, magiging orasan ng pagtatagpo natin sa ibang panahon ang nakasindi kong yosi. Ang hindi ko na maubos na yosi. Narito tayo sa aking silid. Muli mong itatanong habang nagbabasa ng libro: Ano ba sa Filipino ang nostalgia?

Pangláw, mahal. Pangláw.

13 Enero 2011

Ver. 2

Ang pang-anim na pandama

Sa kaniyang paggimatá ngayong hatinggabi
Gimayaw siyang lumipad-dumapo sa sanga ng kaniyang balintataw.
Bakit giniginaw? Gayong kay init ang gilak ng buwan na tanging tanglaw sa kaniyang silid.
Gamugamo siyang nadadarang sa gayuma ng gunamgunam
At napapaso siya sa pagdampi nito ng marahan sa kaniyang kalamnan.
Ano itong damdamin na kay lapit-lapit ay hindi niya mahabol-habol?
Kung hibla lamang ito kumpara sa galak o galit,
Ano at nabibingi siya sa kaniyang alunignig?
Umaawit ng kakaibang galasgas na nag-uudyok ng gupiling sa bawat gamlang nito sa kaniyang katawan.
Anong lakas itong may puwersa tulad ng grabedad?
Nahuhulog siya. Nahuhulog
Ang kaniyang katawan sa gitna ng alinlangan at gulumihan—
Siyang napipigtal na parang dahon at humihiga sa naiibang lupain ng malay.

Naisip niya:
Tulad marahil
isa lamang itong
naputol na
sinulid
mula
sa naka
walang
guryon
na lumi
lipad
tu
wing
ha
ting
g
a
b
i.