Talahib

Talahib
Ni Mikael Rabara Gallego

Ganito ang pag-iral ng aking katiyakan:
Nasa pagiging matayog at tuwid ang namamayapang kapayapaan,
na biyaya mula sa magagaspang kong mga dahon
at hinahatid ng bawat nakikiraan.
Batid kong wala akong talulot tulad ng rosas
Upang maging matingkad para sa pag-ibig
At hindi puwedeng isabit sa leeg ng isang santa
Para sa musmos na panaginip.
Ang aking mapuputing bulaklak na salat sa lahat
Ay nagdadalawang-isip sa kakaibang halimuyak

Na tumatabal sa akin
Kung hinahatid ng pagkakataon at katahimikan
ang mga nawawalang pangalan.

Kahapon lamang ay
Dumating ang pugot na ulong nangangalay ang leeg sa langit.
Naliligaw at nagtatanong.
Sayang at unang umuwi ang katawan sa kanilang tahanan.

Kagabi lamang ay
May nag-iwan ng alambre sa leeg ng isang lalaking
Walang mata at walang bibig
Sayang at hindi niya masabing wala itong salawal.

Kanina lamang ay
May nagsabit ng panti ng isang manika
Sa masasanga kong tangkay.
Sayang at naiwan itong nakasampay lamang.

Ngayon lamang ay

Advertisements