Si Lorca at Ako, isang hatinggabi

 

1

Naghuhunos ang panaginip.
Naglulunoy ang buwan sa nakalalasong tinta.

2

Dinalaw ko ang aking katipan sa siyudad.
Umaalulong sa saligway ang asong itim,
napunit ang mga ulap,
at niyanig ang lupa sa pag-ulan ng itim na apoy.

3
Nais kong itala ang pinakasimpleng imahen ng pag-ibig.
Nagpahaba ako ng buhok.

4
Madalas akong nahuhulog sa masikip na kabaong.
Nakikita kita, irog, umiiyak,
sa harap sumusunod ang mahabang prusisyon.
Upang makalimot, humukay ako ng ilog.

5
Hinahanap ko ang aking libingan
Pagkaraang hiwain ko ang mata ng aking katipan
at nangako ng pag-ibig na walang hanggan.

 

 

Berkákan

Umaawit ng dániw
Si lelong sa harap ng makinilya
Habang nagsasalaysay ng lidáy
Ang marurupok na dingding ng aming kalapáw
Sa usok ng kaniyang tabako,
Sa simoy ng hangin mulang dalampasigan
Na kumakapit na asin sa aking balat.
Sa dulo ng pag-awit ni lélong,
Tahimik na ituturo ang taáw.
Sinusukat ang saligway.
Anong lihim mayroon ang baybay?

“Nasa nakangangang berkákan ang iyong ayát.”

Humihinga ang huling awit ni lélong
Sa harap ng kompyuter. Humahampas na alon
Sa balintataw ang paglubog-paglitaw
Ng cursor. Ligaw na buhangin sa keyboard
Ang naipong alikabok, ramdam ang álat
Sa aking namamawis na palad. Dinadalaw
Ng amoy ng tabako mula sa usok
Ng sigarilyong kumakapit sa kisame, sa pader,
Hanggang sa aking mga lumang aklat.

“Kailangan mong isuko ang iyong sarili sa nakangangang berkákan.”

Paano ko papaniwalaan si lélong
Na kaya niyang sisirin ang baybáy.
Tinutubuan ba ng palikpik,
Nagkakaroon ng hasang
Sa harap ng makinilya?

Kahit sa huling hininga niya
Paulit-ulit na isinasalaysay
Ang partáan at ayát sa baybáy.

“Sisirin ang lalim ng lágip nang malikom ng ayát ang iyong kalansay.”

Lunod sa takot, pagdududa
At sariling kahinaan sa harap ng kompyuter. Ako
Na walang lason ang talampakan, naduduwag
Na lumusong maging sa tahimik na karayán;
Nauutal sa pagbigkas ng ayát at álat,
Ladíngit at asin, álon at partáan; paano muling
Mabubuhay mula sa pagiging kalansay?

Sa gitna ng mga titik, daluyong na linya sa virtual na papel,
Nakangangang berkákan ang liwanag ng iskrín.

______

(Ilan sa mga salitang ginamit ay ilokano)

Talasalitaan:

Ayát – Pag-ibig; Baybáy – Dagat; Dániw – Tula; Kalapáw – Kubo; Karayán – Ilog; Ladíngit – Pighati; Lágip – Gunitâ; Lélong – Lolo; Lidáy – Pighati; Partáan – Sagimsim;Táaw – Laot.